Old/New Testament
Nagsalita si Elihu
32 Kinalaunan, tumigil na sa pagsasalita ang tatlong kaibigan ni Job, dahil ipinipilit ni Job na wala siyang kasalanan.
2 May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Barakel, na taga-Buz. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Dios, sa halip na ang kanyang sarili. 3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan. 4 At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job. 5 Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya. 6 Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko. 7 Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman. 8 Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa. 9 Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama. 10 Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko. 11 Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran. 12 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo, pero ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay na nagkasala si Job; ni hindi ninyo nasagot ang mga pangangatwiran niya. 13 Huwag ninyong sasabihing, ‘Napag-alaman naming mas marunong siya. Hayaan ninyong ang Dios ang sumagot sa kanya at hindi ang tao!’ 14 Kung sa akin siya nakipagtalo, hindi ko siya sasagutin na katulad ng mga sinabi ninyo. 15 Hindi na kayo makakibo ngayon at wala nang maisagot sa kanya. 16 At ngayong wala na kayong maisagot, kailangan ko pa bang maghintay? 17 Ako rin ay may sasabihin ayon sa nalalaman ko. 18 Dahil marami akong gustong sabihin, at hindi ko na talaga ito mapigilan. 19 Para akong bagong sisidlang-balat na punong-puno at malapit nang sumabog. 20 Kinakailangan kong magsalita para gumaan ang pakiramdam ko. 21 Wala akong kakampihan o pupurihin. 22 Hindi ako marunong mambola. Kung gagawin ko ito, parusahan nawa ako ng aking Manlilikha.”
33 “Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo. 2 Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila. 3 Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman. 4 Ang espiritu ng Makapangyarihang Dios ang gumawa sa akin at nagbigay buhay. 5 Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako. 6 Pareho lang tayo sa harapan ng Dios. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa. 7 Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.
8 “Narinig ko ang mga sinabi mo. Sinabi mong, 9 ‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama. 10 Pero naghahanap ang Dios ng dahilan para akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway. 11 Kinadenahan niya ang mga paa ko at binabantayan ang lahat ng kilos ko.’
12 “Pero Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Dios ay higit kaysa sa tao? 13 Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao? 14 Ang totoo, palaging[a] nagsasalita ang Dios, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao. 15 Nagsasalita siya sa pamamagitan ng panaginip o ng pangitain habang ang taoʼy natutulog ng mahimbing sa gabi. 16 Bumubulong siya sa mga tainga nila para magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila. 17 Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas, 18 at para mailigtas sila sa kamatayan. 19 Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto, 20 at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain. 21 Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang. 22 Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.
23 “Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid, 24 kahahabagan siya ng Dios.[b] At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’ 25 Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan. 26 At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay. 27 Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin. 28 Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’
29 “Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao. 30 Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.
31 “Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita. 32 Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan. 33 Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”
Sina Pablo at Bernabe sa Iconium
14 Ang nangyari sa Iconium ay katulad din ng nangyari sa Antioc. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio. At dahil sa kanilang pangangaral, maraming Judio at hindi Judio ang sumampalataya kay Jesus. 2 Pero mayroon ding mga Judio na hindi sumampalataya. Siniraan nila ang mga mananampalataya sa mga hindi Judio, at sinulsulan pa nilang kalabanin sila. 3 Nagtagal sina Pablo at Bernabe sa Iconium. Hindi sila natakot magsalita tungkol sa Panginoon. Ipinakita ng Panginoon na totoo ang kanilang itinuturo tungkol sa kanyang biyaya, dahil binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay. 4 Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Judiong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol.
5 Nagplano ang ilang mga Judio at mga hindi Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis papuntang Lystra at Derbe, mga lungsod ng Lycaonia, at sa mga lugar sa palibot nito. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sina Pablo at Bernabe sa Lystra
8 May isang lalaki sa Lystra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Lycaonia, “Bumaba ang mga dios dito sa atin sa anyo ng tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang dios na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. 14 Nang malaman iyon nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit[a] at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 “Mga kaibigan, bakit maghahandog kayo sa amin? Kami ay mga tao lang na katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita para talikuran na ninyo ang mga walang kwentang dios na iyan at lumapit sa Dios na buhay. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan na lang ng Dios ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Dios sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo para matuwa kayo.” 18 Pero kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[b] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®