Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 25-27

25 “Halimbawa, may pinagtalunan ang dalawang tao at dinala nila ang kanilang kaso sa korte, at idineklara ng mga hukom kung sino sa kanila ang may kasalanan at walang kasalanan. Kung sinentensyahan ng hukom na hagupitin ang may kasalanan, padadapain siya sa harap ng hukom at hahagupitin ayon sa bigat ng kasalanan na kanyang ginawa. Ngunit hindi ito hihigit pa sa 40 hagupit dahil magiging kahiya-hiya na ito kung hihigit pa roon.

“Huwag ninyong bubusalan ang baka habang gumigiik pa ito.

“Kung may dalawang magkapatid na lalaking naninirahan sa iisang bayan, at namatay ang isa sa kanila nang hindi nagkaanak, hindi makapag-aasawa ang babae ng iba maliban lang sa pamilya ng kanyang asawa. Ang kapatid ng kanyang asawa ang dapat na maging asawa niya. Tungkulin niya ito sa kanyang hipag. Ang panganay nilang anak ay ituturing na anak ng namatay na kapatid para hindi mawala ang kanyang pangalan sa Israel.

“Pero kung ayaw mapangasawa ng kapatid ng namatay ang biyuda, pupunta ang biyuda sa mga tagapamahala roon sa pintuan ng bayan at sasabihin, ‘Hindi pumayag ang aking hipag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid sa Israel. Ayaw niyang tuparin ang kanyang tungkulin sa akin bilang hipag.’ At ipapatawag siya ng mga tagapamahala ng bayan at makikipag-usap sila sa kanya. Kung talagang ayaw pa rin niyang pakasalan ang biyuda, lalapitan siya ng biyuda sa harap ng mga tagapamahala at kukunin niya ang sandalyas ng kanyang hipag at duduraan niya sa mukha at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking hindi pumapayag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid na namatay.’ 10 Ang pamilya ng taong ito ay tatawagin sa Israel na pamilya ng taong kinuhanan ng sandalyas.

11 “Kung may dalawang lalaking nag-aaway at lumapit ang asawa ng isa para tumulong sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagdakot sa ari ng kalaban, 12 kailangang putulin ang kamay ng babae nang walang awa.

13-14 “Huwag kayong mandaraya sa inyong pagtimbang at pagtakal. 15 Gumamit kayo ng tamang timbangan at takalan, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 16 Sapagkat kasuklam-suklam sa Panginoon na inyong Dios ang taong mandaraya.

17 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang lumabas kayo sa Egipto. 18 Sinalakay nila kayo noong pagod na pagod na kayo, at pinagpapatay nila ang inyong mga kasama na nasa hulihan. Wala silang takot sa Panginoon. 19 Kaya patayin ninyo ang lahat ng mga Amalekita kapag binigyan na kayo ng Panginoon na inyong Dios ng kapayapaan doon sa lupaing ibinibigay niya sa inyo na inyong aangkinin. Huwag ninyo itong kalilimutan.

Ang Unang Ani at ang Ikapu

26 “Kapag naangkin na ninyo ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, at doon na kayo naninirahan, ilagay ninyo ang naunang mga bahagi ng inyong ani sa basket. At dalhin ninyo ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Pumunta kayo sa paring naglilingkod sa panahong iyon, at sabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng handog na ito, kinikilala ko sa araw na ito, na ang Panginoon na ating Dios ang nagdala sa akin sa lupaing ito na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.’

