Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 22-24

22 “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa, huwag ninyo itong pababayaan, sa halip dalhin ito sa may-ari. Pero kung malayo ang tinitirhan ng may-ari o hindi ninyo alam kung kanino ito, iuwi muna ninyo ito. Kapag hinanap ito ng may-ari, saka ninyo ito ibigay sa kanya. Ganito rin ang gagawin ninyo sa asno o kasuotan o anumang bagay na nawala sa inyong kapwa. Huwag ninyo itong babalewalain.

“Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.

“Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.

“Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay. Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.

“Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.

“Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.

10 “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo. 11 Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.

12 “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.

Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae

13 “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14 at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15 Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16 At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17 Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19 Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.

20 “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21 dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.

Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid

22 “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

23 “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24 dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

25 “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26 Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27 Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.

28 “Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29 magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.

30 “Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.

Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel

23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

“Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.

“Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

Iba pang mga Tuntunin

“Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.

11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo. 12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.

15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.

19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.

24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.

24 “Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay. Kung mag-aasawa muli ang babae, at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito, hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya.[a] Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.

“Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.

“Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.

“Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

“Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila. Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Egipto.

10 “Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya. 11 Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo. 12-13 Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Dios na gawang matuwid.

14 “Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan. 15 Bayaran ninyo siya ng isang araw na sweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.

16 “Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; ang bawat isa ay papatayin lang dahil sa kanyang sariling kasalanan.

17 “Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang. 18 Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Egipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.

19 “Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 20 Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 21 Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 22 Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Egipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.

Marcos 14:1-26

Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)

14 Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel[a] at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Jesus. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)

Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango? Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin. Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)

10 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap si Judas ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.

Ang Huling Hapunan ni Jesus Kasama ang mga Tagasunod Niya(D)

12 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ito ang araw na inihahandog ang tupa na kinakain sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 13-14 Inutusan niya ang dalawa sa mga tagasunod niya, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, at doon ay may masasalubong kayong isang lalaking may pasan na isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 16 Umalis ang dalawa niyang tagasunod. At nang dumating sila sa lungsod, nakita nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. 18 Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” 19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”

Huling Hapunan ni Jesus(E)

22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[b] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. 24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.” 26 Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®