Old/New Testament
Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)
19 “Kapag nilipol na ng Panginoon na inyong Dios ang mga mamamayan na ang mga lupain ay ibinibigay niya sa inyo, at kapag napalayas na ninyo sila at doon na kayo naninirahan sa kanilang mga bayan at mga bahay, 2 pumili kayo ng tatlong lungsod na tanggulan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo. 3 Hatiin ninyo sa tatlong distrito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, na may isang lungsod na tanggulan sa bawat distrito. Ayusin ninyo ang mga daan papunta doon, para ang sinumang makapatay ng tao ay makakatakas papunta sa isa sa mga lungsod na iyon. 4 Kung nakapatay ng tao ang kanyang kapwa nang hindi sinadya at hindi dahil sa galit, makakatakas siya papunta sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.
5 “Kung ang isang tao ay pumunta sa kakahuyan para mangahoy kasama ang kanyang kapitbahay, at habang pumuputol siya ng kahoy ay biglang natanggal ang ulo ng palakol niya at natamaan ang kapitbahay niya, at namatay ito, pwede siyang makatakas papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon. 6 Kung ang lungsod na tanggulan ay malayo sa taong nakapatay, baka habulin siya ng tao na gustong gumanti sa kanya, at mapatay siya. Pero hindi siya dapat patayin dahil hindi sinasadya ang pagkakapatay niya at wala naman siyang galit sa napatay. 7 Ito ang dahilan kung bakit ko kayo inuutusang pumili ng tatlong lungsod na tanggulan.
8 “Palalawakin ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at magiging inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa kanila. 9 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na iniuutos ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mamuhay kayong lagi ayon sa kanyang mga pamamaraan. Kapag lumawak na ang inyong lupain, magdagdag pa kayo ng tatlo pang bayan na tanggulan. 10 Gawin ninyo ito para walang inosenteng tao na mamamatay sa lupain ninyo, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana, at para hindi na kayo magkasala kung may inosenteng tao na mapatay.
11 “Ngunit kung ang isang tao ay napopoot sa kanyang kapwa at inabangan niya ito at pinatay, at pagkatapos ay tumakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan, 12 kailangang ipakuha siya ng mga tagapamahala ng kanyang bayan at ibigay sa gustong gumanti sa kanya para patayin siya. 13 Huwag kayong maaawa sa kanya. Kailangang alisin ninyo sa Israel ang pumapatay ng mga inosenteng tao para maging mabuti ang inyong kalagayan.
Ang Hangganan ng Lupa
14 “Kapag dumating na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, huwag ninyong nanakawin ang lupain ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon[a] ng kanyang lupain na inilagay noon ng inyong ninuno.
Ang mga Saksi
15 “Huwag ninyong hahatulan na nagkasala ang isang tao dahil lang sa patotoo ng isang saksi. Kailangang may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo na ang isang tao ay nagkasala. 16 Kung ang isang saksi ay tatayo sa korte at magpapahayag ng kasinungalingan na nagkasala ang isang tao, 17 patatayuin silang dalawa sa presensya ng Panginoon, sa harap ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon. 18-19 Dapat itong imbestigahang mabuti ng mga hukom, at kung mapapatunayang nagsisinungaling nga ang saksi sa pamamagitan ng pambibintang sa kanyang kapwa, dapat siyang parusahan ng parusang dapat sana ay sa taong pinagbintangan niya. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 20 Matatakot ang makakarinig nito at wala nang gagawa muli ng masamang gawang ito. 21 Huwag kayong magpakita ng awa. Kung pinatay ng isang tao ang kapwa niya, dapat din siyang patayin. Kung nambulag siya, dapat din siyang bulagin. Kung nambungi siya, dapat din siyang bungiin. Kung nambali siya ng kamay at paa, dapat ding baliin ang kamay at paa niya.
Ang mga Kautusan tungkol sa Digmaan
20 “Kung kayoʼy makikipagdigma, at makita ninyo na mas marami ang mga kabayo, karwahe at sundalo ng inyong kalaban, huwag kayong matatakot, dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. 2 Bago kayo pumunta sa digmaan, dapat lumapit muna ang pari sa harapan ng mga sundalo at sabihin, 3 ‘Makinig kayo, O mamamayan ng Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot. 4 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’
5 “Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: ‘Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya. 6 Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito. 7 Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.’
8 “Sasabihin pa ng mga opisyal, ‘Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka maduwag din ang mga kasama niya.’ 9 Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinuno para pamahalaan ang mga sundalo.
10 “Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko. 11 Kapag sumuko sila at buksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin silang lahat at pagtrabahuhin para sa inyo. 12 Pero kung hindi sila susuko kundi makikipaglaban sila sa inyo, salakayin ninyo sila. 13 Kapag silaʼy natalo na ninyo sa tulong ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga lalaki. 14 Ngunit maaari ninyong bihagin ang mga babae, mga bata, at ang mga hayop, at maaari ninyong samsamin ang lahat ng ari-arian na nasa lungsod. Gamitin ninyo ang mga samsam na ito na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios mula sa mga kaaway ninyo. 15 Gawin lang ninyo ito sa mga lungsod na hindi bahagi ng lupaing sasakupin ninyo. 16 Pero patayin ninyong lahat ang tao sa mga lungsod na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 17 Lipulin ninyo ang lahat ng Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo, bilang handog sa Panginoon na inyong Dios ayon sa kanyang iniutos. 18 Sapagkat kung hindi, tuturuan nila kayo ng lahat ng kasuklam-suklam na gawa na ginagawa nila sa pagsamba nila sa kanilang mga dios, at dahil ditoʼy magkakasala kayo sa Panginoon na inyong Dios. 19 Kung matagal ang inyong pagsalakay sa isang lungsod, huwag ninyong puputulin ang mga punong namumunga. Kainin ninyo ang mga bunga nito, pero huwag nga ninyong puputulin, dahil hindi ninyo sila kalaban na inyong lilipulin. 20 Pero maaari ninyong putulin ang mga puno na walang bunga o walang bunga na maaaring kainin, at gamitin ito sa pagsakop sa lungsod hanggang sa maagaw ninyo ito.
