Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 12-13

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(A)

12 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat nang panahong iyon, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) Ipinatawag ng buong mamamayan ng Israel si Jeroboam at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” Sumagot sila, “Kung ipapakita mo ngayon ang iyong kabutihan sa kanila, at ibibigay ang kahilingan nila, maglilingkod sila sa iyo magpakailanman.”

Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo, sa halip nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga kababata ni Rehoboam, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang kalingkingan ko ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin, mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung hinampas kayo ng aking ama ng latigo, hahampasin ko kayo ng latigong may mga matalim na bakal.’ ”[a]

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya ng masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga kababata niya. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15 Hindi nga nakinig ang hari sa mga tao, niloob ito ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng lahat ng Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Wala kaming pakialam sa iyo na mula sa lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” At umuwi nga ang mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang napamahalaan ni Rehoboam.

18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

20 Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(B)

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon 24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.

Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka

25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito. 26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David 27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan. 30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.[b] Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.

31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar[c] at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita. 32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya. 33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.

Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel

13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[d] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”

Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.

11 Nang panahong iyon, may isang matandang propeta na nakatira sa Betel. Pinuntahan siya ng kanyang mga anak na lalaki[e] at ibinalita ang lahat ng ginawa ng lingkod ng Dios noong araw na iyon sa Betel. Ibinalita rin nila sa kanya kung ano ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari. 12 Nagtanong ang kanilang ama, “Saan siya dumaan pauwi?” At sinabi nila kung saan siya dumaan. 13 Pagkatapos, sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” Kaya inihanda nila ang asno; sumakay siya 14 at hinabol ang lingkod ng Dios. Inabutan niyang nakaupo ito sa ilalim ng punong terebinto. Tinanong niya ito, “Ikaw ba ang lingkod ng Dios na galing sa Juda?” Sumagot siya, “Opo.” 15 Sinabi niya, “Halika sa bahay at kumain.” 16 Sumagot ang lingkod ng Dios, “Hindi po ako maaaring bumalik at sumama sa inyo, at hindi rin ako maaaring kumain o uminom kasama ninyo sa lugar na ito. 17 Sapagkat inutusan ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 18 Sinabi ng matandang propeta, “Propeta rin ako na katulad mo. At inutusan ng Panginoon ang isang anghel para sabihin sa akin na dalhin kita sa bahay ko para makakain at makainom ka.” (Pero nagsisinungaling ang matanda.) 19 Kaya sumama sa kanyang bahay ang lingkod ng Dios, kumain at uminom siya roon.

20 Habang nakaupo sila sa mesa, may sinabi ang Panginoon sa matandang propeta. 21 Kaya sinabi ng matandang propeta sa lingkod ng Dios na galing sa Juda, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Nilabag mo ang utos ng Panginoon na iyong Dios; hindi mo sinunod ang iniutos niya sa iyo. 22 Iniutos niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom sa lugar na ito, pero bumalik ka rito at kumain at uminom. Dahil sa ginawa mo, ang bangkay mo ay hindi ililibing sa libingan ng mga ninuno mo.’ ”

23 Nang matapos kumain at uminom ang lingkod ng Dios, inihanda ng matandang propeta ang asno para sa pag-uwi nito. 24 At habang papauwi na siya, sinalubong siya ng isang leon at pinatay. Ang bangkay nitoʼy nakahandusay sa daan, at sa tabi nitoʼy nakatayo ang leon at asno. 25 Nakita ng mga taong dumaraan doon ang bangkay at ang leon sa tabi nito, at ibinalita nila ito sa lungsod kung saan nakatira ang matandang propeta.

26 Nang marinig ito ng matandang propeta, sinabi niya, “Siya ang lingkod ng Dios na lumabag sa salita ng Panginoon. Pinabayaan siya ng Panginoon sa leon na sumunggab at pumatay sa kanya, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya.”

