Old/New Testament
36 Nagpatuloy pa si Elihu, 2 “Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako para ipagtanggol ang Dios. 3 Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Dios na lumikha sa akin ay tama. 4 Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.
5 “Makapangyarihan ang Dios, pero wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay. 6 Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan. 7 Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman. 8 Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena, 9 ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila. 10 Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan. 11 Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan. 12 Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.
13 “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya. 14 Mamamatay silang kahiya-hiya[a] habang bata pa. 15 Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
16 “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan. 17 Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan. 18 Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol. 19 Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan? 20 Huwag mong hahanapin ang gabi,[b] ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa. 21 Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.
22 “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya. 23 Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya. 24 Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit. 25 Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.[c] 26 Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.
27 “Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan. 28 Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao. 29 Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios. 30 Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat. 31 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao. 32 Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan. 33 Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.
37 “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo. 2 Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog. 3 Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo. 4 Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan. 5 Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain. 6 Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas, 7 para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios. 8 Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo. 9 Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan. 10 Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig. 11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito. 12 Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap. 13 Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.
14 “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios. 15 Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito? 16 Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan. 17 Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog, 18 matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?
19 “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman. 20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak. 21 Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap. 22 Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga. 23 Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi, 24 kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”
Ang Sulat para sa mga Hindi Judio
22 Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, 23 at sila ang magdadala ng sulat na ito:
“Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya.
“Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia:
24 “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. 25 Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. 26 Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. 28 Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: 29 Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.”
30 At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. 31 Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. 32 Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. 33 Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [34 Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Bumalik tayo sa lahat ng bayan na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at dalawin natin ang ating mga kapatid para malaman natin ang kalagayan nila.” 37 Sumang-ayon si Bernabe pero gusto niyang isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Pero ayaw pumayag ni Pablo, dahil noong una nakasama nila si Marcos pero iniwan sila nito noong nasa Pamfilia sila. 39 Matindi ang kanilang pagtatalo, kaya naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at pumunta sila sa Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas. Bago sila umalis, ipinanalangin sila ng mga kapatid na tulungan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. 41 Pumunta sina Pablo sa Syria at sa Cilicia at pinatatag nila ang mga iglesya roon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®