Old/New Testament
Ang Pakikiramay ni Ruth kay Naomi
1 1-2 Noong panahon na hindi pa mga hari ang namumuno[a] sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupaing ito. Kaya si Elimelec na taga-Betlehem na sakop ng Juda ay pumunta sa Moab kasama ang asawa at dalawang anak niyang lalaki, para roon muna manirahan. Ang pangalan ng asawa niya ay Naomi at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Mga angkan sila ni Efrata na taga-Betlehem.
Habang naroon sila sa Moab, 3 namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan. 4 Nag-asawa ang mga anak niya ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpah at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon, 5 namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan.
6 Nang mabalitaan ni Naomi na pinagpala ng Panginoon ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda. 7 At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda, 8 sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. 9 At loobin sana ng Panginoon na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”
Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila 10 at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.” 11-12 Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo mga anak. Bakit pa kayo sasama sa akin? Akala nʼyo ba makakapag-asawa pa ako at makakapanganak ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Hindi na maaari dahil matanda na ako. Pero ipagpalagay natin na makapag-asawa ako ngayong gabi at magkaanak pa, 13 hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa alang-alang sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng Panginoon.”
14 At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpah ang biyenan niya at umuwi,[b] pero si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi. 15 Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios,[c] kaya sumama ka na rin sa kanya.” 16 Pero sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. 17 Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”
18 Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. 19 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”
20 Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi,[d] kundi tawagin ninyo akong Mara,[e] dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. 21 Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon.”
22 Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada[f] nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.
Nakilala ni Ruth si Boaz
2 1-3 Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot[g] ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid ng taong magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan.
4 Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Betlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang Panginoon!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!” 5 Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” 6 Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumama kay Naomi na bumalik mula sa Moab. 7 Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umaga tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya ng sandali sa kubol.”[h] 8 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. 9 Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”
10 Nagpatirapa si Ruth sa harapan ni Boaz bilang paggalang at sinabi, “Bakit napakabuti nʼyo po sa akin gayong isang dayuhan lang ako?” 11 Sumagot si Boaz, “May nagkwento sa akin ng lahat ng ginawa mo para sa biyenan mong babae mula pa noong namatay ang asawa mo. Iniwan mo raw ang iyong ama at ina at ang bayang sinilangan mo para manirahang kasama ng mga taong hindi mo kilala. 12 Pagpalain ka nawa ng Panginoon dahil sa iyong ginawa. Malaking gantimpala nawa ang matanggap mo mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pinagkanlungan mo.” 13 Sinabi ni Ruth, “Napakabuti po ninyo sa akin. Pinalakas ninyo ang loob ko at sinabihan ng mabuti kahit hindi ako isa sa mga utusan ninyo.”
14 Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz kay Ruth, “Halika, kumuha ka ng pagkain at isawsaw mo sa suka.” Kaya naupo si Ruth kasama ng mga tagapag-ani, at inabutan siya ni Boaz ng binusa na trigo. Kumain siya hanggang sa nabusog, at may natira pa siya. 15 Nang tumayo na si Ruth para mamulot ulit ng mga nalaglag na uhay, nag-utos si Boaz sa mga tauhan niya, “Huwag ninyong hihiyain si Ruth kahit mamulot pa siya malapit sa mga binigkis na uhay.[i] 16 Kumuha kayo ng mga uhay sa mga binigkis at iwan para sa kanya, at huwag nʼyo siyang sasawayin.”
17 Kaya namulot si Ruth ng mga nalaglag na uhay hanggang sa lumubog ang araw. At nang magiik na niya ang naipon niyang sebada[j] ay umabot ito ng mga kalahating sako. 18 Dinala niya ito pauwi sa bayan at ipinakita sa kanyang biyenan[k] na si Naomi. Pagkatapos kinuha niya ang natira niyang pagkain at ibinigay kay Naomi. 19 Nagtanong si Naomi sa kanya, “Saan ka namulot ng mga nalaglag na uhay kanina? Kaninong bukirin? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo!”
