Old/New Testament
Sina David, Nabal at Abigail
25 Lumipas ang panahon at namatay si Samuel. Nagtipon ang buong Israel at ipinagluksa ang pagkamatay niya. Inilibing siya sa kanyang tirahan sa Rama.
Pagkatapos nito, lumipat si David sa disyerto ng Maon. 2 Doon sa Maon, may isang tao na napakayaman at may lupain sa Carmel. Mayroon siyang 1,000 kambing at 3,000 tupa na kanyang pinapagupitan sa Carmel. 3 Ang pangalan ng taong ito ay Nabal at mula siya sa angkan ni Caleb. Ang asawa naman niya ay si Abigail. Matalino at maganda si Abigail pero si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4 Habang nasa ilang si David, nabalitaan niya na pinapagupitan na ni Nabal ang kanyang mga tupa. 5-6 Kaya nagpadala siya ng sampung tao sa Carmel na dala ang mensaheng ito para kay Nabal, “Biyayaan ka sana ng mahabang buhay. Maging masagana sana ang buo mong sambahayan at ang lahat ng pag-aari mo. 7 Nabalitaan ko na nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Nang nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila. 8 Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; pakibigay sa amin ang anumang gusto mong ibigay.”
9 Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay. 10 Tinanggihan ni Nabal si David. “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo. 11 Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?”
12 Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal. 13 Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumama kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan.
14 Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero rito galing sa disyerto para kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila. 15 Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa bukid malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin. 16 Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa. 17 Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”
18 Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno, 19 at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.
20 Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang padating naman si David at ang mga tauhan nito. 21 Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin. 22 Parusahan sana ako ng Dios nang napakatindi kapag may itinira pa akong buhay na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.”
23 Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang. 24 Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa. 25 Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.
26 “Ngayon po, niloob ng Panginoon na hindi matuloy ang paghihiganti at pagpatay ninyo para hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buhay na Panginoon at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo. 27 Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan. 28 Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng Panginoon at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay. 29 Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Pero ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador. 30 Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng Panginoon at maging hari na kayo ng Israel, 31 hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”
32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin. 33 Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay. 34 Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.” 35 Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”
36 Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David. 37 Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw. 38 Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.
39 Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.”
Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito. 40 Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.” 41 Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin.[a]” 42 Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumama sa mga mensahero ni David. Kasama niya ang lima niyang aliping babae at naging asawa siya ni David. 43 Pinakasalan din ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at dalawa silang naging asawa ni David. 44 Ang unang asawa ni David na si Mical ay ibinigay ni Saul kay Paltiel na anak ni Laish na taga-Galim.
Muling Kinaawaan ni David si Saul
26 Isang araw, may pumuntang mga taga-Zif kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon.” 2 Kaya umalis si Saul patungo sa ilang ng Zif kasama ang 3,000 na kanyang piniling tauhan mula sa Israel para hanapin si David. 3 Nagkampo sila sa tabi ng daan sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon. Si David ay nagtatago sa disyerto. Nang mabalitaan ni David na nasundan siya doon ni Saul, 4 nagpadala siya ng mga espiya at nalaman niyang dumating nga si Saul.
5 Pagkatapos, naghanda si David at pumunta sa kampo ni Saul. Nakita niya si Saul at si Abner na anak ni Ner na pinuno ng hukbo ng mga sundalo. Napapalibutan si Saul ng mga natutulog na sundalo na natutulog. 6 Tinanong ni David si Ahimelec na Heteo at si Abishai na anak ni Zeruya at kapatid ni Joab, “Sino sa inyo ang sasama sa akin para pumasok sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abishai, “Ako po, sasama ako sa inyo.” 7 Kaya pinasok nina David at Abishai ang kampo ni Saul, at natagpuan nila itong natutulog, na ang sibat ay nakatusok sa lupa sa ulunan ni Saul. 8 Sinabi ni Abishai kay David, “Sa araw na ito, ipinagkaloob sa inyo ng Dios ang tagumpay laban sa inyong kaaway. Payagan nʼyo akong saksakin siya ng sibat na iyon at nang mabaon hanggang sa lupa. Isang saksak ko lang sa kanya at hindi na kailangang ulitin.” 9 Pero sinabi ni David kay Abishai, “Huwag mo siyang patayin! Parurusahan ng Panginoon ang sinumang papatay sa kanyang piniling hari. 10 Sinisiguro ko sa iyo, sa presensya ng buhay na Panginoon, na ang Panginoon mismo ang papatay sa kanya, o mamamatay siya sa digmaan o dahil sa katandaan. 11 Pero huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na ako ang pumatay sa kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang sibat at ang lalagyan niya ng tubig na nasa kanyang ulunan at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul at umalis na sila. Nakaalis sila nang walang nakakaalam o nakakakita sa nangyari; walang nagising sa kanila dahil pinahimbing ng Panginoon ang kanilang pagtulog.
13 Pagkatapos, umakyat sina David sa burol na nasa kabilang gilid ng kampo hanggang sa di-kalayuan. 14 Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?” 15 Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya. 16 Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?” 17 Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari. 18 Bakit ninyo hinahabol ang inyong lingkod? Ano ba ang ginawa kong masama? 19 Mahal na Hari, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang Panginoon ang nag-udyok sa inyo para patayin ako, tanggapin sana niya ang aking handog. Pero kung galing lang ito sa tao, sumpain sana sila ng Panginoon. Dahil itinaboy nila ako mula sa aking tahanan at inutusang sumamba sa ibang mga dios. 20 Huwag sanang ipahintulot na mamatay ako sa ibang lupain, na malayo sa Panginoon. Bakit ako pinag-aaksayahang habulin ng hari ng Israel, gayong tulad lang ako ng pulgas? Bakit ninyo ako hinahabol na gaya lang ng ibon sa kabundukan?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkasala ako. Bumalik ka na, David anak ko, at hindi ko na tatangkaing saktan ka dahil hindi mo ako pinatay ngayong araw na ito. Naging isa akong hangal dahil sa ginawa ko. Napakalaki ng aking kasalanan.” 22 Sumagot si David, “Narito na ang sibat ninyo, ipakuha ninyo sa inyong tauhan. 23 May gantimpala ang Panginoon sa mga taong matapat at gumagawa ng matuwid. Ibinigay kayo ng Panginoon sa aking mga kamay sa araw na ito, pero tumanggi akong patayin kayo dahil kayo ang piniling hari ng Panginoon. 24 Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas niya ako sa lahat ng kapahamakan.” 25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak ko. Marami pang dakilang bagay ang gagawin mo at siguradong magtatagumpay ka.” Pagkatapos, umalis si David at umuwi naman si Saul.
Kayamanan sa Langit(A)
32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(B)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[b] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[c] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(C)
49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[d] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.
51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”
Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(D)
54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?
Makipagkasundo sa Kaaway(E)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[e] mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®