Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 22-24

22 Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang templo ng Panginoong Dios at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”

Ang Paghahanda para sa Pagpapatayo ng Templo

Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa templo ng Dios. Nagbigay si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tyreo. Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang templo ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.

Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang templo para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari. 10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’

11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo. 12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel. 13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay. 14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan. 15 Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”

17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel para tulungan ang anak niyang si Solomon. 18 Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Dios at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga kalaban ninyo sa paligid. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito. 19 Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa Panginoon na inyong Dios, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng templo ng Panginoon na inyong Dios para mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Dios sa templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”

Ang Gawain ng mga Levita

23 Nang matandang-matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon. Ipinatipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at mga Levita. Binilang ang mga Levita na nasa edad 30 pataas, at ang bilang nilaʼy 38,000. Sinabi ni David, “Ang 24,000 sa kanila ay mamamahala ng mga gawain sa templo ng Panginoon, ang 6,000 ay maglilingkod bilang mga opisyal at mga hukom, ang 4,000 ay maglilingkod bilang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang 4,000 ay magpupuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga instrumentong ipinagawa ko para sa gawaing ito.” Hinati ni David sa tatlong grupo ang mga Levita, ayon sa mga pamilya ng mga anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.

Ang mga Angkan ni Gershon

Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan[b] at Shimei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya,[c] si Zetam at si Joel. Sila ang mga pinuno ng mga pamilya ni Ladan.

Si Shimei ay may tatlo ring anak na lalaki na sina Shelomot, Haziel at Haran. 10-11 Nagkaroon pa ng apat na anak na lalaki si Shimei: ang pinakapinuno ng kanilang pamilya ay si Jahat, ang pangalawa ay si Zina,[d] at sumunod sina Jeush at Beria. Kakaunti lang ang mga anak ni Jeush at Beria, kaya binilang sila na isang pamilya lang.

Ang mga Angkan ni Kohat

12 Si Kohat ay may apat na anak na lalaki na sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Ang mga anak na lalaki ni Amram ay sina Aaron at Moises. Ibinukod si Aaron at ang kanyang mga angkan para sa pagtatalaga ng mga pinakabanal na bagay, sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon, sa paglilingkod sa kanya at sa pagbabasbas sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon. Ito ang magiging tungkulin nila magpakailanman. 14 Ang mga anak na lalaki ni Moises na lingkod ng Dios ay kabilang sa mga Levita. 15 Ang mga anak niyang lalaki ay sina Gershom at Eliezer. 16 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Gershom ay si Shebuel na pinakapinuno ng kanilang pamilya. 17 Si Eliezer ay may kaisa-isang anak na lalaki, si Rehabia na pinakapinuno rin ng kanilang pamilya. Marami ang mga angkan ni Rehabia.

18 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Izar ay si Shelomit na pinakapinuno ng kanilang pamilya.

19 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Jeria na pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jekameam ang ikaapat.

20 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Micas na pinakapinuno ng kanilang pamilya, at Ishia ang pangalawa.

Ang mga Angkan ni Merari

21 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga anak na lalaki ni Mahli ay sina Eleazar at Kish. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki kundi puro babae. Silaʼy napangasawa ng kanilang mga pinsan na mga anak ni Kish.

23 Si Mushi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.

24 Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad na 20 pataas para makapaglingkod sa templo ng Panginoon. 25-26 Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”

27 Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad 20 pataas ay itinala para maglingkod. 28 Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa templo ng Dios. 29 Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat ng handog. 30 Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi sa templo para magpasalamat at magpuri sa Panginoon. 31 Tutulong din sila sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga, tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[e] at sa iba pang mga pista. May mga sinusunod silang tuntunin kung ilang mga Levita ang gagawa ng gawaing ito at kung paano nila ito gagawin.

32 Kaya ginawa ng mga Levita ang tungkulin nilang alagaan ang Toldang Tipanan at ang Banal na Lugar, at sa pagtulong sa mga kamag-anak nilang pari na mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon.

