Old/New Testament
Dalangin para Tulungan ng Dios
120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Jerusalem
122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
“Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
2 At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
3 Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
4 Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
5 Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
6 Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
“Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
7 Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”
8 Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
“Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.
Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol
9 Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? 2 Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. 3 At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.
4 Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? 6 Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? 7 Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b] 16 Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Dios sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.
19 Kahit hindi ako isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami na sasampalataya kay Cristo. 20 Sa piling ng mga kapwa ko Judio, namumuhay ako bilang Judio upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Cristo. Kaya kahit wala man ako sa ilalim ng Kautusan ng mga Judio, sinusunod ko ito upang madala ko sila sa pananampalataya. 21 Sa piling naman ng mga hindi Judio, namumuhay ako na parang wala sa ilalim ng Kautusan upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga utos ng Dios, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga utos ni Cristo. 22 Sa mahihina pa ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko sila kay Cristo. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, upang sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito.
24 Sa ating pagsunod sa Dios ay para tayong mananakbo. Alam ninyo na sa isang takbuhan, marami ang sumasali ngunit isa lang ang nananalo. Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ninyo ang gantimpala. 25 Ang bawat manlalaro ay nagsasanay nang mabuti at dinidisiplina ang sarili upang makamit ang gantimpala. Ginagawa niya ito para sa gantimpalang hindi nagtatagal. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay magtatagal magpakailanman. 26 Kaya nga, may layunin at direksyon ang aking pagtakbo. Kung baga sa isang boksingero, hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Dinidisiplina ko ang aking katawan at sinusupil ko ang masasamang pagnanasa nito, dahil baka pagkatapos kong ipangaral ang Magandang Balita sa iba ay ako pa ang hindi makatanggap ng gantimpala mula sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®