Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nehemias 10-11

10 Ang unang pumirma ay si Gobernador Nehemias na anak ni Hakalias, at si Zedekia.

2-8 Ang mga paring pumirma ay sina Seraya, Azaria, Jeremias, Pashur, Amaria, Malkia, Hatush, Shebania, Maluc, Harim, Meremot, Obadias, Daniel, Gineton, Baruc, Meshulam, Abijah, Mijamin, Maazia, Bilgai, at Shemaya.

9-13 Ang mga Levita na pumirma ay sina Jeshua na anak ni Azania, Binui na mula sa pamilya ni Henadad, Kadmiel, Shebania, Kelita, Pelaya, Hanan, Mica, Rehob, Hashabia, Zacur, Sherebia, Shebania, Hodia, Bani, at Beninu.

14-27 Ang mga pinuno na pumirma ay sina Paros, Pahat Moab, Elam, Zatu, Bani, Buni, Azgad, Bebai, Adonia, Bigvai, Adin, Ater, Hezekia, Azur, Hodia, Hashum, Bezai, Harif, Anatot, Nebai, Magpias, Meshulam, Hezir, Meshezabel, Zadok, Jadua, Palatia, Hanan, Anaya, Hoshea, Hanania, Hashub, Halohes, Pilha, Shobek, Rehum, Hashabna, Maaseya, Ahia, Hanan, Anan, Maluc, Harim, at Baana.

Ang Kasunduan

28 Ang iba pang mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari, mga Levita, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga mang-aawit, mga utusan sa templo, at ang lahat ng nakahiwalay sa mga dayuhang nakatira sa lupain namin para sumunod sa Kautusan ng Dios, maging ang mga asawa nila at ang mga batang nakakaunawa na 29 ay nanumpa kasama ng aming mga pinuno, na aming tutuparin ang Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Nanumpa rin kami na tatanggapin namin ang sumpa ng Dios kung hindi namin matutupad ang pangakong susundin namin ang lahat ng utos at tuntunin ng Panginoon na aming Dios. 30 Nangako kami na hindi namin papayagang makapag-asawa ang mga anak namin ng mga dayuhang naninirahan sa aming lupain. 31 Nangako rin kami na hindi kami bibili kung ipagbibili ng mga dayuhan ang trigo nila o kahit anong ipinagbibili sa Araw ng Pamamahinga o sa ibang banal na araw. At tuwing ikapitong taon, hindi kami magtatanim sa aming lupain, at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa templo ng aming Dios. 33 Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[a] at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog sa paglilinis na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang perang ito sa iba pang mga pangangailangan sa templo ng aming Dios. 34 Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, para malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon para gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Dios, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

35 Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa templo ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim. 36 Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa templo ng aming Dios ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

37 Nangako pa kami na dadalhin namin sa mga pari ang pinakamagandang klase ng aming harina at ang iba pang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, para ilagay sa bodega ng templo ng Dios. Dadalhin din namin ang pinakamabuti naming mga prutas, at ang bagong katas ng ubas at langis ng olibo. Dadalhin din namin sa mga Levita ang ikapu ng aming mga ani, dahil sila ang nangongolekta ng mga ikapu sa lahat ng baryo na may mga sakahan. Kapag mangongolekta ng ikapu ang mga Levita, 38 sinasamahan sila ng mga pari mula sa angkan ni Aaron. At ang ikapu ng nakolekta ay dadalhin ng mga Levita sa bodega ng templo ng aming Dios. 39 Ang mga Israelita, pati na ang mga Levita ay dapat magdala ng mga handog na trigo, bagong katas ng ubas at langis sa bodega kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng templo at kung saan nakatira ang mga pari na naglilingkod, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga mang-aawit.

Kaya nangako kami na hindi namin pababayaan ang templo ng aming Dios.

Ang mga Naninirahan sa Jerusalem

11 Nang panahong iyon, ang mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ay nakatira sa Jerusalem, ang banal na lungsod. Nagpalabunutan ang mga tao para sa bawat sampung pamilya ay may isang pamilyang maninirahan sa Jerusalem, habang ang ibaʼy mananatili sa mga bayan nila. Pinuri ng mga tao ang lahat ng nagpasyang tumira sa Jerusalem.

