Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 20-21

Nagsalita si Zofar

20 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama, “Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali. Sinaway mo ako ng may halong pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin.

“Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo, ang ligaya ng taong masama ay sandali lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Dios. Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili, mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya. Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan. Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan. 10 Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha. 11 Malakas at bata pa siyang mamamatay at ililibing.

12 “Ang paggawa niya ng masama ay parang pagkaing matamis sa kanyang bibig 13 na nginunguyang mabuti at ninanamnam. 14 Pero pagdating sa tiyan, ito ay nagiging maasim at lalason sa kanya na parang kamandag ng ahas. 15 Isusuka niyang parang pagkain ang kayamanang ninakaw niya. Ipapasuka ito ng Dios sa kanya kahit itoʼy nasa tiyan na niya. 16 Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas at ang pangil[a] ng ahas ang papatay sa kanya. 17 Hindi na niya matitikman ang saganang langis, gatas, at ang pulot na dumadaloy na parang batis o ilog. 18 Hindi siya gagantimpalaan para sa kanyang pinaghirapan o matutuwa man sa kanyang kayamanan. 19 Sapagkat inapi niya at pinabayaan ang mga dukha, at inagaw ang mga bahay na hindi sa kanya.

20 “Hindi niya mapapakinabangan ang kanyang pinaghirapan. Lahat ng magugustuhan niya ay hindi makakaligtas sa kanya. 21 Wala ng matitira sa kanya na makakain niya dahil mawawala ang kanyang kayamanan. 22 Sa kanyang kasaganaan, darating sa kanya ang kahirapan. Labis na paghihirap nga ang darating sa kanya. 23 Bubusugin siya ng Dios ng paghihirap. Patitikimin siya ng Dios ng kanyang matinding galit, at pauulanan ng parusa. 24 Maaaring makatakas siya sa sandatang bakal pero tatamaan din siya ng panang tanso. 25 Tutusok ito sa kanyang apdo at tatagos sa kanyang katawan. At makakaramdam siya ng takot. 26 Mawawala ang kanyang kayamanan sa kadiliman. Susunugin siya ng apoy na hindi tao ang nagpaningas, pati na ang lahat ng naiwan sa kanyang tirahan.[b] 27 Ihahayag ng langit ang mga kasalanan niya at sasaksi naman ang lupa laban sa kanya. 28 Tatangayin ng baha ang bahay niya sa araw na ibuhos ng Dios ang kanyang galit. 29 Iyan ang kapalaran ng taong masama ayon sa itinakda ng Dios sa kanya.”

Nagsalita si Job

21 Sumagot si Job, “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.

“Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.

“Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10 Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11 Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.[c] Nagsasayawan sila, 12 nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13 Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14 Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15 Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16 Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.

17 “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18 Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19 Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20 at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21 Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.

22 “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23 May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24 at malusog na pangangatawan. 25 May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26 Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.

27 “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28 Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29 Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30 palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31 Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32-33 At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.

34 “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”

Gawa 10:24-48

24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”

30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”

Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius

34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®