Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 84-86

Pananabik sa Templo ng Dios

84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa

85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[e]
Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
    inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
    Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
    hanggang sa aming mga salinlahi?
Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
    dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
    iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
    upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
    at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
    at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.

Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios

86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
    Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
    at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
    Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
    walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
Ang lahat ng bansa[f] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
    Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
    Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
    at susundin ko ito nang may katapatan.[g]
    Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
    Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
    Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
    Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
    Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
    bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
    upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
    Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Roma 12

Pamumuhay Bilang Cristiano

12 Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya. Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.

Sa biyayang ipinagkaloob ng Dios sa akin, sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili ng higit sa nararapat. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Dios sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang kaloob ng isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Dios, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. Kung ang kaloob niya ay paglilingkod sa kapwa, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; kung pagpapayo, magpayo siya nang mabuti; kung pagbibigay, magbigay siya nang maluwag; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.

Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®