Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 28-29

Nagsalita si Job Tungkol sa Karunungan at Pang-unawa

28 “May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto. Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato. Gumagamit ng ilaw ang mga tao para madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa. Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid. Sa ibabaw ng lupa tumutubo ang mga tanim kung saan nagmumula ang pagkain, pero sa ilalim ay parang dinaanan ng apoy. Ang mga bato roon ay may mga safiro[a] at ang mga alikabok ay may ginto. Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit. Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon. Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok. 10 Hinuhukay nila ang bundok para hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato. 11 Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12 “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14 Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15 Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17 Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18 Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19 Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia[b] at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20 “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21 Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23 Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24 Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25 Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26 itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”

Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job

29 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. Tumatahimik kahit ang mga pinuno 10 at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako. 11 Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita. 12 Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan. 13 Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din. 14 Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot. 15 Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay. 16 Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin. 17 Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila.

18 “Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan. 19 Sapagkat ang katulad ko nooʼy matibay na punongkahoy na umaabot ang mga ugat sa tubig at laging nahahamugan ang mga sanga. 20 Palagi akong malakas at pinupuri ng mga tao. 21 Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. 22 Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. 23 Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. 24 Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. 25 Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.

Gawa 13:1-25

Ipinadala sina Bernabe at Saulo ng Banal na Espiritu

13 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata[a] ni Gobernador Herodes, at si Saulo. Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.

Ang Unang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus. Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain. Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus. Kaibigan siya ni Sergius Paulus, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Dios. Pero hinadlangan sila ng salamangkerong si Elimas. (Ito ang pangalan ni Bar Jesus sa wikang Griego.) Ginawa niya ang lahat ng paraan para huwag sumampalataya ang gobernador kay Jesus. Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi, 10 “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon. 11 Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya. 12 Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.

Nangaral si Pablo sa Antioc ng Pisidia

13 Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem. 14 Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon. 15 May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®