Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 7-9

Ang Piniling Mamamayan ng Dios(A)

“Kapag dinala na kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, itataboy niya sa harapan ninyo ang pitong bansa na mas malaki at mas makapangyarihan pa kaysa sa inyo: ang mga Heteo, Gergaseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Kapag ibinigay na sila ng Panginoon sa inyo at natalo ninyo sila, lipulin ninyo sila ng lubusan bilang handog sa Panginoon. Huwag kayong gagawa ng kasunduan o magpapakita ng awa sa kanila. Huwag kayong magpapakasal sa kanila, at huwag din ninyong papayagan ang mga anak ninyo na maikasal sa kanila. Sapagkat ilalayo nila sa Panginoon ang inyong mga anak para paglingkuran ang ibang mga dios. At kapag nangyari ito, ipapalasap ng Panginoon ang galit niya sa inyo at agad kayong malilipol. Sa halip, ito ang gawin ninyo: Gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, putulin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at sunugin ninyo ang mga dios-diosan nila. Sapagkat ibinukod kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng mga tao, kayo ang pinili ng Panginoon na inyong Dios na maging espesyal niyang mamamayan.

“Pinili kayo ng Panginoon at minahal, hindi dahil mas marami kayo sa ibang mga mamamayan, dahil kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo at tinutupad niya ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno. Iyan ang dahilan na inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at pinalaya sa pagkaalipin sa Faraon na hari ng Egipto. Isipin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ay iisang Dios. Matapat siya at tinutupad niya ang kanyang kasunduan hanggang sa mga salinlahi ng mga nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos. 10 Ngunit hindi siya magdadalawang-isip na ibagsak ang mga napopoot sa kanya.

Ang Gantimpala sa Katapatan(B)

11 “Kaya sundin ninyong mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kung tutuparin at susundin ninyong mabuti ang mga utos, tutuparin ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang kasunduan na mamahalin[a] niya kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Mamahalin niya kayo, pagpapalain at padadamihin. Bibigyan niya kayo ng maraming anak at pagpapalain ang mga pananim sa inyong lupa: ang inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. At padadamihin niya ang inyong mga hayop doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo. 14 Pagpapalain niya kayo ng higit pa sa sinumang mga mamamayan sa mundo. Walang lalaki o babae sa inyo na magiging baog, ganoon din sa inyong mga hayop. 15 Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Egipto, pero ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo. 16 Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga dios dahil magiging bitag ito para sa inyo.

17 “Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?’ 18 Pero huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa Faraon at sa lahat ng Egipcio. 19 Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Dios nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo. 20 At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Dios ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago. 21 Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios. 22 Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop. 23 Pero ibibigay sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat. 24 Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat. 25 Sunugin ninyo ang mga imahen na dios-diosan nila, at huwag ninyong hahangarin ang mga ginto at pilak nito. Huwag na huwag ninyo itong kukunin dahil magiging bitag ito sa inyo, at kasuklam-suklam ito sa Panginoon na inyong Dios. 26 Huwag kayong magdadala sa mga bahay ninyo ng anumang kasuklam-suklam na bagay, para hindi kayo malipol kasama ng mga bagay na iyon. Kamuhian ninyo ito, dahil itong mga bagay ay dapat wasakin ng lubusan.

Huwag Kalilimutan ang Panginoon

“Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, para mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Dios sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng 40 taon. Ginawa niya ito upang turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo upang malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi. Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon. Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay. Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.

“Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya. Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan. Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot. Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan. 10 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.

11 “Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Dios at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan, 13 at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian, 14 siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 15 Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon pero binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato. 16 Doon sa disyerto, binibigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang pagkain na hindi natitikman ng inyong mga ninuno. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba kayo at para subukin kayo upang sa bandang huliʼy maging mabuti ang inyong kalagayan. 17 Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Sa pamamagitan ng sarili kong kakayahan at lakas, naging akin ang lahat ng kayamanang ito.’ 18 Pero alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman, at ginawa niya ito para matupad niya ang kasunduan niya sa inyong mga ninuno, katulad ng ginawa niya ngayon.

19 “Ngunit binabalaan ko kayo ngayon, na kung kakalimutan ninyo ang Panginoon na inyong Dios at susunod kayo sa ibang mga dios, at sasamba kayo at maglilingkod sa kanila, siguradong malilipol kayo. 20 Kagaya ng pagwasak ng Panginoon sa mga bansa sa inyong harapan, lilipulin din niya kayo kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios.

