Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 32-33

Nilusob ng Asiria ang Juda(A)

32 Matapos magampanan nang tapat ni Hezekia ang mga gawaing ito, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang Juda. Tinambangan niya at ng kanyang mga sundalo ang mga napapaderang lungsod, dahil iniisip niyang masasakop niya ito. Nang makita ni Hezekia na pati ang Jerusalem ay lulusubin ni Senakerib, kinausap niya ang kanyang mga opisyal at mga pinuno ng kanyang mga sundalo. Nagkaisa silang patigilin ang pagdaloy ng mga bukal sa labas ng lungsod. Kaya nagtipon sila ng maraming tao at tinambakan nila ang mga bukal at lambak na dinadaluyan ng tubig sa lupain. Sapagkat sinabi nila, “Pagdating dito ng mga hari ng Asiria, kakapusin sila ng tubig.”

Pagkatapos, pinatibay pa ni Hezekia ang kanyang mga depensa sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga pader at pagpapatayo ng mga tore. Pinalibutan pa niya ng isa pang pader ang lungsod, at pinatambakan ng lupa ang mababang bahagi ng Lungsod ni David. Nagpagawa rin siya ng maraming armas at mga pananggalang.

Nagtalaga siya ng mga pinuno sa mga tao, at ipinatipon niya sila sa plasa, malapit sa pintuan ng lungsod. Pinalakas niya ang kanilang loob, sinabi niya, “Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya. Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.

Habang nilulusob ni Haring Senakerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Lakish, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Hezekia at sa mga mamamayan doon:

10 “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo? 11 Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw. 12 Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.

13 “ ‘Nalalaman nʼyo kung anong ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Nailigtas ba sila ng kanilang mga dios mula sa aking mga kamay? 14 Wala ni isa man sa mga dios ng mga bansa na nilipol ko nang lubusan o ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay. Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong dios mula sa aking mga kamay? 15 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Huwag kayong makinig sa kanya, dahil walang dios sa kahit saan mang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay o sa kamay ng aking mga ninuno. At lalung-lalo na ang inyong dios!’ ”

16 May idinagdag pang masamang mga salita ang mga opisyal ni Senakerib laban sa Panginoong Dios at sa kanyang lingkod na si Hezekia. 17 Nagpadala pa si Haring Senakerib ng mga sulat para insultuhin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito ang sulat niya: “Ang mga dios ng ibang mga bansa ay hindi nailigtas ang kanilang mga mamamayan mula sa aking kamay. Kaya ang dios ni Hezekia ay hindi rin maililigtas ang kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay.” 18 Sinabi ito nang malakas ng mga opisyal ni Senakerib sa wikang Hebreo para takutin ang mga mamamayan ng Jerusalem na nagtitipon noon sa may pader. At kapag natakot na ang mga tao, madali na nilang masasakop ang lungsod. 19 Ang mga opisyal ay nagsabi ng masama laban sa Dios ng Jerusalem gaya ng kanilang sinabi laban sa mga dios ng ibang bansa na gawa lang ng tao.

20 Nanalangin sina Haring Hezekia at si Propeta Isaias na anak ni Amoz sa Dios sa langit. 21 At nagpadala ang Panginoon ng anghel na lumipol sa matatapang na sundalo, mga kumander, at sa mga opisyal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya umuwi si Haring Senakerib na labis na napahiya. At nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, pinatay siya ng iba niyang mga anak sa pamamagitan ng espada.

22 Kaya iniligtas ng Panginoon si Hezekia at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kamay ni Haring Senakerib ng Asiria at sa kamay ng iba pang mga kalaban. Binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang paligid. 23 Maraming tao ang nagdala ng mga handog sa Jerusalem para sa Panginoon. Nagdala rin sila ng mga mamahaling regalo kay Haring Hezekia. Mula noon, pinarangalan si Hezekia ng lahat ng bansa.

Ang Pagkakasakit ni Hezekia(B)

24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya. 25 Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem. 26 Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.

27 Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega para sa kanyang mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. Bukod pa rito, nagpagawa rin siya ng mga kulungan para sa kanyang mga hayop, 29 dahil napakarami niyang hayop. Nagpatayo rin siya ng mga bayan, dahil binigyan siya ng Panginoon ng maraming kayamanan.

30 Si Hezekia ang nag-utos na lagyan ng harang ang dinadaanan ng tubig na mula sa bukal ng Gihon at padaluyin ito papunta sa kanluran ng Lungsod ni David. Nagtagumpay si Hezekia sa lahat ng kanyang ginawa. 31 Pero sinubok siya ng Dios nang dumating ang mga opisyal mula sa Babilonia na nag-usisa tungkol sa kamangha-manghang nangyari sa Juda. Ginawa ito ng Dios para malaman kung ano talaga ang nasa puso ni Hezekia.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(C)

32 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia at ang pag-ibig[a] niya sa Panginoon ay nakasulat sa Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz, na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 33 Nang mamatay si Hezekia, inilibing siya sa ibabaw na bahagi ng libingan ng mga angkan ni David. Pinarangalan siya ng lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem nang mamatay siya. At ang anak niyang si Manase ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Manase sa Juda(D)

33 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[b] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Nagpatayo rin siya ng mga altar para kay Baal at nagpagawa ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba siya sa lahat ng bagay sa langit. Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, na ayon sa Panginoon ay ang lugar na kung saan pararangalan siya magpakailanman. Inilagay niya ang mga altar sa dalawang bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak[c], sa Lambak ng Ben Hinom. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Napakasama ng ginawa niya at nakapagpagalit ito sa Panginoon.

Inilagay niya sa templo ang imahen na kanyang ipinagawa, kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak niyang si Solomon, “Pararangalan ako magpakailanman sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na aking pinili mula sa lahat ng lugar ng mga lahi ng Israel. Kung tutuparin lang ng mga mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan at tuntunin ko na ibinigay sa kanila ni Moises, hindi ko papayagang paalisin sila rito sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Pero hinikayat ni Manase ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng masama, at ang ginawa nila ay mas malala pa sa ginawa ng mga bansang ipinalipol ng Panginoon sa harap ng mga Israelita.

10 Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya. 11 Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 12 Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno. 13 At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.

14 Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. 15 Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod. 16 Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

17 Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 19 Ang panalangin niya at ang sagot ng Panginoon sa kanya, pati ang lahat niyang kasalanan at pagsuway sa Panginoon ay nakasulat sa aklat ng mga Propeta. Nakatala rin dito ang mga lugar na pinatayuan niya ng mga sambahan, mga posteng simbolo ng diosang si Ashera at ng iba pang mga dios-diosan, bago pa siya nagpakumbaba sa Dios. 20 Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa palasyo niya. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(E)

21 Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 22 Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manase na kanyang ama. Sinamba at hinandugan niya ang mga dios-diosan na ipinagawa ni Manase. 23 Pero hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba sa Panginoon. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kanyang kasalanan.

24 Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 25 Pero pinatay ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.

Juan 18:19-40

Tinanong si Jesus ng Punong Pari(A)

19 Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim. 21 Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Muling Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(B)

25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro. 26 Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?” 27 Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29 Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.” 32 (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.) 33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37 Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(C)

Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw ang mga tao, “Hindi siya. Si Barabas!” (Si Barabas ay isang tulisan.)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®