Old/New Testament
Ang Tungkod ni Aaron
17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno sa bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang baston at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. 12 lahat ang baston. 3 Sa baston ng lahi ni Levi, isulat ang pangalan ni Aaron dahil kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. 4 Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. 5 At ang baston ng taong pipiliin ko na maglingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron.”
6 Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay 12 at isa rito ang kay Aaron. 7 Inilagay lahat ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon doon sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan.
8 Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendro. 9 Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan para maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin.” 11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mamamatay kami nitong lahat! 13 Dahil sinumang lumapit sa Tolda ng Panginoon ay mamamatay. Mamamatay na ba kaming lahat?”
Ang Tungkulin ng mga Pari at ng mga Levita
18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang mga anak mong lalaki na mula sa lahi ni Levi ang mananagot sa kasalanang ginawa ninyo sa inyong paglilingkod sa Toldang Pinagtipunan. Pero ikaw lang at ang mga anak mo ang mananagot sa kasalanan na inyong magagawa na may kinalaman sa inyong pagkapari. 2 Kung maglilingkod ka at ang mga anak mo sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan, patulungin nʼyo ang mga kamag-anak nʼyong kapwa Levita. 3 Magtatrabaho sila sa ilalim ng iyong pamamahala at gagawin nila ang lahat ng mga gawain sa Tolda, pero hindi sila dapat humawak sa mga banal na kagamitan ng Tolda o sa altar, dahil kung gagawin nila ito mamamatay sila pati kayo. 4 Tutulong sila sa iyo, at responsibilidad nila ang pag-aasikaso ng Toldang Tipanan at ang paggawa ng lahat ng gawain dito. Dapat walang sinumang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak maliban sa lahi ni Levi.
5 “Ikaw ang mamamahala sa pag-aasikaso ng Banal na Lugar at ng altar, para hindi ako muling magalit sa mga Israelita. 6 Ako ang pumili ng kapwa mo Levita mula sa mga Israelita, para maging katulong mo. Itinalaga sila sa akin sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 7 Pero ikaw lang at ang iyong mga anak ang makapaglilingkod bilang mga pari, dahil kayo lang ang makakagawa ng mga gawain na may kinalaman sa altar at sa Pinakabanal na Lugar. Regalo ko sa inyo ang inyong pagkapari. Papatayin ang sinumang gagawa nito na hindi pari.”
Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako ang pumili sa iyo na mamahala sa banal na mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga anak bilang inyong bahagi magpakailanman. 9 May bahagi kayo sa pinakabanal na mga handog na ito na hindi sinusunog, na inihandog ng mga tao sa akin bilang pinakabanal na mga handog. Kasama ng mga handog na ito ang handog bilang pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ito ang mga bahagi mo at ng iyong mga anak. 10 Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal. 11 Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis. 12 Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo. 13 Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
14 “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo[a] ay magiging inyo. 15 Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa akin ay magiging inyo rin. Pero kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi. 16 Tubusin ninyo ito kung isang buwan na ang edad at kailangang tubusin ninyo ito sa halagang limang pirasong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 17 Pero huwag ninyong tutubusin ang panganay na toro, tupa o kambing dahil sa akin ito. Katayin ninyo ito at iwisik ninyo ang dugo sa altar at sunugin ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy.[b] Ang mabangong samyo ng handog na ito ay makalulugod sa akin. 18 Sa inyo ang karne nito, gaya ng dibdib at ng kanang paa ng handog na itinataas ninyo. 19 Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga handog na itinataas ng mga Israelita sa akin. Para ito sa inyo at sa inyong mga angkan bilang inyong bahagi magpakailanman. Kasunduan ko ito sa iyo at sa iyong angkan na hindi magbabago magpakailanman.”[c]
20 Sinabi pa ng Panginoon kay Aaron, “Kayong mga pari ay walang mamanahing lupa sa Israel, dahil ako mismo ang magbibigay ng inyong mga pangangailangan.
21 “Kung tungkol sa mga Levita, babayaran ko sila sa kanilang serbisyo sa Tolda. Ibibigay ko sa kanila ang lahat ng ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang kanilang bahagi. 22 Mula ngayon, wala nang iba pang Israelita na lalapit sa Toldang Tipanan maliban sa mga pari at sa mga Levita, dahil kung lalapit sila, mananagot sila sa kanilang mga kasalanan, at mamamatay. 23 Ang mga Levita ang responsable sa mga gawain sa Toldang Tipanan, at mananagot sila sa kanilang magagawang kasalanan laban dito. Ang mga tuntuning ito ay dapat tuparin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Walang mamanahing lupa ang mga Levita sa Israel. 24 Sa halip, ibibigay ko sa kanila bilang kanilang bahagi ang mga ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang handog nila sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang mga Levita ay walang mamanahing lupa sa Israel.”
