Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23-25

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Ang Dios ang Dakilang Hari

24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
    ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
    at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.

Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
    Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[d] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
    at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
    at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
    dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
    dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
    Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
    at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
    na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
    Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
    nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.

Gawa 21:18-40

18 Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. 19 Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya.

20 Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. 22 Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. 23 Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. 24 Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. 25 Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” 26 Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®