Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 1-3

Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na Umalis sa Bundok ng Sinai

Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan[a] malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai[b] papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. Nangyari ito matapos matalo ni Moises[c] si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,[d] sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”

Humirang si Moises ng mga Pinuno sa Bawat Lahi(A)

“Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10 Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11 Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. 12 Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13 Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’

14 “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. 15 Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. 16 Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17 Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ 18 At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

Nagpadala Sila ng mga Espiya(B)

19 “Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai,[e] at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea, 20 sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Dios. 21 Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’

22 “Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’

23 “Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi. 24 Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. 25 Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Dios.

26 “Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Dios. 27 Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. 28 Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’

29 “Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. 30 Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto 31 at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng Panginoon na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’

32 “Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa Panginoon na inyong Dios 33 na nangunguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.

34-35 “Nang marinig ng Panginoon ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, ‘Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno, 36 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niya akong sinunod.’

37 “Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, ‘Kahit na ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon. 38 Pero ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo siya dahil siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin sa lupain.’

39 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa ating lahat, ‘Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, pero sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at magiging pag-aari nila. 40 Pero kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.’

41 “At sinabi ninyo, ‘Nagkasala kami sa Panginoon. Lalakad kami at makikipaglaban ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios.’ Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang kanyang mga armas, at inisip ninyo na madali lang ang pag-agaw sa mga kaburulan.

42 “Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sabihin mo sa kanila na huwag munang lumakad at makipaglaban, dahil hindi ko sila sasamahan. Matatalo sila ng kanilang mga kaaway.’

43 “Kaya sinabihan ko kayo, pero hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ng Panginoon, at dahil sa inyong kayabangan sumalakay kayo sa kaburulan. 44 At nakipaglaban sa inyo ang mga Amoreo na naninirahan doon, at para silang mga pukyutang humabol at tumalo sa inyo mula sa Seir hanggang sa Horma. 45 Nagbalik kayo at nag-iyakan sa Panginoon, pero hindi siya nakinig o sumagot sa inyo. 46 Iyan ang dahilan kaya nanirahan kayo nang matagal sa Kadesh.”

Ang Paglalakbay sa Ilang

“At nagsibalik tayo at pumunta sa ilang papunta sa Dagat na Pula, ayon sa iniutos ng Panginoon sa akin. At sa matagal na panahon, nagpaikot-ikot tayo sa kaburulan ng Seir. Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Matagal na kayong nagpapaikot-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, dumiretso kayo sa hilaga. Sabihin mo sa mga tao: Dadaan kayo sa teritoryo ng inyong kamag-anak na mga lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Matatakot sila sa inyo, pero mag-ingat kayo sa kanila. Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang lupain, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’ Alalahanin ninyo kung paano ko kayo pinagpala sa lahat ng ginawa ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios ay nagbabantay sa inyo sa paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng 40 taon, sinamahan ko kayo, at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.

“Kaya dumaan tayo sa mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba,[f] na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion Geber. Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab, sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.’ ”

10 (Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 11 Tinatawag din silang Refaimeo, katulad ng mga angkan ni Anak, pero tinatawag silang Emita ng mga Moabita. 12 Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, pero pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13 Sinabi pa ni Moises, “Pagkatapos, inutos ng Panginoon na tumawid tayo sa Lambak ng Zered, kaya tumawid tayo. 14 Itoʼy pagkalipas ng 38 taon mula noong umalis tayo sa Kadesh Barnea. Nang mga panahong iyon, nangamatay ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila. 15 Pinarusahan sila ng Panginoon hanggang sa mamatay silang lahat sa kampo.

16 “Nang patay na ang lahat ng sundalo, 17 sinabi sa akin ng Panginoon, 18 ‘Sa araw na ito, tumawid kayo sa hangganan ng Moab sa Ar. 19 Kapag nakarating na kayo sa mga Ammonita, na mga lahi ni Lot, huwag ninyo silang guguluhin o lulusubin dahil ibinigay ko sa kanila ang lupaing iyon, at hindi ko kayo bibigyan kahit na maliit na bahagi nito.’

20 “Ang lupaing iyon ay kilala rin noong una na lupain ng mga Refaimeo, pero tinawag silang Zamzumeo ng mga Ammonita. 21 Napakarami nila at napakalalakas, at matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 22 Ito rin ang ginawa ng Panginoon sa mga lahi ni Esau na nakatira sa Seir; pinagpapatay niya ang mga Horeo para makapanirahan ang mga lahi ni Esau sa kanilang lupain. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila sa lupaing iyon. 23 Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor[g] ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Avim at tinirhan ang lupain ng mga ito.

