Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 5-7

Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel[a] ay hindi ka tutulungan. Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan. Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya. Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman. Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian. Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa. Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10 Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11 Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. 12 Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay. 13 Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya. 14 Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian. 15 Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. 16 Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.

17 “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18 Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19 Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20 Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21 Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. 22 Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop, 23 sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato. 24 Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. 25 Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. 26 Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.[b] 27 Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Kung matitimbang lang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap, mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsasalita ako nang hindi ko pinag-iisipan nang mabuti. Sapagkat para akong pinana ng Makapangyarihan na Dios ng panang nakakalason, at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang nakakatakot na pana ng Dios ay nakatusok na sa akin. Wala ba akong karapatang dumaing? Kahit asnong-gubat at baka ay umaatungal kapag walang damo. Ang tao namaʼy nagrereklamo kapag walang asin ang kanyang pagkain, lalo naʼt kung ang kakainin ay puti lang ng itlog. Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, para akong masusuka.

“Nawaʼy ibigay ng Dios sa akin ang aking kahilingan. Matanggap ko na sana ang aking hinahangad, na bawiin na lang sana ng Dios ang aking buhay. 10 At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Dios.

11 “Ngunit pagod na akong maghintay at wala na rin akong maaasahan pa. Bakit kailangang patagalin pa ang buhay ko? 12 Kasingtibay ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi! 13 Wala na akong lakas para iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.

14 “Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy itinakwil ko na ang Dios na Makapangyarihan. 15 Pero kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsan ay umaapaw ang tubig at kung minsan naman ay tuyo. 16 Itoʼy umaapaw kapag napupuno ng tunaw na yelo at nyebe, 17 at natutuyo kapag tag-init. 18 Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila. 19 Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa, 20 pero nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon pero wala pala. 21 Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan. 22 Pero bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba ako na tulungan ninyo ako mula sa inyong kayamanan, 23 o iligtas sa kamay ng aking mga kaaway? 24 Hindi! Ang pakiusap ko lamang ay sabihin ninyo sa akin ang tamang sagot sa nangyayari sa akin, at tatahimik na ako. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang nagawa kong pagkakamali. 25 Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Pero ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan. 26 Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. 27 Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan! 28 Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo? 29 Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan. 30 Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?

“Ang buhay ng tao dito sa mundo ay napakahirap. Itoʼy kasinghirap ng araw-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa, o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo. Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako, at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway. Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”

Nanalangin si Job sa Dios

“Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian[c] ng manghahabi.[d] O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya. Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan. Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa. 10 Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.

11 “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob. 12 O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan? 13 Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap, 14 tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. 15 Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.

17 “Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito? 18 Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali. 19 Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang. 20 At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo? 21 Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”

Gawa 8:1-25

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria

Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.

May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”

25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®