3-4 Ang ibang Israelita, pati mga pari, mga Levita, mga utusan sa templo, at ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay patuloy na nakatira sa kanilang sariling mga lupain sa ibaʼt ibang mga bayan ng Juda. Ang ibang mga mamamayan ng Juda at Benjamin ay nakatira sa Jerusalem.

Ito ang mga pinuno ng mga probinsya ng Juda at Benjamin na nakatira sa Jerusalem.

Mula sa lahi ni Juda:

Si Ataya na anak ni Uzia. (Si Uzia ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Shefatia. At si Shefatia ay anak ni Mahalalel na mula sa angkan ni Perez.)

Si Maaseya na anak ni Baruc. (Si Baruc ay anak ni Col Hoze. Si Col Hoze ay anak ni Hazaya. Si Hazaya ay anak ni Adaya. Si Adaya ay anak ni Joyarib. At si Joyarib ay anak ni Zacarias na mula sa angkan ni Shela.) (Sa mga angkan ni Perez, 468 matatapang na lalaki na nakatira rin sa Jerusalem.)

Mula sa lahi ni Benjamin:

Si Salu na anak ni Meshulam (si Meshulam ay anak ni Joed; si Joed ay anak ni Pedaya; si Pedaya ay anak ni Kolaya; si Kolaya ay anak ni Maaseya; si Maaseya ay anak ni Itiel; at si Itiel ay anak ni Jeshaya);

ang sumunod kay Salu ay sina Gabai at Salai, at ang 928 kamag-anak nila.

Si Joel na anak ni Zicri ang pinakapinuno nila at ang ikalawa sa kanya ay si Juda na anak ni Hasenua.

10 Mula sa mga Pari:

Si Jedaya na anak ni Joyarib, si Jakin, 11 at si Seraya na anak ni Hilkia (Si Hilkia ay anak ni Meshulam, Si Meshulam ay anak ni Zadok, si Zadok ay anak ni Merayot. At si Merayot ay anak ni Ahitub na namamahala sa templo ng Dios); 12 ang 822 lalaking kasama nilang nagpapagal sa templo:

Si Adaya na anak ni Jeroham. (Si Jeroham ay anak ni Pelalia. Si Pelalia ay anak ni Amzi. Si Amzi ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Pashur. At si Pashur ay anak ni Malkia); 13 ang mga kasama ni Adaya na 242 lalaki na mga pinuno ng mga pamilya:

Si Amasai ay anak ni Azarel. (Si Azarel ay anak ni Azai. Si Azai ay anak ni Meshilemot. At si Meshilemot ay anak ni Imer); 14 ang mga kasama ni Amasai na 128 matatapang na lalaki:

Si Zabdiel na anak ni Hagedolim ang pinakapinuno nila.

15 Mula sa mga Levita:

Si Shemaya na anak ni Hashub. (Si Hashub ay anak ni Azrikam; si Azrikam ay anak ni Hashabia; at si Hashabia ay anak ni Buni.)

16 Si Shabetai at si Jozabad na dalawang pinuno ng mga Levita. Sila ang mga katiwalang namamahala sa mga gawain sa labas ng templo.

17 Si Matania ay anak ni Mica. (Si Mica ay anak ni Zabdi at si Zabdi ay anak ni Asaf.) Si Matania ang nangunguna sa mga mang-aawit na umaawit ng pananalangin at pasasalamat.

Si Bakbukia na kasama ni Matania.

Si Abda na anak ni Shamua. (Si Shamua ay anak ni Galal, at si Galal ay anak ni Jedutun.)

18 May 248 lahat ang mga Levita na nakatira sa Jerusalem, ang banal na lungsod.

19 Mula sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo:

Si Akub at si Talmon, at ang mga kasama nilang 172 lalaking guwardya ng pintuan ng templo.