Ang Hindi pa Nakikilalang Mamamatay-Tao
21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo, at may nakita kayong bangkay ng tao at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay dito, 2 dapat sukatin ng mga tagapamahala sa inyo kung aling bayan sa palibot ang pinakamalapit kung saan natagpuan ang bangkay. 3 Pagkatapos, kukuha ang mga tagapamahala ng bayang iyon ng dumalagang baka na hindi pa nakakapagtrabaho o nakakapag-araro. 4 Dadalhin nila ito sa lambak na palaging dinadaluyan ng tubig, na ang lupa doon ay hindi pa naaararo o natataniman. At doon nila babaliin ang leeg ng dumalagang baka. 5 Dapat ding pumunta roon ang mga pari na mula sa lahi ni Levi, dahil pinili sila ng Panginoon na inyong Dios na maglingkod at magbigay ng basbas sa pangalan ng Panginoon, at magdesisyon sa lahat ng kaso. 6 Pagkatapos, ang lahat ng tagapamahala ng bayan sa pinakamalapit na lugar kung saan nakita ang bangkay ay maghuhugas ng kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa lambak. 7 At sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay at hindi rin namin nakita kung sino ang pumatay. 8-9 O Panginoon, patawarin nʼyo po ang mga mamamayan ninyong Israelita na inyong iniligtas sa Egipto. Huwag ninyo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong ito.’ Kung ganito ang gagawin ninyo hindi na kayo pananagutin ng Panginoon sa pagpatay, dahil makikita niya na matuwid kayo.
Ang Pag-aasawa ng Bihag na Babae
10 “Kung nakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway at ibinigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, at binihag ninyo sila, 11 at ang isa sa inyo ay nakakita ng magandang babae sa mga bihag at nagustuhan niya ito at gusto niya itong mapangasawa, 12 dadalhin niya ang babae sa kanyang bahay at kakalbuhin ang ulo niya, puputulin ang mga kuko, 13 at papalitan ang suot niyang damit nang binihag siya. Dapat magpaiwan ang babae sa bahay ninyo sa loob ng isang buwan habang nagluluksa siya para sa kanyang mga magulang. Pagkatapos nito, maaari na siyang maging asawa. 14 Pero kung sa bandang huli ay mawalan ang lalaki ng gana sa babae, dapat niya itong payagang pumunta saan man gustuhin ng babae. Hindi na siya dapat pang ipagbili o gawing alipin dahil siyaʼy ipinahiya niya.
Ang Karapatan ng mga Panganay
15 “Kung may isang lalaki na dalawa ang asawa, at mahal niya ang isa pero hindi ang isa, at may mga anak siya sa dalawa. At kung ang panganay niyang lalaki ay anak ng asawa niyang hindi niya mahal, 16 kapag hahatiin na niya ang kanyang ari-arian, kailangang ang parte na para sa panganay na anak ay huwag ibigay sa anak ng asawa niyang minamahal. Dapat niya itong ibigay sa panganay kahit na hindi niya mahal ang ina nito. 17 Kailangan niyang kilalanin na panganay niyang anak ang anak ng asawa niyang hindi minamahal. Ibibigay niya sa kanya nang doble ang bahagi ng ari-arian niya dahil siya ang naunang anak at may karapatan siyang tumanggap ng kanyang bahagi bilang panganay na anak.
Ang Hindi Matapat na Anak
18 “Kung ang isang tao ay may anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na ayaw makinig sa kanyang mga magulang kapag siyaʼy dinidisiplina, 19 dadalhin siya ng kanyang mga magulang sa mga tagapamahala doon sa pintuan ng bayan. 20 Sasabihin nila sa mga tagapamahala, ‘Matigas ang ulo nitong anak namin at rebelde siya; hindi siya sumusunod sa amin. Gastador siya at lasenggo.’ 21 Pagkatapos, dapat siyang batuhin ng lahat ng naninirahan sa bayan hanggang sa mamatay siya. Marinig ito ng lahat ng Israelita at matatakot sila. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
Ang Iba pang mga Kautusan
22 “Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa isang krimen na ginawa niya, at ibinitin ang bangkay niya sa puno, 23 hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya roon. Dapat ninyo itong ilibing sa araw ding iyon, dahil ang sinumang ibinitin sa puno ay isinumpa ng Dios. Kung hindi ninyo ito ililibing sa araw ding iyon, madudungisan nito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana ninyo.
21 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 23 Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(A)
24 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, 25 at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[a] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 26 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap na taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(B)
28 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 30 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.
31 “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[b]
Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(C)
32 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33 Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34 Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating. 35 Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36 Baka bigla siyang dumating at datnan kayong natutulog. 37 Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®