Ang Gawain ng mga Pari

24 Ito ang mga grupo ng mga angkan ni Aaron:

Ang mga anak na lalaki ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Pero unang namatay sina Nadab at Abihu sa kanilang ama, at wala silang anak, kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang mga pari. Sa tulong nina Zadok na mula sa angkan ni Eleazar, at Ahimelec na mula sa angkan ni Itamar, pinagbukod-bukod ni Haring David ang angkan ni Aaron ayon sa kanilang tungkulin. Ang angkan ni Eleazar ay hinati sa 16 na grupo at ang angkan ni Itamar sa walong grupo, dahil mas marami ang mga pinuno sa pamilya ng angkan ni Eleazar. Ang lahat ng gawain ay hinati sa mga grupo sa pamamagitan ng palabunutan, kaya may mga opisyal ng templo na naglilingkod sa Dios mula sa mga angkan ni Eleazar at mula sa mga angkan ni Itamar.

Si Shemaya na anak ni Netanel na Levita ang kalihim. Itinala niya ang pangalan ng mga pari sa harap ng hari at ng mga opisyal na sina Zadok na pari, Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari at ng mga Levita. Salitan sa pagbunot ang angkan nina Eleazar at Itamar.

Ang unang nabunot ay si Jehoyarib,

ang ikalawa ay si Jedaya,

ang ikatlo ay si Harim,

ang ikaapat ay si Seorim,

ang ikalima ay si Malkia,

ang ikaanim ay si Mijamin,

10 ang ikapito ay si Hakoz,

ang ikawalo ay si Abijah,

11 ang ikasiyam ay si Jeshua,

ang ikasampu ay si Shecania,

12 ang ika-11 ay si Eliashib,

ang ika-12 ay si Jakim,

13 ang ika-13 ay si Huppa,

ang ika-14 ay si Jeshebeab,

14 ang ika-15 ay si Bilga,

ang ika-16 ay si Imer,

15 ang ika-17 ay si Hezir,

ang ika-18 ay si Hapizez,

16 ang ika-19 ay si Petahia,

ang ika-20 ay si Jehezkel,

17 ang ika-21 ay si Jakin,

ang ika-22 ay si Gamul,

18 ang ika-23 ay si Delaya,

at ang ika-24 ay si Maazia.

19 Ginawa nila ang kanilang mga tungkulin sa templo ng Panginoon ayon sa tuntunin na ibinigay ng ninuno nilang si Aaron mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita

20 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng iba pang lahi ni Levi:

Mula sa angkan ni Amram: si Shubael.

Mula sa angkan ni Shubael: si Jedeya.

21 Mula sa angkan ni Rehabia: si Ishia, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya.

22 Mula sa angkan ni Izar: si Shelomot.

Mula sa angkan ni Shelomot: si Jahat.

23 Mula sa angkan ni Hebron: si Jeria ang pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo at si Jekameam ang ikaapat.

24 Mula sa angkan ni Uziel: si Micas.

Mula sa angkan ni Micas: si Shamir.

25 Mula sa angkan ni Ishia na kapatid na lalaki ni Micas: si Zacarias.

26 Mula sa angkan ni Merari: sina Mahli at Mushi.

Mula sa angkan ni Jaazia: si Beno.

27 Mula sa angkan ni Merari sa pamamagitan ni Jaazia: sina Beno, Shoham, Zacur at Ibri.

28 Mula sa angkan ni Mahli: si Eleazar, na walang mga anak na lalaki.

29 Mula sa angkan ni Kish: si Jerameel.

30 Mula sa angkan ni Mushi: sina Mahli, Eder at Jerimot.

Iyon ang mga Levita ayon sa kanilang mga pamilya. 31 Katulad ng ginawa ng mga angkan ni Aaron, nagpalabunutan din sila para malaman ang mga tungkulin nila, anuman ang kanilang edad. Ginawa nila ito sa harap nina Haring David, Zadok, Ahimelec at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari at mga Levita.

Juan 8:28-59

28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[a] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.

Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao

31 Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. 32 Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 Sumagot sila kay Jesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” 34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman. 36 Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. 37 Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. 38 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”

39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[b] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

Si Jesus at si Abraham

48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[c] si Jesus at umalis sa templo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®