Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 57-59

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Mapapahamak ang Masasama

58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
Ang masasama ay lumalayo sa Dios
    at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
    Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
    na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
    at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
    o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.

Mabilis silang tatangayin ng Dios,
    maging ang mga nabubuhay pa,
    mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
    at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”

Panalangin Laban sa Masama

59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
    At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
Panginoon, tingnan nʼyo!
    Inaabangan nila ako para patayin,
    kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
    ngunit handa silang salakayin ako.
    Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
    Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
    Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
    Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
    gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
    At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
    Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
O Dios ikaw ang aking kalakasan.
    Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
    Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
    para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
    kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
    O Panginoon na aming pananggalang,
    iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
    Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
    gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
    Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
    Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
    dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.

Roma 4

Ginawang Halimbawa si Abraham

Bilang halimbawa kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao, isipin ninyo si Abraham na Ama ng mga Judio sa laman. Kung itinuring siya ng Dios na matuwid dahil sa mga nagawa niya, sanaʼy may maipagmamalaki siya. Pero wala siyang maipagmamalaki sa Dios, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil ditoʼy itinuring siyang matuwid ng Dios.”[a] Ang ibinibigay sa isang taong nagtatrabaho ay hindi kaloob kundi bayad. Pero itinuring tayong matuwid ng Dios sa kabila ng ating mga kasalanan hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa pananampalataya natin sa kanya. Ito ang ibig sabihin ni Haring David nang banggitin niya ang pagiging mapalad ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios hindi dahil sa kanilang mabubuting gawa. Ang sinabi niya,

    “Mapalad ang taong pinatawad at kinalimutan na ng Dios ang kanyang kasalanan.
Mapalad ang tao kapag hindi na ibibilang ng Panginoon laban sa kanya ang kanyang mga kasalanan.”[b]

Ang mga sinabing ito ni Haring David ay hindi lang para sa mga Judio, kundi pati na rin sa mga hindi Judio. Alam natin ito dahil binanggit na namin na, “itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.” 10 Kailan ba siya itinuring na matuwid? Hindi baʼt noong hindi pa siya tuli? 11 Tinuli siya bilang tanda na itinuring na siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama[c] ng lahat ng mga mananampalatayang hindi tuli. At dahil nga sa kanilang pananampalataya, itinuring silang matuwid ng Dios. 12 Siya rin ang ama ng mga Judiong tuli, hindi lang dahil silaʼy tuli sa laman, kundi dahil sumasampalataya rin sila tulad ng ating ninunong si Abraham noong hindi pa siya tuli.

Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.

16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[d] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. 18 Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Dios sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”[e] 19 Mag-iisang daang taong gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Dios, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Dios 21 dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Dios ang kanyang pangako. 22 Kaya nga, itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 23 Pero ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, 24 kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. 25 Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®