Old/New Testament
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel
13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehu na si Jehoahaz nang ika-23 taon ng paghahari ng anak ni Ahazia na si Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 17 taon. 2 Masasama ang ginawa ni Jehoahaz sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito. 3 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa Israel. Hinayaan niyang masakop ito ni Haring Hazael ng Aram at ng anak nitong si Ben Hadad nang matagal na panahon.
4 Nanalangin si Jehoahaz sa Panginoon at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita ng Panginoon ang sobrang kalupitan ng hari ng Aram sa Israel. 5 Binigyan sila ng Panginoon ng tao na magliligtas sa kanila mula sa mga taga-Aram. Kaya muling namuhay ng may kapayapaan ang mga Israelita tulad ng dati. 6 Pero hindi sila tumigil sa paggawa ng mga kasalanang ginawa ng pamilya ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala nila. Nanatiling nakatayo ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Samaria.
7 Walang natira sa mga sundalo ni Jehoahaz maliban sa 50 mangangabayo, 10 karwahe at 10,000 sundalo, dahil ang iba ay pinatay ng hari ng Aram, na parang alikabok na tinatapak-tapakan.
8 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoahaz, at ang lahat ng kanyang ginawa at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 9 Nang mamatay si Jehoahaz, inilibing siya sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga angkan. At ang anak niyang si Jehoash ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoash sa Israel
10 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehoahaz na si Jehoash nang ika-37 taon ng paghahari ni Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. 11 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
12 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 13 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. Ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
Namatay si Eliseo
14 Nang magkasakit si Eliseo at malapit nang mamatay, pumunta sa kanya si Haring Jehoash noong buhay pa ito at umiyak. Sinabi ni Jehoash, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!”[a] 15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Ginawa nga ito ni Jehoash. 16 Sinabi ni Eliseo, “Hawakan mo ang pana.” Habang hawak ito ni Jehoash, ipinatong ni Eliseo ang kamay niya kay Jehoash 17 at sinabi, “Buksan mo ang bintana sa bandang silangan.” Binuksan nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Pumana ka.” Pumana nga siya. Sinabi ni Eliseo, “Ang palasong iyon ay palatandaan na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban sa Aram. Tatalunin mo ang mga Arameo sa Apek hanggang sa malipol sila.”
18 Muling sinabi ni Eliseo kay Jehoash na kumuha siya ng mga palaso. Nang makakuha siya, sinabi ni Eliseo, “Panain mo ang lupa.” Pinana nga niya ang lupa ng tatlong beses at huminto siya. 19 Nagalit ang lingkod ng Dios sa kanya at sinabi, “Pinana mo dapat ng lima o anim na beses para tuluyan mong mawasak ang lahat ng Arameo. Pero ngayon, tatlong beses mo lang sila matatalo.”
20 Kinalaunan, namatay si Eliseo at inilibing.
Tuwing tagsibol, may grupo ng mga tulisang Moabita na lumulusob sa Israel. 21 Minsan, may mga Israelita na naglilibing ng patay pero nang makita nila ang grupo ng mga Moabita na lumulusob, naihagis nila ang bangkay sa pinaglibingan kay Eliseo at sila ay tumakas. Nang sumagi ang bangkay sa mga buto ni Eliseo, nabuhay ang patay at tumayo.
22 Pinahirapan ni Haring Hazael ng Aram ang Israel sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Pero kinahabagan at inalala sila ng Panginoon dahil sa pangako niya kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hanggang ngayon, hindi niya ito winawasak o itinatakwil.
24 Namatay si Haring Hazael ng Aram, at ang anak niyang si Ben Hadad ang pumalit sa kanya bilang hari. 25 Natalo ni Jehoash si Ben Hadad ng tatlong beses. Nabawi niya ang mga bayang kinuha ng ama ni Ben Hadad na si Hazael mula sa ama niyang si Jehoahaz nang maglaban ang mga ito.
Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(A)
14 Naging hari ng Juda ang anak ni Joash na si Amazia nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Jehoahaz na si Jehoash sa Israel. 2 Si Amazia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 3 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kapantay ng ginawa ni David na ninuno niya. Sinunod niya ang ama niyang si Joash. 4 Hindi rin niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.
5 Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 6 Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Ang taong nagkasala lamang ang dapat managot sa kanyang mga kasalanan.”
7 Si Amazia ang nakapatay ng 10,000 taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Jokteel, at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang tawag sa lugar.
8 Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.” 9 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10 Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
11 Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 13 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.
15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
17 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
19 May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazia. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 20 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. 21 Ipinalit ng mga taga-Juda si Azaria na anak ni Amazia bilang hari. Si Azaria[b] ay 16 na taong gulang nang maging hari. 22 Muli niyang itinayo ang Elat at naging bahagi ulit ito ng Juda nang mamatay ang ama niyang si Amazia.
Ang Paghahari ni Jeroboam II sa Israel
23 Nagsimulang maghari sa buong Israel ang anak ni Joash na si Jeroboam II nang ika-15 taon ng paghahari ni Amazia sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 41 taon. 24 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. 25 Nabawi niya ang mga teritoryo ng Israel sa pagitan ng Lebo Hamat hanggang sa Dagat na Patay[c] tulad ng ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa pamamagitan ng anak ni Amitai na si Propeta Jonas na taga-Gat Hefer. 26 Niloob ng Panginoon na mangyari ito dahil nakita niya ang paghihirap ng mga Israelita, alipin man o hindi, at walang sinumang makakatulong sa kanila. 27 Dahil sinabi ng Panginoon na hindi niya aalisin ang Israel sa mundo, kaya iniligtas niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni Jeroboam II na anak ni Joash.
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam II, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagbawi niya sa Damascus at Hamat na sakop noon ng Juda,[d] ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam II, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel, at ang anak niyang si Zacarias ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Kasalan sa Cana
2 Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3 Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” 4 Sumagot si Jesus, “Babae,[a] huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” 5 Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6 May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.[b] Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. 9 Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11 Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
12 Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga tagasunod. Nanatili sila roon ng ilang araw.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)
13 Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel,[c] kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. 16 Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 17 Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.”[d]
18 Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” 19 Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” 20 Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” 21 Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23 Habang si Jesus ay nasa Jerusalem, nang Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginawa niya. 24 Pero hindi nagtiwala si Jesus sa pananampalataya nila, dahil kilala niya ang lahat ng tao. 25 At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa mga tao, dahil alam niya kung ano ang nasa mga puso nila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®