20 Ang ibang mga Israelita, pati mga pari at mga Levita ay nakatira sa mga lupaing minana nila sa kanilang mga ninuno sa ibaʼt ibang mga bayan ng Juda. 21 Ngunit ang mga utusan sa templo na pinangungunahan nina Ziha at Gishpa ay doon tumira sa bulubundukin ng Ofel.

22 Ang pinakapinuno ng mga Levita sa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani (si Bani ay anak ni Hashabia; si Hashabia ay anak ni Matania; at si Matania ay anak ni Mica). Si Uzi ay isa sa mga angkan ni Asaf, na mang-aawit sa templo ng Dios. 23 Ang hari ang nag-uutos sa kanila tungkol sa mga gagawin nila sa bawat araw.

24 Si Petahia na anak ni Meshezabel, na isa sa mga angkan ni Zera na anak ni Juda, ang kinatawan ng bayan ng Israel sa hari ng Persia.

25 Ang ibang mga mamamayan ng Juda ay nakatira sa mga bayan na malapit sa mga lupain nila. Ang iba sa kanila ay nakatira sa Kiriat Arba, Dibon, Jekabzeel, at sa mga baryo sa paligid ng mga bayang ito. 26 Ang iba sa kanila ay nakatira sa Jeshua, Molada, Bet Pelet, 27 Hazar Shual, Beersheba, at sa mga baryo sa palibot nito. 28 Mayroon ding nakatira sa kanila sa Ziklag, sa Mecona, at sa mga baryo sa paligid nito, 29 sa En Rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adulam, at sa mga baryo sa paligid ng mga bayang ito. Ang iba pa sa kanila ay nakatira sa Lakish at sa malalapit na mga sakahan, at sa Azeka at sa mga baryo sa paligid nito. Kaya nakatira ang tao sa Juda mula sa Beersheba hanggang sa Lambak ng Ben Hinom.

31 Ang ibang mga mamamayan ng Benjamin ay nakatira sa Geba, Micmash, Aya, Betel, at sa mga baryo sa paligid nito. 32 Ang iba sa kanila ay nakatira sa Anatot, Nob, Anania, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod, Ono, at sa Lambak ng mga Manggagawa. 36 Ang iba pang mga Levita na nakatira sa Juda ay pinatira kasama ng mga mamamayan ng Benjamin.

Gawa 4:1-22

Sina Pedro at Juan sa Harapan ng Korte

Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardya sa templo, at ng mga Saduceo. Nagalit sila dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Jesus, at itoʼy nagpapatunay na may muling pagkabuhay. Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan. Iimbestigahan pa sana ang dalawa, pero dahil gabi na, ipinasok na lang muna sila sa bilangguan hanggang sa kinaumagahan. Pero kahit ganito ang nangyari sa kanila, marami sa mga nakarinig ng kanilang pagtuturo ang sumampalataya. Ang mga lalaki na sumampalataya ay 5,000.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at mga tagapagturo ng Kautusan. Naroon din si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alexander, at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Anas. Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at tinanong, “Sa anong kapangyarihan at kaninong awtoridad[a] ang inyong ginamit sa pagpapagaling sa taong lumpo?”

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, “Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio, kung ang itinatanong ninyo sa amin ay tungkol sa paggaling ng taong lumpo, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng lahat ng taga-Israel, na ang taong ito na nakatayo rito ngayon ay pinagaling ng kapangyarihan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret. Siya ang inyong ipinako sa krus at pinatay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. 11 Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ 12 Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”

13 Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon. 14 Magsasalita pa sana sila laban sa himalang ginawa nina Pedro at Juan, pero dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa, wala na silang nasabi. 15 Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi natin ito maikakaila. 17 Kaya para huwag nang kumalat ang kanilang pangangaral sa mga tao, balaan natin sila na huwag nang magturo tungkol kay Jesus.”

18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus. 19 Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios? 20 Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”

21 Pero mahigpit pa rin silang binawalan na mangaral bago sila pinakawalan. Gusto sana nilang parusahan ang dalawa, pero hindi nila magawa. Natatakot sila sa mga tao, dahil pinupuri ng mga ito ang Dios sa nangyaring himala. 22 Sapagkat ang taong pinagaling sa pamamagitan ng himala ay mahigit 40 taon nang lumpo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®