Old/New Testament
Ang Ikalawang Sensus
26 Pagkatapos ng salot, sinabi ng Panginoon kina Moises at Eleazar na anak ng paring si Aaron, 2 “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang pamilya – lahat ng may edad na 20 taon pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo ng Israel.” 3 Kaya nakipag-usap sina Moises at Eleazar na pari sa mga Israelita roon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 4 Sinabi niya sa kanila, “Isensus ninyo ang mga taong may edad na 20 taon pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.”
Ito ang mga Israelitang lumabas sa Egipto:
5 Ang mga lahi ni Reuben na panganay na anak ni Jacob,[a] ay ang mga pamilya nina Hanoc, Palu, 6 Hezron at Carmi. 7 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Reuben; 43,730 silang lahat.
8 Ang anak ni Palu ay si Eliab, 9 at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Itong sina Datan at Abiram ay ang mga pinuno ng kapulungan na sumama kay Kora sa pagrerebelde sa Panginoon sa pamamagitan ng paglaban kina Moises at Aaron. 10 Pero nilamon sila ng lupa kasama ni Kora, at nasunog ng apoy ang kanyang 250 tagasunod. At naging babala sa mga Israelita ang pangyayaring ito. 11 Pero hindi namatay ang mga anak ni Kora.
12 Ang mga lahi ni Simeon ay ang mga pamilya nina Nemuel, Jamin, Jakin, 13 Zera at Shaul. 14 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Simeon; 22,200 silang lahat.
15 Ang mga lahi ni Gad ay ang mga pamilya nina Zefon, Haggi, Shuni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Gad; 40,500 silang lahat.
19-20 May dalawang anak na lalaki si Juda na sina Er at Onan, na namatay sa lupain ng Canaan. Pero may mga lahi rin naman si Juda na siyang pamilya nina Shela, Perez at Zera. 21 Ang mga angkan ni Perez ay ang pamilya nina Hezron at Hamul. 22 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Juda; 76,500 silang lahat.
23 Ang mga lahi ni Isacar ay ang mga pamilya nina Tola, Pua, 24 Jashub at Shimron. 25 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Isacar; 64,300 silang lahat.
26 Ang mga lahi ni Zebulun ay ang mga pamilya ni Sered, Elon at Jaleel. 27 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Zebulun; 60,500 silang lahat.
28 Ang mga lahi ni Jose ay nanggaling sa dalawa niyang anak na sina Manase at Efraim. 29 Ang mga lahi ni Manase ay ang mga pamilya ni Makir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang mga angkan ni Gilead ay ang mga pamilya nina Iezer, Helek, 31 Asriel, Shekem, 32 Shemida at Hefer. 33 Ang anak ni Hefer na si Zelofehad ay walang anak na lalaki, pero may mga anak siyang babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. 34 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Manase; 52,700 silang lahat.
35 Ang mga lahi naman ni Efraim ay ang mga pamilya nina Shutela, Beker, Tahan. 36 Ang mga angkan ni Shutela ay ang mga pamilya ni Eran. 37 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Efraim; 32,500 silang lahat. Ito ang mga pamilyang nanggaling kina Manase at Efraim na mga lahi ni Jose.
38 Ang mga lahi ni Benjamin ay ang sambahayan nina Bela, Ashbel, Ahiram, 39 Shufam at Hufam. 40 Ang mga angkan ni Bela ay ang mga pamilya nina Ard at Naaman. 41 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Benjamin; 45,600 silang lahat.
42 Ang mga lahi ni Dan ay ang mga pamilya ni Shuham. 43 Shuhamita ang lahat ng lahi ni Dan; at 64,400 silang lahat.
44 Ang mga lahi ni Asher ay ang mga pamilya nina Imna, Ishvi at Beria. 45 Ang mga angkan ni Beria ay ang mga pamilya nina Heber at ni Malkiel. 46 (May anak na babae si Asher na si Sera.) 47 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Asher; 53,400 silang lahat.
