Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nehemias 4-7

Hinadlangan ang Pagpapatayo ng Pader

Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Judio. Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Judiong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato ng pader!” Sinabi pa ng Ammonitang si Tobia na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat[a] lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”

Agad akong nanalangin, “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak[b] nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader.”

Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa. Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia, at ng mga taga-Arabia, taga-Ammon, at mga taga-Ashdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila. Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem para guluhin kami. Subalit nanalangin kami sa aming Dios at naglagay ng mga guwardya araw at gabi para maprotektahan ang mga sarili namin.

10 Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”

11 Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”

12 Ang mga Judio na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay. 13 Kaya naglagay ako ng mga tao para magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso. 14 Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo para mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”

15 Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Dios ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader. 16 Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda 17 na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata, 18 at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.

19 Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at malalayo ang ating pagitan habang nagtatrabaho, 20 kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Dios natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”

21 Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata. 22 Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi para magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila. 23 Dahil palagi kaming nagbabantay, ako at ang mga kamag-anak ko, mga tauhan, at mga guwardya ay hindi na nakapagpalit ng damit. At kahit pumunta sa tubig ay dala-dala namin ang aming mga sandata.

Tinulungan ni Nehemias ang mga Dukha

Dumaing ang ibang mga lalaki at ang mga asawa nila sa kapwa nila mga Judio. Sinabi nila, “Malaki ang pamilya namin at kailangan namin ng pagkain para mabuhay.” May iba rin sa kanila na nagsabi, “Isinanla na lang namin ang mga bukirin namin, mga ubasan, at ang mga bahay namin para may makain kami sa panahon ng taggutom.” May iba pa sa kanila na nagsabi, “Nanghiram kami ng pera para makapagbayad ng buwis sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kahit kami at ang mga anak namin ay kapwa nila Judio, kinailangang ipaalipin namin sa kanila ang aming mga anak para magkapera. Sa totoo lang, ang iba naming mga anak na babae ay ipinagbili na namin bilang alipin. Wala kaming magawa dahil ang aming mga bukirin at mga ubasan ay pagmamay-ari na ng iba.”

Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga hinaing nila. Pinag-isipan kong mabuti ang kalagayan nila, at pinuntahan agad ang mga pinuno at mga opisyal, at pinaratangan sila. Sinabi ko, “Ginigipit nʼyo ang mga kababayan ninyo! Sapagkat tinutubuan nʼyo pa sila kapag nanghihiram sila sa inyo ng pera.” Pagkatapos, pinatipon ko agad ang mga tao para sa isang pulong. Sinabi ko, “Sinisikap nating matubos ang mga kapwa natin Judio na nagbenta ng sarili nila bilang alipin sa mga dayuhan. Pero ngayon, dahil sa ginagawa nʼyo, napipilitan na din silang ibenta ang sarili nila bilang mga alipin. Palagi na lang ba natin silang tutubusin?” Tumahimik na lang sila dahil wala silang maidahilan.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita, “Hindi maganda ang ginagawa ninyo. Dapat sanaʼy mamuhay kayo nang may takot sa Dios para hindi tayo tuyain ng ibang mga bansang kalaban natin. 10 Ako mismo at ang aking mga kamag-anak, pati ang mga tauhan ko ay nagpahiram ng pera at trigo sa mga kababayan nating nangangailangan. Pero huwag na natin silang pagbayarin sa mga utang nila![c] 11 Ngayon din ibalik nʼyo ang mga bukirin, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga bahay ng may utang sa inyo. Ibalik nʼyo rin ang tubo ng mga pinahiram ninyong pera, trigo, bagong katas ng ubas at langis.” 12 Sumagot sila, “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila. Hindi na namin sila sisingilin. Gagawin namin ang sinasabi mo.”

Ipinatawag ko ang mga pari at pinasumpa sa harapan nila ang mga pinuno at ang mga opisyal na tutuparin nila ang pangako nila. 13 Ipinagpag ko ang balabal[d] ko sa baywang ko at sinabi, “Ganito nawa ang gawin ng Dios sa mga bahay at ari-arian ninyo kapag hindi ninyo tinupad ang pangako ninyo. Kunin nawa niya ang lahat ng ito sa inyo.”