“Pagkatapos, kukunin ng pari ang basket sa inyo at ilalagay ito sa harap ng altar ng Panginoon na inyong Dios. At sasabihin ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Ang amin pong ninuno na si Jacob ay isang Arameong walang permanenteng tirahan. Pumunta siya sa Egipto at nanirahan doon kasama ang kanyang pamilya. Kaunti lang sila noon, pero dumami sila at nang bandang huli ay naging makapangyarihang bansa. Ngunit pinagmalupitan po kami ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at pinilit na magtrabaho. Humingi kami ng tulong sa inyo, Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno, at pinakinggan nʼyo kami. Nakita nʼyo ang mga paghihirap, mga pagtitiis at pagpapakasakit namin. Kaya kinuha nʼyo kami sa Egipto, Panginoon na aming Dios, sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan at nakakatakot na mga gawa. Gumawa kayo ng himala at mga kamangha-manghang bagay. Dinala nʼyo kami sa lugar na ito, at ibinigay sa amin ang maganda at masaganang lupain[a] na ito. 10 Kaya heto po kami ngayon, O Panginoon, dinadala namin ang unang bahagi ng ani ng lupaing ibinigay ninyo sa amin.’ Pagkatapos ninyo itong sabihin, ilagay ninyo ang basket sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at sumamba kayo sa kanya. 11 Magsaya kayo dahil mabuti ang mga bagay na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo at sa inyong pamilya. Isama rin ninyo sa pagdiriwang ang mga Levita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.

12 “Sa bawat ikatlong taon, ibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para mayroon silang masaganang pagkain. 13 Pagkatapos, sabihin ninyo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Kinuha ko na po sa aking bahay ang banal na bahagi, iyon ang ikasampung bahagi, at ibinigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda ayon sa lahat ng iniutos nʼyo sa amin. Hindi po ako sumuway o lumimot sa kahit isang utos ninyo. 14 Hindi ko po ito kinain habang nagdadalamhati ako; hindi ko ito ginalaw habang itinuturing akong marumi at hindi ko po ito inihandog sa patay. O Panginoon na aking Dios, sinunod ko po kayo. Ginawa ko ang lahat ng iniutos ninyo sa amin. 15 Tingnan po ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit, at pagpalain ang mga mamamayan ninyong Israelita at ang maganda at masaganang lupain na ibinigay ninyo sa amin ayon sa ipinangako ninyo sa aming mga ninuno.’

Sundin ang mga Utos ng Panginoon

16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyong lahat ang utos at tuntuning ito. Sundin ninyo itong mabuti nang buong pusoʼt kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo sa araw na ito na ang Panginoon ang inyong Dios at mabubuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan, dahil susundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin, at susundin ninyo siya. 18 At ipinahayag din ng Panginoon sa araw na ito, na kayo ang espesyal na mamamayan ayon sa kanyang ipinangako, at dapat kayong sumunod sa lahat ng utos niya. 19 Ayon sa kanyang ipinangako, gagawin niya kayong higit kaysa sa lahat ng bansa; pupurihin at pararangalan kayo. Kayo ay magiging mga mamamayang pinili ng Panginoon na inyong Dios.”

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog. Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa maganda at masaganang lupain[b] na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, ang Dios ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito. Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito. Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Dios. Maghandog din kayo ng handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon at kainin ninyo ito roon, at magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios. At isulat ninyo nang malinaw ang mga kautusan ng Dios sa mga batong pinahiran ninyo ng apog.” Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Dios. 10 Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Ang mga Sumpa

11 Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao, 12 “Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin. 13 At ito ang mga lahi na tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Reuben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Naftali.

14 “Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas:

15 “Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga dios-diosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang dios-diosang ginawa ng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”[c]

16 “Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

17 “Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

18 “Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

19 “Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

20 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

21 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

22 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

23 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang biyenang babae.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

24 “Sumpain ang taong pumatay ng kanyang kapwa kahit walang nakakaalam.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

25 “Sumpain ang taong tumatanggap ng suhol para pumatay ng inosenteng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

26 “Sumpain ang tao na hindi susunod o gagawa sa lahat ng utos na ito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

Marcos 14:27-53

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)

27 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[a] 28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” 30 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 31 Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.

Nanalangin si Jesus sa Getsemane(B)

32 Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. 34 Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 35 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. 36 Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating.[b] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

37 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” 38 At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[c]

39 Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. 40 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. 41 Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 42 Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(C)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. 44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”

45 Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. 46 At dinakip agad ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? 49 Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” 50 Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.

51 May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, 52 pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.

Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(D)

53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at ang mga tagapagturo ng Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®