48 Ang mga lahi ni Naftali ay ang mga pamilya nina Jazeel, Guni 49 Jezer at Shilem. 50 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Naftali; 45,400 silang lahat.
51 Kaya ang kabuuang bilang ng mga lalaking Israelitang nasensus ay 601,730.
52 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 53 “Hati-hatiin mo sa kanila ang lupa bilang mana nila ayon sa dami ng bawat lahi. 54 Ang malaking lahi, bigyan ng mas malaki at ang maliit na lahi bigyan ng maliit. 55-56 Ang lupain ay kailangang hatiin sa pamamagitan ng palabunutan para malaman kung aling bahagi ang makukuha ng malaki at maliit na angkan ayon sa sensus.”
57 Ang mga Levita ay ang mga pamilya nina Gershon, Kohat at Merari. 58 At sa kanila nanggaling ang mga pamilya nina Libni, Hebron, Mahli, Mushi at Kora.
Si Kohat ang panganay ni Amram; 59 at ang asawa ni Amram ay si Jochebed na mula naman sa pamilya ng mga Levita. Ipinanganak si Jochebed sa Egipto. Sina Amram at Jochebed ang mga magulang nina Aaron, Moises at Miriam. 60 Si Aaron ang ama nina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Pero namatay sina Nadab at Abihu nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa kanilang paghahandog sa Panginoon.
62 Ang bilang ng mga lalaking Levita na may edad na isang buwan pataas ay 23,000. Hindi sila ibinilang sa kabuuang bilang ng mga Israelita dahil wala silang tinanggap sa lupaing minana ng mga Israelita.
63 Ito ang lahat ng mga Israelitang sinensus ni Moises at ng paring si Eleazar doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 64 Wala ni isang natira sa mga kasama sa naunang sensus na ginawa nina Moises at Aaron sa ilang ng Sinai. 65 Sapagkat sinabi noon ng Panginoon sa kanila na tiyak na mamamatay sila roon sa ilang, at walang makakaligtas sa kanila maliban lang kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.
Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad
27 Si Zelofehad ay may mga anak na babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Si Zelofehad ay anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase. Si Manase ay anak ni Jose. 2 Ngayon, nagpunta ang mga babaeng ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at tumayo sa harapan nina Moises, Eleazar, ng mga pinuno at ng buong kapulungan ng Israel. Sinabi ng mga babae, 3 “Namatay ang aming ama roon sa ilang na walang anak na lalaki. Pero namatay siya hindi dahil sa tagasunod siya ni Kora na nagrebelde sa Panginoon, kundi dahil sa sarili niyang kasalanan. 4 Dahil lang po ba sa walang anak na lalaki ang aming ama, mawawala na ang kanyang pangalan sa sambahayan ng Israel? Bigyan din ninyo kami ng lupa tulad ng natanggap ng aming mga kamag-anak.”
5 Kaya sinabi ni Moises sa Panginoon ang kanilang hinihingi. 6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 7 “Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Kailangang bigyan mo sila ng lupa kasama ng mga kamag-anak ng kanilang ama. Ibigay sa kanila ang lupa na dapat sana ay sa kanilang ama.
8 “At sabihin mo sa mga Israelita na kung mamatay ang isang tao na hindi nagkaanak ng lalaki, kailangang ibigay sa kanyang anak na babae ang kanyang lupa. 9 At kung wala siyang anak na babae, ibigay sa kanyang kapatid na lalaki. 10 At kung wala siyang kapatid na lalaki, ibigay ang kanyang lupa sa kapatid na lalaki ng kanyang ama. 11 Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”
Pinili si Josue Bilang Kapalit ni Moises(A)
12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron. 14 Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.) 15 Sinabi ni Moises sa Panginoon, 16 “O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito 17 at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”
18 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo. 19 Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo. 20 Ibigay mo sa kanya ang iba mong kapangyarihan upang sundin siya ng buong mamamayan ng Israel. 21 Kay Eleazar niya malalaman ang aking pasya sa pamamagitan ng paggamit ni Eleazar ng ‘Urim’[b] sa aking presensya. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ni Eleazar si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kanilang gagawin.”