Ang lahat ng tao roon ay sumagot, “Siya nawa,” at pinuri nila ang Panginoon. At tinupad ng mga pinuno at ng mga opisyal ang pangako nila.

Ang Pagiging Mapagbigay ni Nehemias

14 Sa loob ng 12 taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon hanggang ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses, ako at ang mga kamag-anak ko ay hindi tumanggap ng pagkaing para sa gobernador. 15 Ngunit ang mga gobernador na nauna sa akin ay naging pasanin ng mga tao, dahil humihingi sila ng pang-araw-araw nilang pagkain at inumin maliban pa sa 40 pirasong pilak. Pati ang mga opisyal nila ay nang-abuso ng mga tao. Pero hindi ko ito ginawa, dahil may takot ako sa Dios. 16 Sa halip, ginawa ko ang lahat para maitayong muli ang pader sa tulong ng mga tauhan ko. At hindi ako[e] nang-angkin ng lupa. 17 Palagi kong pinapakain ang 150 Judiong opisyal bukod pa sa mga bisitang mula sa paligid na mga bansa. 18 Araw-araw akong nagpapakatay ng isang baka, anim na matatabang tupa, at mga manok. At tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng marami at ibaʼt ibang klaseng inumin. Sa kabila nito, hindi ako tumanggap ng pagkaing para sa gobernador, dahil nalaman kong nabibigatan na ang mga tao.

19 Nanalangin ako, “O aking Dios, nawaʼy pagpalain po ninyo ako sa lahat ng ginagawa ko para sa sambayanang ito.”

Ang Patuloy na Paghadlang ng Pagpapatayo ng Pader

Samantala, nabalitaan nina Sanbalat, Tobia, Geshem na taga-Arabia, at ng iba pa naming mga kalaban na natapos na namin ang pagpapatayo ng pader at wala na itong mga butas, maliban na lamang sa mga pinto nito na hindi pa naikakabit. Kaya nagpadala sina Sanbalat at Geshem ng ganitong mensahe sa akin: “Gusto naming makipagkita sa iyo sa isang nayon ng kapatagan ng Ono.”

Ngunit nalaman ko na may balak silang masama sa akin. Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin ito sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan.” Apat na beses nila akong pinadalhan ng ganoong mensahe at apat na beses ko rin silang pinadalhan ng parehong sagot.

Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na. At ito ang nakasulat: “Ipinagtapat sa akin ni Geshem[f] na kahit saan siya pumunta ay naririnig niyang ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak mag-alsa, at iyan ang dahilan kung bakit muli ninyong ipinapatayo ang pader. At ayon sa narinig niya, gusto mong maging hari ng mga Judio, at pumili ka pa ng mga propeta na magpoproklama sa iyo sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na malalaman ito ng hari, kaya pumarito ka para pag-usapan natin ang mga bagay na ito.”

Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.” Alam kong tinatakot lang nila kami para mahinto ang paggawa namin. Pero nanalangin ako sa Dios na palakasin pa niya ako.

10 Isang araw, pumunta ako kay Shemaya na anak ni Delaya at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng templo ng Dios, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi para patayin ka.” 11 Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng templo para iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!” 12 Naisip kong hindi nangusap ang Dios sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobia para sabihin iyon sa akin. 13 Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Shemaya, para hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.

14 Kaya nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalimutan na parusahan si Tobia at si Sanbalat sa kanilang masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghahangad na takutin ako.”

Natapos ang Pagpapatayo ng Pader

15 Natapos ang pader noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, na siyang buwan ng Elul. Natapos ito sa loob ng 52 araw. 16 Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Dios.

17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobia at ang mga pinuno ng Juda. 18 Maraming taga-Juda ang sumumpa ng katapatan kay Tobia dahil manugang siya ni Shecania na anak ni Ara. At isa pa, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak ni Meshulam na anak ni Berekia. 19 Palaging sinasabi sa akin ng mga tao ang tungkol sa mabubuting ginawa ni Tobia, at palagi ring nakakarating sa kanya ang mga sinasabi ko. At patuloy na sumusulat si Tobia sa akin para takutin ako.