24 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ‘Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Heshbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain. 25 Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.’

Natalo ang Hari ng Heshbon na si Sihon(C)

26 “Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Heshbon upang sabihin sa kanya ang mensahe para sa ikabubuti ng aming relasyon. Sinabi ko, 27 ‘Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain 29 katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Dios.’ 30 Pero hindi pumayag si Haring Sihon ng Heshbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.

31 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’

32 “Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo[h] sa atin doon sa Jahaz, 33 ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya. 34 Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan[i] – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay. 35 Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-arian na ating nasamsam mula sa kanilang mga bayan.

36 “Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Dios sa pag-agaw ng Aroer ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at sa mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayan na matibay ang mga pader na hindi natin kayang pasukin. 37 Pero ayon sa iniutos sa atin ng Panginoon na ating Dios, hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Ammonita, kahit sa Lambak ng Jabok o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.”

Natalo si Haring Og ng Bashan(D)

“Pagkatapos, dumiretso tayo sa Bashan pero pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan at ng mga sundalo nito. Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo pati ang kanyang mga sundalo at ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.’ Kaya ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios si Haring Og ng Bashan at ang lahat ng kanyang sundalo. Pinatay natin sila at wala tayong itinirang buhay. Inagaw natin ang lahat ng 60 lungsod niya – ang buong teritoryo ng Argob kung saan naghahari si Haring Og ng Bashan. Ang lahat ng lungsod na ito ay napapalibutan ng matataas na pader na may pintuan at kandado. Inagaw din natin ang napakaraming mga baryo na walang pader.

“Nilipol natin sila nang lubusan[j] katulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Heshbon. Pinatay natin ang lahat ng tao sa bawat lungsod na ating naagaw – mga lalaki, babae at bata. Ngunit dinala natin ang lahat ng hayop at mga ari-arian na nasamsam natin sa kanilang mga lungsod.

“Kaya naagaw natin mula sa dalawang hari ng mga Amoreo, ang lupain sa silangan ng Ilog ng Jordan mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (Ang Bundok ng Hermon ay tinatawag ng mga Sidoneo na Sirion at ng mga Amoreo na Senir.) 10 Inagaw natin ang lahat ng bayan na nasa talampas, ang buong Gilead at ang buong Bashan hanggang sa Saleca at Edrei, na mga bayan na sakop ng kaharian ni Og ng Bashan. 11 (Si Haring Og lang ang nag-iisang natira sa mga lahi ng Refaimeo. Ang higaan niyang bakal[k] ay may habang 13 talampakan at anim na talampakan ang lapad. Makikita pa ito ngayon sa Rabba na lungsod ng mga Ammonita.)

Ang Paghahati-hati ng Lupa(E)

12 “Nang maagaw natin ang lupaing ito, ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang lupain sa hilaga ng Aroer malapit sa Lambak ng Arnon pati na ang kalahati ng kaburulan ng Gilead at ang mga bayan nito. 13 Ibinigay ko ang natirang bahagi ng Gilead at ng buong Bashan, na kaharian ni Og, sa kalahating lahi ni Manase. (Ang buong Argob sa Bashan ay tinatawag noon na Lupa ng mga Refaimeo.) 14 Si Jair na mula sa lahi ni Manase, ang nagmamay-ari ng buong Argob na sakop ng Bashan hanggang sa hangganan ng lupain ng mga Geshureo at ng mga Maacateo. Pinangalanan ni Jair ng mismong pangalan niya ang teritoryong ito, kaya hanggang sa ngayon, ang Bashan ay tinatawag na ‘Mga Bayan ni Jair.’ 15 Ibinigay ko ang Gilead sa pamilya ni Makir. 16 Ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jabok, na hangganan din ng lupain ng mga Ammonita. 17 Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan[l] pati na ang Ilog ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay[m] sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.

18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan,[n] ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban. 19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo. 20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’

Hindi Pinayagan si Moises na Makapasok sa Canaan

21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan. 22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’

23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko, 24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa. 25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’

26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan. 27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan. 28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’ 29 Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet Peor.”

Marcos 10:32-52

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)

35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[a] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(C)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[c] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®