Old/New Testament
17 “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. 2 Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. 3 O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. 4 Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. 5 Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap[a] ng kanyang mga anak.
6 “Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. 7 Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. 8 Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. 9 Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10 Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11 Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12 Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14 Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15 May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16 Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”
Nagsalita si Bildad
18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 “Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. 3 Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? 4 Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?
5 “Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. 6 Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. 7 Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. 8 Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. 9 Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[b] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[c] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”
Sumagot si Job
19 Muling sumagot si Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? 3 Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? 4 Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. 5 Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. 6 Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.
7 “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. 8 Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. 9 Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.
13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[d] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[e] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.
25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[f] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.
28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”
Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro
10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. 2 Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. 3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” 4 Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. 5 Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6 Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[a] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” 7 Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. 8 Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.
9 Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[b] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.
17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®