Old/New Testament
30 “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. 2 Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? 3 Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. 4 Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. 5 Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. 6 Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. 7 Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. 8 Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.
9 “At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11 Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12 Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13 Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14 Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15 Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap. 16 At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19 at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.
20 “O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21 Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23 Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.
24 “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25 Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26 Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27 Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28 Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29 Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30 Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31 Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.
31 “Ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ako titingin nang may pagnanasa sa isang dalaga. 2 Sapagkat anong igaganti ng Makapangyarihang Dios na nasa langit sa mga ginagawa ng tao? 3 Hindi baʼt kapahamakan at kasawian para sa mga gumagawa ng kasamaan? 4 Alam ng Dios ang lahat ng aking ginagawa. 5 Kung nagsinungaling man ako at nandaya, 6 hahayaan kong hatulan ako ng Dios, dahil siya ang nakakaalam kung nagkasala nga ako. 7 Kung hindi ako sumunod sa tamang daan, o kung sinunod ko ang nais ng aking mata, at dinungisan ko ang aking sarili, 8 masira nawa ang aking mga pananim o di kayaʼy pakinabangan ng iba. 9 Kung naakit ako ng ibang babae o napaibig sa asawa ng aking kapwa, 10 kunin nawa at sipingan ng ibang lalaki ang asawa ko. 11 Sapagkat ang pangangalunya ay kasalanang nakakahiya, at dapat na parusahan ang taong ganyan ang ginagawa. 12 Iyan ay parang mapamuksang apoy na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.
13 “Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin, 14 anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako? 15 Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?
16 “Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan, 17 at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios. 18 Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda. 19 Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit, 20 binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin. 21 Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman, 22 maputol sana ang mga braso ko. 23 Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.
24 “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27 Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.
29 “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30 Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31 Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32 Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34 Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.
35 “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36 At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37 Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.
38 “Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,[a] 39 o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40 tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”
Dito natapos ang mga sinabi ni Job.
26 “Mga kapatid, na mula sa lahi ni Abraham at mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios, tayo ang pinadalhan ng Dios ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan. 27 Pero ang mga Judiong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Pero sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Jesus ng kamatayan. 28 Kahit wala silang matibay na ebidensya para patayin siya, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay si Jesus. 29 Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na mangyari kay Jesus, kinuha nila siya sa krus at inilibing. 30 Pero muli siyang binuhay ng Dios. 31 At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus. 32 At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, 33 na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,
‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’[a]
34 Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,
‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’[b]
35 At sinabi pa sa isa pang Salmo,
‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’[c]
36 Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok. 37 Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok. 38-39 Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,
41 ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.
Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”[d]
42 Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.
Bumaling si Pablo sa mga Hindi Judio
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon. 45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda. 46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita. 47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:
‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”
48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.
49 Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon. 50 Pero sinulsulan ng mga pinuno ng mga Judio ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila. At tumuloy sila sa Iconium. 52 Ang mga tagasunod ni Jesus doon sa Antioc ay puspos ng Banal na Espiritu at masayang-masaya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®