Old/New Testament
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.
Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa
80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
2 sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
puntahan nʼyo kami para iligtas.
3 O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
4 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
5 Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
6 Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
7 O Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
8 Katulad namin ay puno ng ubas,
na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
9 Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Ang Awa ng Dios sa Israel
11 Ang tanong ko ngayon, itinakwil na ba ng Dios ang mga taong pinili niya? Aba, hindi! Ako mismo ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lahi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Dios ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi nʼyo ba natatandaan ang sinasabi sa Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Dios ang mga Israelita? 3 Ang sabi ni Elias, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang natitira at gusto pa nila akong patayin.” 4 Pero ano ang isinagot sa kanya ng Dios? “Nagtira ako ng 7,000 Israelitang hindi sumasamba sa dios-diosang si Baal.” 5 Ganyan din ngayon, may mga natitira pang mga Israelita na tapat sa Dios, na pinili niya dahil sa kanyang biyaya. 6 Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.
7 Ngayon, masasabi natin na hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang ninanais na maituring silang matuwid ng Dios. Ang mga pinili ng Dios ang siyang nagkamit nito, pero ang karamihan ay pinatigas ang ulo. 8 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa silang manhid ng Dios at hanggang ngayon ay para silang mga bulag o bingi sa katotohanan.” 9 Sinabi rin ni David tungkol sa kanila: “Ang kanilang mga handog[a] sana ang magdala sa kanila ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan. 10 Mabulag sana sila at magkandakuba sa bigat ng kanilang mga papasanin.”
11 Natisod ang mga Judio dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo. Ibig bang sabihin, tuluyan na silang mapapahamak? Hindi! Pero dahil sa paglabag nila, nabigyan ng pagkakataon ang mga hindi Judio na maligtas. At dahil dito, maiinggit ang mga Judio. 12 Ngayon, kung ang paglabag at pagkabigong ito ng mga Judio ay nagdulot ng malaking pagpapala sa mga hindi Judio sa buong mundo, gaano pa kaya kalaki ang pagpapalang maidudulot kung makumpleto na ang buong bilang ng mga Judio na sasampalataya kay Cristo.
Ang Kaligtasan ng mga Hindi Judio
13 Ngayon, ito naman ang sasabihin ko sa inyong mga hindi Judio: Ginawa akong apostol ng Dios para sa inyo, at ikinararangal ko ang tungkuling ito. 14 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Judio para sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas. 15 Kung ang pagtakwil ng Dios sa mga Judio ang naging daan para makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Judio ay muling tanggapin ng Dios? Sila ay para na ring muling binuhay.
16 Maihahambing natin ang mga Judio sa isang tinapay. Kung inihandog sa Dios ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Dios ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito. 17 Ang mga Judio ay tulad sa isang puno ng olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga hindi Judio ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Dios para sa mga Judio. 18 Pero huwag kayong magmalaki na mas mabuti kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®