Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 13-15

Ang Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan(A)

13 Nakipag-usap si David sa kanyang mga opisyal at sa mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng Israelitang naroon, “Kung gusto ninyo at kung kalooban ng Panginoon na ating Dios, magpapadala tayo ng mensahe sa lahat ng kababayan natin sa buong Israel, pati na sa mga pari at mga Levita na kasama nila sa mga bayan at pastulan. Papuntahin natin sila rito para makiisa sa atin. Ito na ang panahon para kunin natin ang Kahon ng ating Dios, dahil hindi natin ito pinahalagahan nang si Saul pa ang hari.” Pumayag ang buong kapulungan dahil nakita nilang iyon ang tamang gawin.

Kaya tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa Ilog ng Shihor sa Egipto hanggang sa Lebo Hamat,[a] para kunin ang Kahon ng Dios[b] sa Kiriat Jearim. Pumunta si David at lahat ng kasama niyang mga Israelita sa Baala na nasa Juda (na siya ring Kiriat Jearim) para kunin ang Kahon ng Panginoong Dios, kung saan siya nananahan.[c] Nananahan ang Panginoon sa gitna ng mga kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. Kinuha nila ang Kahon ng Dios sa bahay ni Abinadab at ikinarga sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton. Buong lakas na nagdiwang si David at lahat ng mga Israelita sa presensya ng Dios. Umawit sila at tumugtog ng mga alpa, lira, tamburin, pompyang at trumpeta.

Nang dumating sila sa giikan ni Kidon,[d] hinawakan ni Uza ang Kahon, dahil nadulas ang mga baka. 10 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil hinawakan niya ang Kahon. Kaya namatay siya roon sa presensya ng Dios. 11 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[e] 12 Nang araw na iyon, natakot si David sa Dios at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Dios?” 13 Kaya nagpasya siyang huwag na lang dalhin ang Kahon sa kanyang lungsod.[f] Sa halip, iniwan niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 14 Nanatili ito sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Obed Edom at ang lahat ng ari-arian niya.

Ang Pamilya ni David(B)

14 Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.

Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya. Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Shamua,[g] Shobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elishua, Elpelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elishama, Beeliada,[h] at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(C)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila. Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim, 10 nagtanong si David sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.” 11 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal Perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Dios ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako para lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal Perazim[i] ang lugar na iyon.

12 Naiwan ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.

13 Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim. 14 Kaya muling nagtanong si David sa Dios, at sumagot ang Dios sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 15 Kapag narinig ninyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsamo, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 16 Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Dios, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17 Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.

Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan

15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[j] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. Ipinatawag din niya ang mga pari[k] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:

Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.

Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.

Mula sa mga angkan ni Gershon,[l] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.

Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.

Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.

10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.

11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[m] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(D)

25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[n] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.

29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.

Juan 7:1-27

Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

Pumunta si Jesus sa Pista

10 Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. 11 Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” 13 Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.

14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. 15 Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. 18 Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”

Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®