Naglagay ng mga Opisyal sa Jerusalem

Nang matapos na ang pader ng lungsod at naikabit na ang mga pinto nito, itinalaga sa tungkulin nila ang mga guwardya ng mga pintuan ng lungsod, ang mga mang-aawit, at ang mga Levita. Ibinigay ko ang tungkulin ng pamamahala sa Jerusalem sa kapatid kong si Hanani kasama si Hanania na kumander ng mga guwardya sa buong palasyo. Pinili ko si Hanania dahil mapagkakatiwalaan siya at may takot sa Dios higit sa karamihan. Sinabi ko sa kanila, “Huwag nʼyong pabayaang nakabukas ang mga pintuan ng lungsod kapag tanghaling-tapat,[g] kahit may mga guwardya pa na nagbabantay. Dapat nakasara ito at nakakandado. Maglagay din kayo ng mga guwardya mula sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ang iba sa kanila ay ilagay sa pader na malapit sa mga bahay nila, at ang iba naman ay ilagay sa ibang bahagi ng pader.”

Ang Talaan ng mga Tao na Bumalik mula sa Pagkabihag.(A)

Napakalawak noon ng lungsod ng Jerusalem pero kakaunti lang ang mga naninirahan doon at kakaunti rin ang mga bahay. Kaya ipinaisip ng aking Dios sa akin na tipunin ang mga pinuno, mga opisyal, at iba pang mga naninirahan para maitala sila ayon sa bawat pamilya. Nakita ko ang listahan ng mga pamilya na unang bumalik mula sa pagkabihag. Ito ang nakatala roon:

Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon, umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. Ang namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azaria, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilshan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana.

Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

8-25 Mga angkan nina:

Paros2,172
Shefatia372
Ara652
Pahat Moab (mula sa mga pamilya ni Jeshua at ni Joab)2,818
Elam1,254
Zatu845
Zacai760
Binui648
Bebai628
Azgad2,322
Adonikam667
Bigvai2,067
Adin655
Ater (na tinatawag din na Hezekia)[h]98
Hashum328
Bezai324
Harif[i]112
Gibeon[j]95

26-38 Ito ang bilang ng mga tao na bumalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Betlehem at Netofa188
Anatot128
Bet Azmavet42
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot743
Rama at Geba621
Micmash122
Betel at Ai123
Nebo52
Elam1,254
Harim320
Jerico345
Lod, Hadid, at Ono721
Senaa3,930

39-42 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina:

Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

43-45 Ito ang mga lahi ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia)74
Mga mang-aawit sa templo na mga angkan ni Asaf148
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mga angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai138

46-56 Ito ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag: Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Sia, Padon, Lebana, Hagaba, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.

57-59 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon: Ang mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ammon.

60 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay392.

61 Mayroon ding bumalik sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita:

62 Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda642

63 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz, at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 64 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng kanilang mga ninuno, hindi sila tinanggap bilang mga pari. 65 Sinabihan sila ng gobernador ng Juda na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkain na inihandog sa Dios hanggaʼt walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa kanilang pagkapari sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[k]

66-69 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki mula sa pagkabihag ay 42,360, hindi pa kabilang dito ang mga alipin nilang lalaki at babae na 7, 337 at mga mang-aawit na lalaki at babae na 245. May dala silang 736 na kabayo, 245 mola,[l] 435 kamelyo, at 6,720 asno.

70 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nag-ambag para sa muling pagpapatayo ng templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, 50 mangkok na gagamitin sa templo, at 530 pirasong damit para sa mga pari. 71 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay para sa ganitong gawain ng 168 kilong ginto at 1,200 kilong pilak. 72 Ang kabuuang ibinigay ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 1,100 kilong pilak, at 67 pirasong damit para sa mga pari.

73 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa mga bayan na kung saan nagmula ang kanilang pamilya, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, ang mga mang-aawit, at ang mga utusan sa templo.

Binasa ni Ezra ang Kautusan

Nang dumating ang ikapitong buwan, nang nakatira na ang mga Israelita sa mga bayan nila,

Gawa 2:22-47

22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. 25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,

    ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.
    At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.[a]
    Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,
    at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’[b]

29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. 31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. 33 Itinaas siya sa kanan ng Dios.[c] At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. 34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,

    ‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon[d]:
    Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”

37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo,[e] at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”

40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. 42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya

43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®