22 Kaya ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinatawag niya si Josue at pinatayo sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan. 23 At ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Josue at ipinahayag na si Josue ang papalit sa kanya.
Ang Pang-araw-araw na mga Handog(B)
28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[c] sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita: 3 ‘Ito ang mga handog sa pamamagitan ng apoy na inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan. 4 Ang isang handog ay sa umaga at isa sa hapon, 5 kasama ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo. 6 Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 7 Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon. 8 Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupa na ihahandog ninyo sa hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
Ang mga Handog sa Araw ng Pamamahinga
9 “ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 10 Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.
Ang Buwanang Handog
11 “ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 12 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. 13 At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. 14 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon. 15 Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(C)
16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ika-14 na araw ng unang buwan. 17 Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 18 Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. 19 Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 20 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa 21 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 22 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. 23 Ialay ninyo ang mga handog na ito bukod pa sa inyong pang-araw-araw na handog na sinusunog tuwing umaga. 24 Sa ganitong paraan ninyo ialay itong mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang pagkain para sa Panginoon. Gawin ninyo ito bawat araw sa loob ng pitong araw. Ang mabangong samyo ng mga handog na ito ay makalulugod sa Panginoon. Ihandog ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa handog na inumin. 25 Sa ikapitong araw, muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon. At huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
Ang mga Handog sa Panahon ng Pista ng Pag-aani(D)
26 “Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, sa panahon na maghahandog kayo sa Panginoon ng bagong ani ng trigo, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo bilang pagsamba sa Panginoon. 27 Maghandog kayo ng handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 28 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa 29 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 30 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. 31 Ihandog ninyo ito kasama ang mga handog na inumin bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Siguraduhin ninyo na ang mga hayop na ito ay walang kapintasan.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Pagkatapos ng ilang araw, muling nagtipon ang maraming tao sa kinaroroonan ni Jesus. Nang wala na silang makain, tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, 2 “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. 3 Kung pauuwiin ko naman sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.” 4 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po.”
6 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pinasalamatan din iyon ni Jesus at iniutos na ipamigay din sa mga tao. 8 Kumain sila at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng pitong basket. 9 Ang bilang ng mga taong kumain ay mga 4,000. Pagkatapos ay pinauwi na ni Jesus ang mga tao, 10 at agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga tagasunod niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.
Humingi ng Himala ang mga Pariseo(B)
11 Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukin siya kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo nga siya ng Dios. 12 Pero napabuntong-hininga si Jesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng himala ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang himalang ipapakita sa inyo.” 13 Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa.
Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(C)
14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Bulag sa Betsaida
22 Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Jesus. Nagmakaawa sila na kung maaari ay hipuin niya ang bulag upang makakita. 23 Kaya inakay ni Jesus ang bulag palabas ng Betsaida. Pagdating nila sa labas, dinuraan niya ang mga mata ng bulag. Pagkatapos, ipinatong niya ang kamay niya sa bulag at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?” 24 Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.” 25 Kaya muling ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa mata ng bulag. Pagkatapos, tumingin ulit ang lalaki at lumiwanag ang kanyang paningin. 26 Bago siya pinauwi ni Jesus ay binilinan siya, “Huwag ka nang bumalik sa Betsaida.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)
27 Pagkatapos, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa mga nayon na sakop ng Cesarea Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 28 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.” 29 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”[c] 30 Sinabihan sila ni Jesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)
31 Nagsimulang mangaral si Jesus sa mga tagasunod niya na siya na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila siya, pero sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila. Nang marinig iyon ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan. 33 Pero humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at saka sinabi kay Pedro, “Lumayo ka sa akin Satanas! Ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Dios kundi ayon sa kalooban ng tao!”
34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[d] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®