Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105-106

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
    Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
    Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
    Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.

23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
    at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
    at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
    ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
    kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
    at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
    ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
    kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
    Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
    Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
    at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
    at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
    ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
    kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
    at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
    napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

1 Corinto 3

Mga Lingkod ng Dios

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu ng Dios, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy mga simpleng aral lamang dahil sa hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na pangaral. At kahit ngayon, hindi pa ninyo ito kayang unawain, dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan kayo at nag-aaway-away. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman? Kapag sinasabi ninyong “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo na nagkakampi-kampihan?

Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios.

Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo. 10 At ako naman, bilang dalubhasang tagapagtayo ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ibinigay sa akin ng Dios. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo 11 dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo.

12 May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami. 13 Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy. 14 Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo. 15 Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.

16 Hindi nʼyo ba alam na kayoʼy templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay naninirahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa templo ng Dios ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Dios. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.

18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundo, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Dios ang marurunong sa kanilang katusuhan,”[a] 20 at “Alam ng Dios na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang sinuman. Sapagkat lahat ay ibinigay ng Dios sa inyo para sa ikabubuti ninyo. 22 Ako, si Apolos, at si Pedro[b], kaming lahat ay inyo. Maging ang mundo, ang buhay at kamatayan, ang kasalukuyan at hinaharap, lahat ng itoʼy sa inyo. 23 At kayo naman ay kay Cristo, at si Cristo naman ay sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®