Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 38-40

Nagsalita ang Panginoon

38 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipu-ipo, sinabi niya,

“Sino ka na nag-aalinlangan sa aking karunungan? Ang mga sinasabi moʼy nagpapatunay lang na wala kang nalalaman. Humanda ka. Sagutin mo ang aking mga tanong.

“Nasaan ka noong nilikha ko ang pundasyon ng daigdig? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa akin. Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito? Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel?[a]

“Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman? Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat. 10 Nilagyan ko ng hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng trangka. 11 Sinabihan ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’

12 “Minsan ba sa buhay mo Job ay nautusan mo ang umaga na magbukang-liwayway 13 para ang ningning nito ay lumiwanag sa buong mundo at mapatigil ang kasamaang ginagawa kapag madilim? 14 At dahil sa sikat ng araw, ang daigdig ay malinaw na nakikita katulad ng marka ng pantatak at lukot ng damit. 15 Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama, dahil hindi sila makakagawa ng karahasan sa iba.

16 “Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal na nasa ilalim ng dagat o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat? 17 Naipakita na ba sa iyo ang mga pintuan patungo sa lugar ng mga patay? 18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!

19 “Alam mo ba kung saan nanggaling ang liwanag at dilim? 20 At kaya mo ba silang pabalikin sa kanilang pinanggalingan? 21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo? 23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan. 24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat,[b] o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan? 25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo? 26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao? 27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo? 28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog, 29 at ng yelong mula sa langit? 30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.

31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion? 32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan? 33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan?[c] Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?

34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan? 35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito? 36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao? 37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit 38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?

39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon para sila ay mabusog 40 habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy? 41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa akin?

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing-gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak? Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak? Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak. Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.

“Sino ang nagpalaya sa asnong-gubat? Ibinigay ko sa kanya ang ilang para kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan. Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo. Paikot-ikot siya sa mga kabundukan para maghanap ng sariwang pastulan.

“Mapagtatrabaho mo ba ang bakang-gubat? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang kulungan kung gabi? 10 Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid? 11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya para gawin ang mabibigat na gawain? 12 Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?

13 “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong[d] kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak. 14 Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan. 15 Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat. 16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan. 17 Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa. 18 Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?[e] 20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal? 21 Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan. 22 Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.[f] 23 Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya. 24 Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta. 25 Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.

26 “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog? 27 Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako? 28 Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan. 29 Mula roon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin. 30 At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”

40 Sinabi pa ng Panginoon kay Job, “Makikipagtalo ka ba sa akin na Makapangyarihang Dios? Sinasabi mong nagkamali ako. Ngayon, sagutin mo ako.” Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,

“Hindi po ako karapat-dapat na sumagot sa inyo. Tatahimik na lang po ako. Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.” Muling sinabi ng Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo,

“Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.

“Gusto mo bang patunayan na mali ako para palabasin na ikaw ang tama? Ikaw baʼy makapangyarihang tulad ko? Magagawa mo bang parang kulog ang tinig mo na katulad ng sa akin? 10 Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw ngaʼy makapangyarihan, marangal at dakila. 11-12 Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila. Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan. 13 Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay. 14 Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin ko na may kakayahan ka ngang iligtas ang iyong sarili.

15 “Tingnan mo ang hayop na Behemot,[g] nilalang ko rin siya katulad mo. Kumakain ito ng damo na tulad ng baka, 16 pero napakalakas nito, at napakatibay ng katawan. 17 Ang buntot niyaʼy tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro, at ang mga hitaʼy matipuno. 18 Ang mga buto nitoʼy kasintibay ng tubong tanso o bakal. 19 Kahanga-hanga siya sa lahat ng aking nilalang. Pero ako na Manlilikha niya ay hindi niya matatalo. 20 Nanginginain siya sa mga kabundukan habang naglalaro ang mga hayop sa gubat malapit sa kanya. 21 Nagpapahinga siya sa matitinik na halamang natatabunan ng talahib. 22 Ang mga halamang matinik at ang iba pang mga punongkahoy sa tabi ng batis ay nagiging kanlungan niya. 23 Hindi siya natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog. Tahimik pa rin siya kahit halos natatabunan na siya ng tubig sa Ilog ng Jordan. 24 Sino ang makakahuli sa kanya sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya? Sino ang makakabitag sa kanya at makakakawit sa ilong niya?

Gawa 16:1-21

Ang Pangalawang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

16 Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego. Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao. Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito. Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito. Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.

Ang Pangitain ni Pablo tungkol sa Lalaking Taga-Macedonia

Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Dios sa lalawigan ng Asia. Pagdating nila sa hangganan ng Mysia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, pero hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya dumaan na lang sila sa Mysia at pumunta sa Troas. Nang gabing iyon, ipinakita ng Dios kay Pablo ang isang pangitain. Nakita niya ang isang taga-Macedonia na nakatayo at nagmamakaawa sa kanya. Sinabi ng tao, “Tumawid ka rito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Pagkatapos makita ni Pablo ang pangitaing iyon, gumayak agad kami papunta sa Macedonia, dahil naramdaman naming pinapapunta kami roon ng Dios para mangaral ng Magandang Balita sa mga taga-roon.

Naniwala si Lydia kay Jesus

11 Bumiyahe kami mula Troas papuntang Samotrace, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis. 12 Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira roon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw. 13 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila. 14 Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya.[a] Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu. 19 Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod. 20 Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Judio at nanggugulo sa ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin pwedeng sundin ang mga itinuturo nila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®