27 Sinabi agad ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” At inihanda nila ito. 28 Umalis siya, at nakita niya ang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at asno na nakatayo sa tabi nito. Hindi kinain ng leon ang bangkay o nilapa man ang asno. 29 Kinuha ng matandang propeta ang bangkay ng lingkod ng Dios at isinakay sa asno, at dinala sa kanilang lungsod para ipagluksa ang bangkay at ilibing ito. 30 Inilibing niya ito sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili. Lubha silang nalungkot sa pagkamatay ng lingkod ng Dios.

31 Matapos siyang mailibing, sinabi ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan ng lingkod ng Dios, at pagtabihin ninyo kami. 32 Dahil ang mga salita na sinabi ng Panginoon sa kanya tungkol sa altar sa Betel at sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria ay siguradong matutupad.”

33 Kahit nangyari ang mga ito, hindi pa rin nagbago si Jeroboam sa kanyang pag-uugali. Pumili pa rin siya ng mga taong maglilingkod bilang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar. Ang sinumang gustong maglingkod bilang pari ay inordinahan niya. 34 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng sambahayan niya at naghatid sa kanila ng pagkatalo at kapahamakan.

Lucas 22:1-30

Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)

22 Nalalapit na noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paglampas ng Anghel.[a] Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang maipapatay si Jesus ng hindi magkakagulo, dahil natatakot sila sa mga tao.

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(B)

Pumasok si Satanas kay Judas na tinatawag na Iscariote. Isa siya sa 12 tagasunod ni Jesus. Pumunta siya sa mga namamahalang pari at mga opisyal ng mga guwardya sa templo, at pinag-usapan nila kung paano niya maibibigay sa kanila si Jesus. Natuwa sila at nakipagkasundo kay Judas na bayaran siya. Pumayag naman si Judas sa kasunduan, at mula noon, humanap siya ng pagkakataon upang maibigay sa kanila si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao.

Paghahanda ng Hapunan para sa Pista(C)

Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. At sa araw na ito, kailangang maghandog ang mga Judio ng tupa na kakainin nila sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Ihanda ninyo ang hapunan natin para sa Pista ng Paglampas ng Anghel.” Nagtanong sila, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda?” 10 Sumagot si Jesus, “Pagpasok ninyo sa lungsod ng Jerusalem, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasan na banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, 11 at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 12 Isasama niya kayo sa itaas at ituturo sa inyo ang isang malaking kwarto na kumpleto ang kagamitan. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 13 Lumakad sila at nakita nga nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

Huling Hapunan ni Jesus(D)

14 Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.” 17 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[b] nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios” 19 Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.

21 “Ngunit makinig kayo! Kasalo ko sa mesang ito ang taong magtatraydor sa akin. 22 Sapagkat ayon sa itinalaga ng Dios, Ako na Anak ng Tao ay papatayin, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin.” 23 Nagtanungan sa isaʼt isa ang mga tagasunod niya kung sino kaya sa kanila ang gagawa noon.

Ang Pagtatalo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 25 Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Sa mundong ito, ang mga hari ay pinapanginoon ng mga nasasakupan nila, at ang mga may kapangyarihan ay gustong tawagin na ‘Tagatulong ng mga Tao.’ 26 Ngunit hindi kayo dapat maging ganoon. Ang mas mataas ay dapat magpakababa, at ang pinuno ay dapat maging tulad ng isang tagapaglingkod. 27 Sapagkat sino ba ang mas mataas, ang pinaglilingkuran[c] o ang naglilingkod? Siyempre, ang pinaglilingkuran. Ngunit naglilingkod ako sa inyo kahit na ako ang Panginoon ninyo.”

28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok na dinaranas ko. 29 Kaya kung paanong binigyan ako ng aking Ama ng kapangyarihang maghari, kayo rin ay bibigyan ko ng ganoong kapangyarihan. 30 Makakasalo ko kayo sa aking mesa sa aking kaharian, at uupo kayo sa mga trono upang mamahala sa 12 lahi ng Israel.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®