Old/New Testament
Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul
1 Bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos nilang matalo ang mga Amalekita. Patay na noon si Saul. Nanatili sila ng dalawang araw sa Ziklag. 2 Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo bilang pagluluksa. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang sa kanya. 3 Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Nakatakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.” 4 Nagtanong si David, “Bakit, ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi niya, “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan.” 5 Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?” 6 Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo. 7 Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’ 8 Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita. 9 Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’ 10 Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”
11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan. 13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.” 14 Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?” 15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”
Ang Awit ng Kalungkutan ni David para kina Saul at Jonatan
17 Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, 18 at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong Awit Tungkol sa Pana at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:
19 “O Israel, ang mga dakilang mandirigma moʼy namatay sa kabundukan mismo ng Israel.
Napatay din ang mga magigiting mong sundalo.
20 Huwag itong ipaalam sa Gat, o sa mga lansangan ng Ashkelon,
baka ikagalak ito ng mga babaeng Filisteo na hindi nakakakilala sa Dios.
21 O Bundok ng Gilboa, wala sanang ulan o hamog na dumating sa iyo.
Wala sanang tumubong pananim sa iyong bukirin upang ihandog sa Dios.[a]
Sapagkat diyan nadungisan ng mga kaaway ang pananggalang ng magiting na si Haring Saul.
At wala nang magpapahid dito ng langis upang itoʼy linisin at pakintabin.
22 Sa pamamagitan ng espada ni Saul at pana ni Jonatan, maraming magigiting na kalaban ang kanilang napatay.
23 Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita sina Saul at Jonatan.
Magkasama sila sa buhay at kamatayan.
Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila at mas malakas pa sa leon.
24 Mga babae ng Israel, magdalamhati kayo para kay Saul.
Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo ng mga mamahaling damit at alahas na ginto.
25 Ang magigiting na sundalo ng Israel ay napatay sa labanan.
Pinatay din si Jonatan sa inyong kabundukan.
26 Nagdadalamhati ako sa iyo, Jonatan kapatid ko!
Mahal na mahal kita; ang pagmamahal mo sa akin ay mas higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 Nangabuwal ang magigiting na sundalo ng Israel.
Ang kanilang mga sandataʼy nangawala.”
Ginawang Hari ng Juda si David
2 Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” 2 Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3 Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. 4 Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.
Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul, 5 nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. 6 Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. 7 At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari[b] ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”
Ang Alitan sa Pagitan ng Pamilya nina David at Saul
8 Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Ishboshet na anak ni Saul. 9 Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Ishboshet, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin. 10 Si Ishboshet ay 40 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda, 11 at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.
12 Isang araw, nagpunta si Abner sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Ishboshet. 13 Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruya, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa Imbakan ng Tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig. 14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.” Pumayag si Joab, 15 at tumayo ang 12 tauhan ni Ishboshet na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa 12 tauhan ni David. 16 Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim[c] ang lugar na iyon sa Gibeon. 17 At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.
18-19 Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruya na sina Joab, Abishai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa, at hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon. 20 Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot si Asahel, “Ako nga.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.
22 Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.” 23 Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.
24 Nang malaman nina Joab at Abishai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon. 25 Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban. 26 Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”
27 Sumagot si Joab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Dios na buhay, na kung hindi mo iyan sinabi patuloy kayong hahabulin ng mga tauhan ko hanggang umaga.” 28 Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan. 29 Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Lambak ng Jordan.[d] Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.
30 Nang huminto si Joab sa paghabol kay Abner, siya at ang mga tauhan niya ay umuwi na rin. Nang tipunin ni Joab ang mga tauhan niya, nalaman niyang bukod kay Asahel, 19 ang napatay sa kanila. 31 Pero 360 ang napatay nila sa mga tauhan ni Abner, at ang lahat ng iyon ay mula sa lahi ni Benjamin. 32 Kinuha nina Joab ang bangkay ni Asahel at inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Betlehem. Pagkatapos, buong gabi silang naglakad, at kinaumagahan, nakarating sila sa Hebron.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya. 2 Doon ay may isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” 4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?” 6 Hindi sila nakasagot sa tanong niya.
Matutong Magpakababa
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, 8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. 9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. 13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Ang Talinghaga tungkol sa Malaking Handaan(A)
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!” 16 Kinuwentuhan siya ni Jesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at marami ang inimbita niya. 17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’ 18 Pero nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangang puntahan ko at tingnan.’ 19 Sabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng sampung baka, at susubukan ko kung mabuting ipang-araro. Pasensya na.’ 20 At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’ 21 Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at nag-utos ulit sa alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’ 22 Nang natupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’ 23 Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. 24 Tinitiyak ko sa inyo, ni isa man sa mga una kong inimbita ay hindi makakatikim ng handa ko.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®