Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 35-36

Ang mga Bayan ng mga Levita

35 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ang mga Levita ng mga bayan na titirhan ng mga ito mula sa mga lupaing matatanggap nila. Sa ganitong paraan, may matitirhang bayan ang mga Levita at may pastulan para sa kanilang mga hayop. Ang agwat ng pastulang inyong ibibigay sa palibot ng kanilang bayan ay mga 450 metro mula sa pader ng kanilang mga bayan. Pagkatapos, sumukat kayo ng 900 metro sa bawat direksyon ng bayan – sa silangan, sa timog, sa kanluran at sa hilaga – kaya nasa gitna ang bayan nito. Ito ang pastulan para sa mas malaking mga bayan.

“Bigyan din ninyo ang mga Levita ng anim na bayan na magiging lungsod na tanggulan, kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. Hindi ito kasama sa 42 bayan na inyong ibibigay sa kanila. Kaya 48 lahat ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita kasama ang kanilang mga pastulan. Manggagaling ang mga bayan na ito sa mga lupain ng mga lahi ng Israel. Ang lahi na may maraming parte ay magbibigay ng maraming bayan at ang lahi na may kaunting parte ay magbibigay ng kaunti.”

Ang Lungsod na Tanggulan(A)

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kapag tumawid na sila sa Jordan papunta sa Canaan, 11 pumili sila ng mga bayan na magiging lungsod na tanggulan kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. 12 Mapoprotektahan siya ng lungsod na ito laban sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Hindi siya dapat patayin hanggaʼt hindi pa siya nahahatulan sa harap ng kapulungan. 13 Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan. 14 Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan. 15 Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.

16 “Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 17 Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 18 O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya. 19 Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

20 “Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay, 21 o pagsuntok, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. Ang malapit na kamag-anak ng napatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

22 “Pero halimbawang ang isang taong walang sama ng loob ang nakapatay sa isang tao na nahagisan niya ng kahit anong bagay o natulak na hindi sinasadya, 23 o nahulugan niya ng bato nang hindi niya nakikita, at dahil nga napatay niya ang tao, kahit hindi niya kaaway, at hindi niya sinasadya ang pagkakapatay sa kanya, 24 dadalhin pa rin siya sa kapulungan kasama ng taong gustong maghiganti sa kanya, at hahatulan siya ayon sa mga tuntuning ito. 25 Kung mapatunayan na hindi niya sinasadya ang pagpatay, kailangang proteksyunan ng sambayanan ang taong nakapatay laban sa mga tao na gustong maghiganti sa kanya, at ibabalik siya sa lungsod na tanggulan, kung saan siya tumakas. Kailangang magpaiwan siya roon hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na itinalaga sa paglilingkod.[a]

26 “Pero kapag lumabas sa lungsod na tanggulan ang nakapatay 27 at makita siya ng taong gustong gumanti sa kanya, maaari siyang patayin ng taong iyon. Walang pananagutan ang taong nakapatay sa kanya. 28 Kaya dapat na magpaiwan ang taong nakapatay sa lungsod na tanggulan hanggang hindi pa namamatay ang punong pari, at pagkatapos ay makakauwi na siya sa kanila.

29 “Ito ang mga tuntuning dapat ninyong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon, kahit saan kayo manirahan.

30 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay kailangang patayin, pero kailangang may mga saksi na magpapatotoo na siyaʼy nakapatay. Kung isang saksi lang ang magpapatotoo, hindi papatayin ang nasabing tao.

31 “Huwag kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng isang kriminal. Kailangang patayin siya. 32 Huwag din kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng taong tumakas sa lungsod na tanggulan upang makabalik siya sa kanyang lugar bago mamatay ang punong pari. 33 Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagdanak ng dugo sa lupaing inyong tinitirhan. Dahil ang pagpatay ay makakapagparumi sa lupain na inyong tinitirhan at walang makapaglilinis nito maliban sa dugo ng taong nakapatay. 34 Kaya huwag ninyong dudungisan ang lupaing inyong tinitirhan, dahil ako mismo ang Panginoon, ay naninirahan kasama ninyong mga Israelita.”

Ang mga Babaeng Anak ni Zelofehad na Nakatanggap ng Lupain

36 Pumunta kay Moises at sa mga pinuno ng Israel ang pamilya ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase, na anak ni Jose, at sinabi, “Ginoo, nang nag-utos sa inyo ang Panginoon na hatiin ang lupa bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan; nag-utos din siya na ibigay ang bahagi ng aming kapatid na si Zelofehad sa mga anak niyang babae. Pero halimbawang nag-asawa po sila galing sa ibang lahi at dahil ditoʼy napunta ang kanilang lupain sa lahi ng kanilang napangasawa, hindi baʼt mapupunta na ang bahagi ng aming lahi sa iba? Pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang kanilang lupa ay mapupunta sa lahi kung saan sila nakapag-asawa, at mawawala na ito sa lahi ng aming mga ninuno.”

Kaya ayon sa utos ng Panginoon, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng angkan ng mga salinlahi ni Jose. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad: Malaya silang makakapag-asawa sa kung sinong kanilang magugustuhan basta manggagaling lang sa lahi nila. Ang lupang mamanahin ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana sa kanilang mga ninuno. Ang lahat ng babaeng nakamana ng lupa sa kahit saang lahi ay kailangang mag-asawa ng mula sa kanilang lahi para hindi mawala sa bawat Israelita ang lupang namana niya sa kanyang mga ninuno. Ang lupang namana ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi, dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana.”

10 Kaya sinunod ng mga anak na babae ni Zelofehad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 11 Ang mga anak na babae ni Zelofehad ay sina Mahlah, Tirza, Hogla, Milca, at Noe. At ang kanilang napangasawa ay ang kanilang mga pinsan sa ama, 12 na mga lahi ni Manase na anak ni Jose. Kaya ang lupain na kanilang namana ay nanatili sa sambahayan at angkan ng kanilang ama.

13 Ganito ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises habang naroon sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.

Marcos 10:1-31

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)

10 Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.

Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[a] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[b] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[c] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)

13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Mayamang Lalaking(C)

17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[d] 20 Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”

28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®