Old/New Testament
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[b]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.
33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.
Ang Pagkasira ng Barko
39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan. 41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.
42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas. 43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan. 44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®