Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 25-27

Nagsalita si Bildad

25 Sumagot si Bildad na taga-Shua, “Makapangyarihan ang Dios at kagalang-galang. Pinaghahari niya ang kapayapaan sa langit. Mabibilang ba ang kanyang hukbo? May lugar bang hindi nasisinagan ng kanyang liwanag? Paano makakatayo ang isang tao sa harapan ng Dios at sasabihing siya ay matuwid? Mayroon bang taong ipinanganak na walang kapintasan? Kung ang buwan at mga bituin ay hindi maliwanag sa kanyang paningin, di lalo na ang tao na parang uod lamang.”

Sumagot si Job

26 Sumagot si Job, “Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina? Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan? Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan?

“Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig. Lantad sa paningin ng Dios ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar na iyon ng kapahamakan. Inilatag ng Dios ang hilagang kalangitan sa kalawakan at isinabit ang mundo sa kawalan. Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, pero hindi ito napupunit gaano man kabigat. Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan.[a] 10 Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim. 11 Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit. 12 Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab. 13 Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na dragon. 14 Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”

27 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buhay na Dios na nagkait ng katarungan at nagdulot sa akin ng sama ng loob. Habang akoʼy may hininga at pinapahintulutan niyang mabuhay, hindi ako magsasalita ng masama at kasinungalingan. Hinding-hindi ko matatanggap na tama kayo. Ipipilit ko pa rin na wala akong kasalanan hanggang sa mamatay ako. Ipaglalaban kong tama ako, at hindi ako titigil. Malinis ang aking konsensya habang akoʼy nabubuhay.

“Parusahan nawa ng Dios ang mga kumakalaban sa akin ng parusang nararapat sa masasamang tao! Sapagkat ano ang pag-asa ng taong walang takot sa Dios kung bawiin na ng Dios ang kanyang buhay? Didinggin kaya ng Dios ang paghingi niya ng tulong kung dumating sa kanya ang kagipitan? 10 Matutuwa kaya siya sa Makapangyarihang Dios? Tatawag kaya siya sa kanya sa lahat ng oras?

11 “Tuturuan ko sana kayo ng tungkol sa kapangyarihan ng Dios. Sasabihin ko sa inyo ang mga pamamaraan niya. 12 Pero alam na pala ninyo ang lahat ng ito. Kaya bakit pa kayo nagsasalita sa akin ng walang kabuluhan?

13 “Ito ang kapalaran na itinakda ng Makapangyarihang Dios sa taong masama at malupit. 14 Kahit gaano kadami ang anak niya, mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan at ang iba naman ay sa gutom. 15 Ang matitira sa kanila ay mamamatay sa sakit, at walang magluluksa sa pagkamatay nila, kahit ang kanilang mga asawa.

16 “Kahit mag-ipon ng maraming pilak at damit ang masamang tao, 17 hindi rin siya ang makikinabang nito. Ang matutuwid at walang kasalanan ang magsusuot ng kanyang mga damit at ang maghahati-hati sa kanyang mga pilak. 18 Ang itinatayo niyang bahay ay magiging kasinrupok ng sapot ng gagamba o kayaʼy silungan ng tagapagbantay sa bukid. 19 Matutulog siyang mayaman pero paggising niyaʼy wala na ang kanyang kayamanan. 20 Darating sa kanya ang takot na parang rumaragasang baha at tatangayin siya ng ipu-ipo pagsapit ng gabi. 21 Tatangayin siya ng hangin na mula sa silangan at mawawala siya sa kanyang tirahan. 22 Walang awa siyang tatangayin nito habang pinipilit niyang makatakas. 23 May mga papalakpak at susutsot sa kanya para mangutya, dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.

Gawa 12

Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya

12 Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes[a] sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.

Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan

Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. 11 Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari,[b] pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. 15 Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” 16 Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. 17 Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.

Ang Pagkamatay ni Haring Herodes

20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.

24 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.

25 Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioc galing sa Jerusalem[c] matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®