Old/New Testament
Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan ang mga Israelita
9 Sinabi pa ni Ezra: Pagkatapos ng pangyayaring iyon, pumunta sa akin ang mga pinuno ng mga Judio at nagsabi, “Marami sa mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari at mga Levita, ang namumuhay katulad ng mga tao sa paligid nila. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio, at Amoreo. 2 Nagsipag-asawa pa sila at ang mga anak nila ng mga babaeng mula sa mga mamamayang nabanggit. Kaya ang mga mamamayang pinili ng Dios ay nahaluan ng ibang mga lahi. At ang mga pinuno at mga opisyal pa natin ang siyang nangunguna sa paggawa nito.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit ko, sinabunutan ko ang buhok ko, hinila ko ang balbas ko, at naupo akong tulala. 4 Nagtipon sa akin ang mga tao na takot sa mensahe ng Dios ng Israel dahil sa pagtataksil ng mga kapwa nila Israelitang bumalik galing sa pagkabihag. Naupo akong tulala, hanggang sa dumating ang oras ng panggabing paghahandog. 5 Pagdating ng oras na iyon, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Dios. 6 Sinabi ko, “Dios ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. 7 Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.
8 “At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Dios. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. 9 Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito para mabigyan kami ng bagong buhay, at para maipatayo namin muli ang templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga dito sa Juda at Jerusalem.
10 “Pero ngayong nagkasala kami, O aming Dios, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11 na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin para angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12 Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, para maging matibay at maunlad kami,[a] at para manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman. 13 Pinarusahan nʼyo kami, O aming Dios, dahil sa mga kasalanan namin. Pero ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14 Pero sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15 O Panginoon, Dios ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”
Ang Pagpapahayag ng mga Israelita ng Kanilang mga Kasalanan
10 Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng templo ng Dios, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas. 2 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Shecania na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Dios natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Pero sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan ng Israel. 3 Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Dios. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Dios na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan. 4 Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.”
5 Kaya tumayo si Ezra at pinanumpa niya ang mga namumunong pari, mga Levita, at ang lahat ng mga Israelita, na gagawin nila ang sinasabi ni Shecania. At nanumpa sila. 6 Pagkatapos, umalis si Ezra sa harapan ng templo ng Dios at pumunta sa kwarto ni Jehohanan na anak ni Eliashib. Pagdating niya roon, hindi siya kumain at uminom, dahil nalulungkot siya dahil hindi naging tapat ang mga Israelitang bumalik mula sa pagkabihag.
7-8 Ipinabatid ng mga pinuno at mga tagapamahala sa mga Israelita sa buong Juda pati na sa Jerusalem na ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay magtipon sa Jerusalem. At ang sinumang hindi pupunta doon sa loob ng tatlong araw, kukunin sa kanya ang lahat niyang mga ari-arian at hindi na siya ituturing na kabilang sa mga tao na bumalik galing sa pagkabihag.
9 Kaya sa loob ng tatlong araw, nagtipon ang buong mamamayan ng Juda at Benjamin, at naupo sila doon sa plasa ng templo ng Dios sa Jerusalem. Nangyari ito nang ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Nanginginig ang mga tao dahil napakaseryoso ng pinag-uusapan nila at dahil sa malakas na ulan.
10 Pagkatapos, tumayo si Ezra na pari at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel. 11 Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa Panginoon ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.”
12 Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo. 13 Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas. 14 Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Dios sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.”
15 Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazea na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Meshulam at Shabetai na Levita.
16-17 Tinupad ng mga bumalik sa pagkabihag ang planong iyon. Kaya pumili si Ezra na pari ng mga lalaking pinuno ng mga pamilya, at inilista ang pangalan nila. At nang unang araw ng ikasampung buwan, naupo sila at sinimulan nila ang pagsisiyasat tungkol sa pag-aasawa ng mga Israelita ng mga dayuhang babae. Natapos nila ang pagsisiyasat ng lahat ng kaso nang unang araw ng unang buwan, ng sumunod na taon.
Ang mga Lalaki na Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan
18-19 Ito ang mga lalaking nagsipag-asawa ng mga dayuhan, at nangakong hihiwalayan nila ang mga asawa nila: (Naghandog sila ng mga lalaking tupa bilang pambayad sa mga kasalanan nila.)
Sa mga pari:
sina Maaseya, Eliezer, Jarib, at Gedalia, na galing sa pamilya ni Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kapatid niya;
20 sina Hanani at Zebadia, na galing sa pamilya ni Imer;
21 sina Maaseya, Elias, Shemaya, Jehiel at Uzia, na galing sa pamilya ni Harim;
22 sina Elyoenai, Maaseya, Ishmael, Natanael, Jozabad, at Elasa, na galing sa pamilya ni Pashur.
23 Mula sa mga Levita:
sina Jozabad, Shimei, Kelaya (na tinatawag din na Kelita), Petahia, Juda, at Eliezer.
24 Mula sa mga musikero:
si Eliashib.
Mula sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo ay sina:
Shalum, Telem, at Uri.
25 Mula sa iba pang mga Israelita:
sina Ramia, Izia, Malkia, Mijamin, Eleazar, Malkia, at Benaya, na galing sa pamilya ni Paros;
26 sina Matania, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremat, at Elias, na galing sa pamilya ni Elam;
27 sina Elyoenai, Eliashib, Matania, Jeremot, Zabad, at Asisa, na galing sa pamilya ni Zatu;
28 sina Jehohanan, Hanania, Zabai, at Atlai, na galing sa pamilya ni Bebai;
29 sina Meshulam, Maluc, Adaya, Jashub, Sheal, at Jeremot, na galing sa pamilya ni Bani;
30 sina Adna, Kelal, Benaya, Maaseya, Matania, Bezalel, Binui, at Manase, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;
31-32 sina Eliezer, Ishya, Malkia, Shemaya, Simeon, Benjamin, Maluc at Shemaria, na galing sa pamilya ni Harim;
33 sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manase at Shimei, na galing sa pamilya ni Hashum;
34-37 sina Maadai, Amram, Uel, Benaya, Bedia, Keluhi, Vania, Meremot, Eliashib, Matania, Matenai at Jaasu, na galing sa pamilya ni Bani;
38-42 sina Shimei, Shelemia, Natan, Adaya, Macnadebai, Shasai, Sharai, Azarel, Shelemia, Shemaria, Shalum, Amaria at Jose, na galing sa pamilya ni Binui;
43 sina Jeyel, Matitia, Zabad, Zebina, Jadai, Joel at Benaya, na galing sa pamilya ni Nebo.
44 Silang lahat ang nagsipag-asawa ng mga dayuhang babae, at ang iba sa kanila ay may mga anak sa mga babaeng ito.[b]
1 Minamahal kong Teofilus:
Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain 2-3 hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. 4 Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. 5 Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] 7 Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. 8 Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” 9 Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.
10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”
Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”
18 (Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.) 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo,
‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
at dapat walang tumira roon.’[c]
At nasusulat din,
‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’
21-22 “Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.” 23 Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (o Justus). 24 At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo 25 na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®