Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 68-69

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
    at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
    Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
    ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
    kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
    at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
    pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]

15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
    Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
    At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
    pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
    at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[g]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
    Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
    Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
    Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
    Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
    hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
    huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[h] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
    Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
    at sumama ang loob ko.
    Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
    ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
    mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[i]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
    para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
    at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[j]
    at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
    kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.

30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
    Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
    Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
    at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
    nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[k] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
    At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
    at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.

Roma 8:1-21

Pamumuhay na Ayon sa Banal na Espiritu

Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Cristo Jesus. Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan[a] ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay. Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan. Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu. Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.

Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.

Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap

18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®