Ikinuwento ni Ruth kay Naomi na doon siya namulot sa bukid ng taong ang pangalan ay Boaz. 20 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Pagpalain nawa ng Panginoon si Boaz. Ipinapakita niya ang kanyang kabutihan sa mga taong buhay pa at sa mga patay na.” At sinabi pa niya, “Si Boaz na sinasabi mo ay malapit nating kamag-anak; isa siya sa may tungkuling mangalaga sa atin.”
21 Sinabi ni Ruth kay Naomi, “Sinabi pa po ni Boaz sa akin na sa mga tauhan lang niya ako sumama sa pamumulot hanggang matapos ang lahat ng mga aanihin niya.” 22 Sinabi naman ni Naomi kay Ruth, “Anak, mabuti nga na sa mga utusan niyang babae ka sumama, dahil baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa ibang bukid.”
23 Kaya sumama si Ruth sa mga utusang babae ni Boaz sa pamumulot ng mga nalaglag na uhay hanggang sa matapos ang anihan ng sebada at trigo. At patuloy siyang nanirahan kasama ng biyenan niya.
Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz
3 Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. 2 Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang kanyang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. 3 Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. 4 Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga.[l] At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.” 5 Sumagot si Ruth, “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” 6 Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya.
7 Nang matapos kumain at uminom si Boaz, gumanda ang pakiramdam niya. Nahiga siya sa tabi ng bunton ng sebada para matulog. Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon. 8 At nang maghahatinggabi na ay nagising si Boaz, at nang nag-inat[m] siya, nagulat siya na may babaeng nakahiga sa paanan niya. 9 Nagtanong si Boaz, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit nʼyong kamag-anak na dapat nʼyong pangalagaan. Takpan nʼyo po ako ng damit ninyo para ipakita na pakakasalan at pangangalagaan nʼyo ako.” 10 Sinabi ni Boaz, “Anak, pagpalain ka nawa ng Panginoon. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay mas higit pa sa ipinakita mo noon.[n] Sapagkat hindi ka humabol sa mga binata, mayaman man o mahirap. 11 Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti kang babae. 12 Totoong malapit mo akong kamag-anak, na may tungkuling pangalagaan ka, pero mayroon ka pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. 13 Manatili ka rito nang magdamag, at bukas ng umaga ay malalaman natin kung gagampanan niya ang tungkulin niya sa iyo. Kung papayag siya, mabuti, pero kung hindi, isinusumpa ko sa buhay na Panginoon na gagampanan ko ang tungkulin ko sa iyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga.”
14 Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya. 15 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo.” Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinasan kay Ruth. At bumalik si Ruth[o] sa bayan.
16 Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, “Kumusta, anak?” Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17 At sinabi pa ni Ruth, “Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada.” 18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya.”
Nagpakasal si Boaz kay Ruth
4 Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[p] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. 2 At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, 3 sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” 5 Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[q] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[r]
6 Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”
7 Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.
8 Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[s] 9 Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10 At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,[t] at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”
11 Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng Panginoon na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. 12 Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.”
Ang mga Ninuno ni David
13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
18 Ito ang mga angkan ni Perez hanggang kay David:
Si Perez ang ama ni Hezron, 19 si Hezron ang ama ni Ram, si Ram ang ama ni Aminadab, 20 si Aminadab ang ama ni Nashon, si Nashon ang ama ni Salmon, 21 si Salmon ang ama ni Boaz, si Boaz ang ama ni Obed, 22 si Obed ang ama ni Jesse, at si Jesse ang ama ni David.
Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus
8 Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol 2 at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[a] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, 3 si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:
5 “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. 6 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.”[b] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”[c]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
9 Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”[d]
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”
Ang Aral Mula sa Ilaw(D)
16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.[e]
18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(E)
19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(F)
22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro![f] Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25 Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®