Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 37-39

Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao

37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
    at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.

Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
    Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
    at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
    magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
    kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
    at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
    Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
    kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
    Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
Ang masama ay ipagtatabuyan,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
    At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.

12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
    at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
    dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
    at nakaumang na ang kanilang mga pana
    upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
    kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
    ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
    At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
    Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
    Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
    Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
    ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
    Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
    dahil hinahawakan siya ng Panginoon.

25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
    ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
    o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
    at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.

27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
    nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
    at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
    Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
    Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.

30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
    at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
    upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
    sa kamay ng kanyang mga kaaway,
    o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.

34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
    Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
    at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.

35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
    Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
    katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
    hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
    May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
    at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
    Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
    dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.

Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap

38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
    Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
    Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
Sumasakit ang buo kong katawan,
    at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
    at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
    at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
    pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
    akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
    at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
    Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
    Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
    Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
    “Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
    o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
    sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
    Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
    sinusuklian nila ako ng masama.
    At kinakalaban nila ako
    dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
    huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Gawa 26

Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa

26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,

“Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.

“Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?

“Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[a] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”

Ikinuwento ni Pablo kung Paano Niya Nakilala ang Panginoon(A)

12 “Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damascus na may dalang sulat mula sa mga namamahalang pari. Ang sulat na iyon ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan at pahintulot sa gagawin ko roon. 13 Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ako, biglang kumislap sa paligid namin ng mga kasama ko ang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, na mas nakakasilaw pa kaysa sa araw. 14 Napasubsob kaming lahat sa lupa, at may narinig akong tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Pinaparusahan mo lang ang iyong sarili. Para kang sumisipa sa matulis na kahoy.’ 15 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Jesus na inuusig mo. 16 Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga Judio at sa mga hindi Judio. Ipapadala kita sa kanila 18 para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain

19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”

24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”

30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®