Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 29-30

Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon

29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
    Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
    Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.

Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
    na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
    at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
    at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
    at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
    At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
    Ang Dios ay makapangyarihan!”

10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
    Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
    at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Gawa 23:1-15

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”

Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”

Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”

10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.

11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”

Ang Planong Pagpatay kay Pablo

12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®