25 Inutusan ng Panginoon si Moises 26 na sabihin niya ito sa mga Levita: “Kung matanggap na ninyo mula sa mga Israelita ang ikapu na ibibigay ko sa inyo bilang inyong bahagi, kailangang magbigay din kayo ng inyong ikapu galing sa ikapu nila, bilang handog sa akin. 27 Ituturing ko ito bilang inyong handog mula sa mga ani, na parang naghandog kayo ng trigo mula sa giikan o alak mula sa pisaan ng ubas. 28 Sa pamamagitan nito, makapagbibigay din kayo ng handog sa akin galing sa lahat ng ikapu na inyong natanggap mula sa aking mga Israelita. At sa aking bahagi na iyon, ang ikapu nito ay ibigay ninyo sa paring si Aaron. 29 Kailangan na ang aking bahagi ang pinakamagandang parte sa lahat ng ibinibigay sa inyo. 30 Kapag naihandog na ninyo ito, ituturing ko itong handog ninyo mula sa giikan o pisaan ng ubas. 31 Maaari mong kainin at ng iyong pamilya ang inyong bahagi kahit saang lugar dahil sweldo ninyo iyan sa inyong paglilingkod sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ninyo nito kung naihandog na ninyo ang pinakamabuting bahagi sa Panginoon. Ngunit siguraduhin ninyo na hindi ninyo marurumihan ang banal na mga handog ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagkain ng inyong bahagi nang hindi pa ninyo naibibigay ang aking bahagi para hindi kayo mamatay.”
Ang Tubig na Ginagamit sa Paglilinis
19 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Ito pa ang isang tuntunin na gusto kong tuparin ninyo: Sabihan ninyo ang mga Israelita na dalhan kayo ng isang pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa nagagamit sa pag-aararo.[d] 3 Ibigay ninyo ito kay Eleazar na pari at dalhin ninyo sa labas ng kampo at katayin sa kanyang harapan. 4 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng dugo nito sa pamamagitan ng kanyang daliri, at iwiwisik ito ng pitong beses sa harapan ng Toldang Tipanan. 5 At habang nakatingin si Eleazar, susunugin ang buong baka – ang balat, ang laman, dugo at mga bituka nito. 6 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng isang putol ng punong sedro, isang sanga ng tanim na isopo at pulang panali na ihahagis lahat sa sinusunog na baka. 7 Pagkatapos, kailangang labhan ni Eleazar ang kanyang damit at maligo siya. At pagkatapos, makakapasok na siya sa kampo, pero ituturing siyang marumi hanggang hapon. 8 Ang taong nagsunog ng baka ay kailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo, at ituturing din siyang marumi hanggang hapon.
9 “Ang taong itinuturing na malinis ang siyang kukuha ng abo ng baka, at ilalagay niya ito sa isang lugar na itinuturing na malinis sa labas ng kampo. Itatago ito pero gagamitin ng mamamayan ng Israel na panghalo sa tubig na gagamitin sa paglilinis. Ginagamit ang seremonyang ito para mawala ang kasalanan. 10 Kailangang labhan ng taong kumuha ng abo ng baka ang kanyang damit, at ituturing din siyang marumi hanggang sa hapon. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng mga Israelita at dayuhan na naninirahang kasama ninyo magpakailanman.
11 “Ang sinumang hihipo sa bangkay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12 Kailangang linisin niya ang kanyang sarili ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa ikatlo at ikapitong araw. Pagkatapos, ituturing na siyang malinis. Pero kung hindi siya maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw, hindi siya ituturing na malinis. 13 Ang sinumang makakahipo sa bangkay na hindi naglinis ng kanyang sarili[e] ay para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. Kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan ang taong iyon. Dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.
14 “Ito ang tuntunin kung may taong mamatay sa loob ng tolda: Ang sinumang pumasok sa tolda o kayaʼy naroon na sa loob nang mamatay ang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15 At ituturing din na marumi ang anumang mga lalagyan sa tolda na walang takip.
16 “Ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw ang sinumang nasa labas ng kampo na nakahipo ng bangkay, pinatay man ito o namatay sa natural na paraan. Ganoon din sa nakahipo sa buto ng tao o nakahawak ng libingan.
17 “Upang mawala ang pagiging marumi, ilagay sa lalagyan ang ibang mga abo ng baka na inihahandog para sa paglilinis at pagkatapos, dadagdagan ito ng tubig. 18 Pagkatapos, kukuha ang taong itinuturing na malinis ng isang sanga ng tanim na isopo, at isasawsaw niya ito sa nasabing tubig, at iwiwisik sa tolda na may namatay at sa lahat ng kagamitan dito, at sa mga tao na nasa tolda. Wiwisikan din ang taong nakahipo ng buto ng tao o ng libingan, o ang sinumang pinatay o namatay sa natural na kamatayan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, wiwisikan ng malinis na tao ang maruming tao. At sa ikapitong araw, kailangang labhan ng taong nilinisan ang kanyang damit at maligo siya, at sa gabing iyoʼy ituturing na siyang malinis. 20 Pero kung ang taong marumi ay hindi maglilinis, huwag na siyang ituring na kababayan ninyo, dahil para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. At dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya. 21 Ang tuntuning ito ay dapat nilang sundin magpakailanman.
“Ang taong nagwisik ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay kailangang maglaba ng kanyang damit, at ang sinumang humipo ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay ituturing na marumi hanggang hapon. 22 Ang sinuman o anuman na hahawak o hihipo sa maruming tao ay magiging marumi rin hanggang hapon.”
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.
33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang po tayo at malapit nang gumabi. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig nayon at bukid para makabili ng pagkain.” 37 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Aabutin po ng walong buwang sahod ang gagastusin para sa kanila! Bibili po ba kami ng ganoong halaga ng tinapay para ipakain sa kanila?” 38 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Sige, tingnan nga ninyo.” Tiningnan nga nila, at sinabi kay Jesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”
39 Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na paupuin ng grupo-grupo ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila ng grupo-grupo, tig-100 at tig-50 bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Pagkatapos, tinipon nila ang natirang tinapay at isda, at nakapuno sila ng 12 basket. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay 5,000.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.
Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(C)
53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®