Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 1-2

Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job

May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.

Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae. Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog[a] para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.

Ang Unang Pagsubok kay Job

Isang araw, nagtipon ang mga anghel[b] sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. 10 Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. 11 Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” 12 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.

13 Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

20 Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa Panginoon. 21 Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon!” 22 Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.

Ang Pangalawang Pagsubok kay Job

Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel[c] sa presensya ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Tapat pa rin siya sa akin, kahit na pinilit mo akong payagan ka na sirain siya ng walang dahilan.” Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. Pero kapag siya na ang sinaktan mo, tiyak na isusumpa ka niya.” Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, pero huwag mo siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa presensya ng Panginoon, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”

10 Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.

Ang Tatlong Kaibigan ni Job

11 Tatlo sa kaibigan ni Job ang nakabalita tungkol sa masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay at aliwin. 12 Malayu-layo pa sila, nakita na nila si Job, pero halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13 Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.

Gawa 7:22-43

22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.

30 “Pagkalipas ng 40 taon, may isang anghel na nagpakita kay Moises habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai. Nakita ni Moises ang anghel sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, kaya nilapitan niya ito para tingnan. Nang papalapit na siya, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, 32 ‘Ako ang Dios ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nang marinig ito ni Moises, nanginig siya sa takot at hindi na nangahas pang tumingin. 33 Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 34 Nakikita ko ang mga paghihirap na tinitiis ng aking mga mamamayan sa Egipto, at narinig ko rin ang kanilang mga pagtangis. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil susuguin kita sa Egipto.’

35 “Ito ang Moises na itinakwil noon ng kanyang mga kapwa Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin?’ Pero siya ang sinugo ng Dios na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na kanyang nakita roon sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 36 Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa Egipto. Gumawa siya ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng 40 taon. 37 Ito rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Magtatalaga ang Dios sa inyo ng isang propeta na katulad ko na sa inyo rin manggagaling.’ 38 Nang naroon na ang ating mga ninuno sa disyerto, si Moises din ang namagitan sa mga tao at sa anghel na nakipag-usap sa kanya sa Bundok ng Sinai; at doon niya natanggap ang salita ng Dios na nagbibigay ng buhay para ibigay din sa atin.

39 Pero nang hindi pa nakakabalik si Moises galing sa bundok, hindi tinupad ng ating mga ninuno ang ipinagawa sa kanila ni Moises. Itinakwil nila si Moises bilang kanilang pinuno, dahil gusto nilang bumalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na nagpalabas sa amin sa Egipto.’ 41 Pagkatapos, gumawa sila ng dios-diosang kaanyo ng guya.[a] Naghandog sila rito, at ipinagdiwang nila ang gawa ng sarili nilang mga kamay. 42 Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Dios at hinayaan na lang na sumamba sa mga bituin sa langit. Ganito ang isinulat ng mga propeta:

    ‘Kayong mga Israelita, naghandog kayo ng ibaʼt ibang uri ng handog sa loob ng 40 taon doon sa disyerto.
    Ngunit hindi ako ang inyong pinaghandugan.
43 Dala-dala pa ninyo ang tolda ng inyong dios-diosan na si Molec,
    at ang bituing imahen ng inyong dios-diosang si Refan.
    Ginawa ninyo ang mga iyon upang sambahin.
    Kaya itataboy ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’ ”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®