Old/New Testament
Si Elias at si Haring Ahazia
1 Nang mamatay si Ahab, nagrebelde ang Moab sa Israel.
2 Isang araw, nahulog si Ahazia mula sa bintanang may rehas sa itaas ng kwarto niya sa Samaria, at lubha siyang napinsala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron, para magtanong kung gagaling pa siya sa pagkakabaldado niya.
3 Samantala, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at tanungin mo sila: Bakit kayo pupunta kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? 4 Kaya ngayon, sabihin ninyo kay Ahazia na ito ang sinasabi sa kanya, ng Panginoon, ‘Hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ” Pagkatapos, umalis na si Elias.
5 Nang masabihan na ni Elias ang mga mensahero, bumalik ang mga ito sa hari. Tinanong sila ng hari, “Bakit kayo bumalik?” 6 Sumagot sila, “Sinalubong po kami ng isang tao at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari at sabihin ninyo ang sinabi ng Panginoon: Bakit nagpadala ka ng mga tao para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ”
7 Tinanong sila ng hari, “Ano ang itsura ng taong sumalubong at nagsabi nito sa inyo?” 8 Sumagot sila, “Nakasuot po siya ng damit na yari sa balahibo ng hayop at nakasinturon na yari sa balat.” Sinabi ng hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.” 9 Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal,[a] kasama ang 50 tauhan, para hulihin si Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.” 10 Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
11 Muling nagpadala ang hari ng isang opisyal kasama ang 50 tauhan para hulihin si Elias. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka agad sa kanya!” 12 Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Dios mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
13 Nagpadala ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang 50 tauhan. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya bilang paggalang, at nagmakaawa, “Lingkod ng Dios, mahabag ka sa akin at sa mga tauhan ko. Huwag mo kaming patayin na iyong mga lingkod. 14 Nalaman ko na sinunog mo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero mahabag kayo sa amin.”
15 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumama si Elias sa opisyal papunta sa hari.
16 Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Bakit nagsugo ka ng mga mensahero para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel na mapagtatanungan mo? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!”
17 Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. Dahil walang anak na lalaki si Ahazia, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda. 18 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
Dinala si Elias Papuntang Langit
2 Nang oras na kukunin na ng Panginoon si Elias para dalhin sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, naglalakad sina Elias at Eliseo galing sa Gilgal. 2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Betel.” Pero sinabi ni Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Betel.
3 May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro[b] mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”
4 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.
5 Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.” 6 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Ilog ng Jordan.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.
7 May 50 miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa ilog ng Jordan.
8 Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa. 9 Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”[c] 10 Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”
11 Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. 12-13 Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa tabi ng Ilog ng Jordan at tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya. 15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 16 Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.” 17 Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita. 18 Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”
Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo
19 Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”[d] 20 Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito. 21 Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[e] 22 Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.
23 Umalis si Eliseo sa Jerico at pumunta sa Betel. Habang naglalakad siya sa daan, may mga kabataan na nanggaling sa isang bayan at ininsulto siya. Sinabi nila, “Umakyat ka, panot! Umakyat ka, panot!” 24 Lumingon si Eliseo, tinitigan niya ang mga ito at isinumpa sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos, may dalawang babaeng oso na lumabas galing sa gubat at pinagluray-luray ang 42 kabataan. 25 Mula roon, pumunta si Eliseo sa Bundok ng Carmel at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.
Naglaban ang Israel at ang Moab
3 Naging hari ng Israel ang anak ni Ahab na si Joram nang ika-18 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng 12 taon. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato na ipinatayo ng kanyang ama sa pagpaparangal kay Baal. 3 Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
4 Si Haring Mesha ng Moab ay nag-aalaga ng mga tupa. Taun-taon ay nagbibigay siya sa hari ng Israel ng 100,000 batang tupa at balahibo ng 100,000 lalaking tupa dahil sakop ng Israel ang bansa nila. 5 Pero pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel. 6 Nang panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria para lusubin ang Moab. 7 Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?” Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasama ako sa iyo. Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.” 8 Nagtanong si Jehoshafat, “Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”
9 Kaya lumakad ang hari ng Israel, ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila. 10 Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ibigay lang sa kamay ng hari ng Moab?” 11 Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?” Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.” 12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay sumasakanya.” Kaya pumunta si Jehoshafat ang hari ng Israel, at ang hari ng Edom kay Eliseo.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!” Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Dahil ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo upang ibigay lang sa kamay ng mga Moabita.” 14 Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Makapangyarihang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda. 15 Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”
Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo, 16 at sinabi niya, “Sinabi ng Panginoon na magkakaroon ng maraming tubig sa lambak na ito. 17 Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop. 18 Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon. Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay. 19 Pupuksain ninyo ang bawat napapaderang lungsod at pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.” 20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.
21 Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at pinapwesto sila sa hangganan ng Moab. 22 Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasing pula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw. 23 Sinabi nila, “Dugo iyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”
24 Pero pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel, lumabas ang mga Israelita at nilusob sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at pinagpapatay sila. 25 Winasak nila ang mga bayan, hinagisan ng mga bato ang bawat magagandang bukirin hanggang sa itoʼy matabunan. Pinagtatakpan nila ang mga bukal at pinagpuputol ang magagandang puno. Ang Kir Hareset na lang ang natira, pero pinalibutan din sila ng mga lalaking may dalang tirador at nilusob.
26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila sa labanan, dinala niya ang 700 tao na may mga espada para hawiin ang mga sundalo ng hari ng Edom at makatakas, pero nabigo sila. 27 Kaya kinuha niya ang panganay niyang anak na papalit sana sa kanya bilang hari, at inialay niya ito sa may pader bilang handog na sinusunog. Dahil sa sobrang galit[f] laban sa Israel, pinabayaan na lang nila ang hari ng Moab at umuwi sila sa lupain nila.
Muling Nabuhay si Jesus(A)
24 Madaling-araw ng Linggo, pumunta ang mga babae sa libingan dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila sa libingan, nakita nilang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. 3 Kaya pumasok sila sa loob, pero hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Habang naguguluhan sila sa pangyayari, bigla silang nakakita ng dalawang lalaking nakakasilaw ang damit, at nakatayo sa tabi nila. 5 At dahil sa takot, napayuko sila sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay dito sa mga patay? 6 Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Hindi ba sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa masasamang tao at ipako sa krus, pero mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw?” 8 At naalala ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus. 9 Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa 11 apostol at sa iba pa nilang kasamahan. 10 Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila, 11 pero hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae. 12 Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang telang linen na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.
Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus(B)
13 Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15 Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad. 16 Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18 Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.” 19 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?” At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20 Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21 Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel mula sa kamay ng mga taga-Roma. Pero ikatlong araw na ngayon mula nang pinatay siya. 22-23 Pero nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buhay si Jesus. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mga mangmang kayo! Ang hirap ninyong papaniwalain sa lahat ng sinabi ng mga propeta sa Kasulatan. 26 Hindi baʼt ang Cristo ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Dios?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.
28 Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Jesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29 Pero pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumama siya sa kanila. 30 Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus. Pero bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32 Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”
33 Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang 11 apostol at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Pinag-uusapan nilang, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro.” 35 Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®