Old/New Testament
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
6 Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.
7 Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8 Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.
28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso
17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[a] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.
25 “Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyo na hindi maliligtas, wala na akong pananagutan sa Dios. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang[b] pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo. 29 Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.
32 “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®