Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 20-22

Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan

20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
    At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
    pati na ang iyong mga haing sinusunog.
Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
    at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
    at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
    Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
    at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
    at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
    ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.

Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
    At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

21 Panginoon, sobrang galak ng hari
    dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
    Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
    hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
    Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
    at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
    naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
    pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
    at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
    hindi siya mabubuwal.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
    Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
    upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
    ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
    dahil sa inyong kalakasan.
    Aawit kami ng mga papuri
    dahil sa inyong kapangyarihan.

Panawagan sa Dios para Tulungan

22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
    Bakit kay layo nʼyo sa akin?
    Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
    kaya wala akong kapahingahan.
Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
    at pinupuri ng mga Israelita.
Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
    at silaʼy inyong iniligtas.
Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
    Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.

Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
    Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
    at iiling-iling na nagsasabi,
“Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
    bakit hindi ka niya iniligtas?
    Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
    at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
    at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
    dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
    at wala na akong ibang maaasahan.

12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
    na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
    at nakanganga na handa akong lapain.

14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
    at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
    At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
    O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
    At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
    ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Gawa 21:1-17

Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem

21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.

Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”

Dumating si Pablo sa Jerusalem

15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.

Dinalaw ni Pablo si Santiago

17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®