Pagtatagumpay sa Pamamagitan ng Tulong ng Dios

“Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel. Tatawid kayo ngayon sa Jordan para sakupin ang mga bansa na mas malaki at mas makapangyarihan kaysa sa inyo. Malalaki ang kanilang lungsod at may matataas na pader na parang umabot na sa langit. Malalakas at matatangkad ang mga naninirahan dito – mga angkan ni Anak! Alam naman ninyo ang tungkol sa mga angkan ni Anak at narinig ninyo na walang makalaban sa kanila. Ngunit ngayon, makikita ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna sa inyo na parang apoy na lumalamon sa inyong mga kaaway. Tatalunin niya sila para madali ninyo silang maitaboy at malipol ayon sa ipinangako ng Panginoon sa inyo.

“Kapag naitaboy na sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan, huwag ninyong sasabihin sa inyong mga sarili, ‘Dinala tayo ng Panginoon para angkinin ang lupaing ito dahil matuwid tayo.’ Hindi, palalayasin sila ng Panginoon dahil masama silang bansa. Mapapasainyo ang kanilang lupain hindi dahil matuwid kayo o mabuti kayong mga tao kundi dahil masama sila, at para matupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Alalahanin ninyo na hindi dahil matuwid kayo kaya ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios ang magandang lupaing ito. Ang totoo, matitigas ang inyong ulo.

“Alalahanin ninyo kung paano ninyo ginalit ang Panginoon na inyong Dios sa disyerto. Mula nang araw na lumabas kayo sa Egipto hanggang ngayon, palagi na lang kayong nagrerebelde sa Panginoon. Kahit doon sa Bundok ng Sinai,[b] ginalit ninyo ang Panginoon, kaya gusto na lang niya kayong patayin. Nang umakyat ako sa bundok para kunin ang malalapad na bato, kung saan nakasulat ang kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom. 10 Ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato, na siya mismo ang sumulat ng mga utos na sinabi niya sa inyo na mula sa apoy doon sa Bundok ng Sinai habang nagtitipon kayo.

11 “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan. 12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’

13 “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito. 14 Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’

15 “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan. 16 At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya.[c] Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo. 17 Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.

18 “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya. 19 Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon. 20 Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang bakang ginawa ninyo, na nagtulak sa inyo sa kasalanan, at tinunaw ko ito sa apoy. Dinurog ko ito na kasingpino ng alikabok at isinabog sa sapa na umaagos mula sa bundok.

22 “Ginalit din ninyo ang Panginoon doon sa Tabera, sa Masa at sa Kibrot Hataava.

23 “Nang pinalakad kayo ng Panginoon mula sa Kadesh Barnea, sinabi niya sa inyo, ‘Lumakad kayo at angkinin na ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo.’ Ngunit nagrebelde kayo, hindi ninyo sinunod ang utos ng Panginoon na inyong Dios. Hindi kayo nagtiwala o sumunod sa kanya. 24 Mula nang makilala ko kayo, puro na lang pagrerebelde ang ginagawa ninyo.

25 “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagpatirapa sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi dahil sinabi ng Panginoon na pupuksain niya kayo. 26 Nanalangin ako sa Panginoon, ‘O Panginoong Dios, huwag po ninyong puksain ang sarili ninyong mamamayan. Iniligtas po ninyo sila at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 27 Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo, ang kasamaan at ang mga kasalanan ng mga mamamayang ito, kundi alalahanin ninyo ang inyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 28 Kung lilipulin nʼyo sila, sasabihin ng mga Egipcio, “Nilipol sila dahil hindi sila kayang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa kanila.” O sasabihin nila, “Pinatay sila ng Panginoon dahil galit siya sa kanila; inilabas niya sila sa Egipto at dinala sa disyerto para patayin.”

29 “ ‘Ngunit sila ay inyong mamamayan. Sila ang sarili ninyong mamamayan na inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Marcos 11:19-33

19 Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya.

Ang Aral Mula sa Namatay na Puno ng Igos(A)

20 Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!” 22 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Dios! 23 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan kundi nananampalatayang mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo. 24 Kaya tandaan ninyo: anuman ang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo. 25 At kapag nananalangin kayo, patawarin nʼyo muna ang mga nagkasala sa inyo para ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit. 26 [Sapagkat kung ayaw ninyong magpatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(B)

27 Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Jesus sa templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 28 Tinanong nila si Jesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito?[a] Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 30 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[b] o sa tao? Sagutin ninyo ako!” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 32 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao.” (Takot sila sa mga tao dahil naniniwala ang mga tao na si Juan ay propeta ng Dios.) 33 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®