Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 11-12

Si Jefta

11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. May mga anak si Gilead sa asawa niya. At nang lumaki sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumama sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.

Nang panahong iyon, naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. Sinabi nila, “Pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Ammonita.” Pero sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?” Pero sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumama ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.” Sumagot si Jefta, “Kung sasama ako sa labanan at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?” 10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno. Ang Panginoon ang saksi namin.”

11 Kaya sumama si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, sinabi ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.

12 Nagsugo si Jefta ng mga mensahero para itanong sa hari ng mga Ammonita kung bakit nilulusob nila ang Israel. 13 Ito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Egipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Arnon hanggang sa Jabok, papunta sa Ilog ng Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang maayos.”

14 Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin, “Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kadesh.

17 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kadesh.

18 “Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.

19 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Heshbon) para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito para makarating sila sa lugar nila. 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita. 21 Pero ipinatalo sila ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon: 22 mula sa Arnon hanggang sa Jabok, at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Jordan.

23 “Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? 24 Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Kemosh na inyong dios. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng Panginoon naming Dios. 25 Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? 26 May 300 taon nang nakatira ang mga Israelita sa Heshbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? 27 Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang Panginoon na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”

28 Pero hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita ang mensahe ni Jefta.

29 At pinagharian si Jefta ng Espiritu ng Panginoon. Pumunta siya sa Gilead at sa Manase para tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Ammonita. 30 Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Ammonita, 31 iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”

32 Nakipaglaban si Jefta sa mga Ammonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33 Natalo nila ang mga Ammonita, at napakarami nilang pinatay. Sinakop nila ang 20 bayan mula sa Aroer papunta sa paligid ng Minit hanggang sa Abel Keramim.

Ang Anak ni Jefta

34 Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35 Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan, at sinabi, “Anak ko, pinalungkot mo ako dahil nangako ako sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang sasalubong sa akin, at hindi ko na ito mababawi.”

36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Ammonita. 37 Pero may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok para makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” 38 Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya para maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39 Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40 na sa bawat taon, nagpabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.

Si Jefta at ang Lahi ni Efraim

12 Nagtipon ang mga sundalo ng Efraim, at tumawid sila sa Ilog ng Jordan, at pumunta sa Zafon para harapin si Jefta. Nagtanong sila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Ammonita? Dahil sa ginawa mong ito, susunugin namin ang bahay mo na nandoon ka sa loob.” Pero sinabi ni Jefta sa kanila, “Nang nakipaglaban kami sa mga Ammonita, humingi kami ng tulong sa inyo. Pero hindi nʼyo kami tinulungan. Nang malaman kong hindi kayo tutulong, itinaya ko ang buhay ko sa labanan. At pinagtagumpay ako ng Panginoon. Ngayon, bakit ba gusto nʼyong makipaglaban sa akin?”

Sumagot ang mga taga-Efraim, “Kayong mga taga-Gilead ay mga sampid lamang sa angkan ng Efraim at Manase.” Kaya tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead at nakipaglaban sila sa mga taga-Efraim at nalupig nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga lugar sa Ilog ng Jordan na tinatawiran papunta sa Efraim, para walang taga-Efraim na makatakas. Ang kahit sinong tatawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim ba sila o hindi. Kung sasagot sila ng, “Hindi,” pinagsasalita nila ito ng “Shibolet”, dahil ang mga taga-Efraim ay hindi makabigkas nito. Kung ang pagkakasabi naman ay “Sibolet”, papatayin sila sa may tawiran ng Ilog ng Jordan. May 42,000 taga-Efraim ang namatay nang panahong iyon.

Pinamunuan ni Jefta ang Israel sa loob ng anim na taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa isang bayan sa Gilead.

Si Ibzan, si Elon, at si Abdon

Pagkamatay ni Jefta, si Ibzan na taga-Betlehem ang pumalit sa kanya bilang pinuno ng Israel. Si Ibzan ay may 60 anak: 30 lalaki at 30 babae. Pinapag-asawa niya ang mga anak niyang babae sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan. Namuno siya sa Israel sa loob ng pitong taon. 10 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Betlehem.

11 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Elon na taga-Zebulun. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Ayalon na sakop ng Zebulun.

13 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Abdon na anak ni Hilel na taga-Piraton. 14 May 40 siyang anak na lalaki at 30 apo na lalaki, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Siya ang namuno sa Israel sa loob ng walong taon. 15 Pagkamatay niya, inilibing siya sa Piraton, sa kabundukan ng Efraim, na sakop ng mga Amalekita.

Lucas 6:1-26

Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)

Nang isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio at nangaral. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay. Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Jesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Tumayo ka at lumapit dito sa harapan.” Lumapit nga ang lalaki at tumayo sa harapan. Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan silang lahat ni Jesus, at pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kamay niya at gumaling ito. 11 Pero galit na galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.

Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(C)

12 Nang panahong iyon, pumunta si Jesus sa bundok at magdamag siyang nanalangin doon. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niya silang mga apostol. 14 Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), Andres na kapatid nito, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] 16 Judas na anak ng isa pang Santiago, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling si Jesus(D)

17 Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.

Ang Mapalad at ang Nakakaawa(E)

20 Tiningnan ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi sa kanila,

    “Mapalad kayong mga mahihirap,
    dahil kabilang kayo sa kaharian ng Dios.
21 Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,
    dahil bubusugin kayo.
    Mapalad kayong mga umiiyak ngayon,
    dahil tatawa kayo.
22 Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin na Anak ng Tao ay kamuhian kayo, itakwil, insultuhin, at siraan ang inyong pangalan.
23 Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24 Ngunit nakakaawa kayong mga mayayaman,
    dahil tinanggap na ninyo ang inyong kaligayahan.
25 Nakakaawa kayong mga busog ngayon,
    dahil magugutom kayo.
    Nakakaawa kayong mga tumatawa ngayon,
    dahil magdadalamhati kayo at iiyak.
26 Nakakaawa kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,
    dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®