Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 70-71

Dalangin para Tulungan ng Dios

(Salmo 40:13-17)

70 Panginoong Dios,
    iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
    Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
    O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
    Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
    Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
    Dinggin nʼyo ako at iligtas.
Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
    Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
    Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
    dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
    Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
    kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
    at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
    Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
    na matuwid kayo at nagliligtas,
    kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
    at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
    Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
    inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
    huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
    Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
    at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
    Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
    Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
    Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
    at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
    O Banal na Dios ng Israel,
    aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
    at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.

Roma 8:22-39

22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.

26 Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. 27 At ang anumang nais sabihin ng Banal na Espiritu ay alam ng Dios na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya,[a] kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios.

28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Jesus para siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Kaya nga, ang mga taong pinili ng Dios noong una pa ay tinawag niya para maging kanyang mga anak, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay binigyan niya ng karangalan.

Ang Pag-ibig ng Dios

31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[b] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[c]

37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®