Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 12-14

Ang Reklamo nila Miriam at Aaron

12 Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.[a] Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.

(Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)

Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda. Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa, sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip. Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan. Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”

Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya. 10 Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat,[b] at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya, 11 sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid[c] ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan. 12 Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”

13 Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.” 14 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”

15 Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo. 16 Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.

Ang mga Espiya(A)

13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magpadala ka ng mga tao para mag-espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.” Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran. 4-15 Ito ang mga lahi at mga pangalan nila:

Lahi Pinuno
ReubenShamua na anak ni Zacur
SimeonShafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimHoshea na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
Manase na anak ni JoseGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSeteur na anak ni Micael
NaftaliNabi na anak ni Vofsi
GadGeuel na anak ni Maki

16 Sila ang mga tao na ipinadala ni Moises para mag-espiya sa Canaan. (Pinalitan ni Moises ng Josue ang pangalan ni Hoshea na anak ni Nun.)

17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa timog ng Canaan,[d] at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)

21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo Hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negev hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sheshai at Talmai, na mga angkan ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol[e] dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.

25 Pagkatapos ng 40 araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, maganda at masaganang lupain[f] iyon. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Pero makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga angkan ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negev; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog ng Jordan.”

30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”

31 Pero sinabi ng mga tao na sumama kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,[g] na mga angkan ni Anak. Parang mga tipaklong lang ang tingin namin sa aming mga sarili kung ikukumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”

Nagrebelde ang mga Israelita

14 Nang gabing iyon, humagulgol ang lahat ng mamamayan. Nagreklamo sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Egipto o rito sa disyerto. Bakit pa ba tayo dadalhin ng Panginoon sa lupaing iyon? Para lang ba mamatay tayo sa labanan at bihagin ang ating mga asawaʼt anak? Mabuti pa sigurong bumalik na lang tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila, “Pumili tayo ng pinuno at bumalik sa Egipto!”

Pagkatapos, nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng lahat ng mamamayan ng Israel na nagkakatipon doon. Pinunit ni Josue na anak ni Nun at ni Caleb na anak ni Jefune ang kanilang mga damit sa kalungkutan. Ang dalawang ito ay kasama sa pag-espiya sa lupain. Sinabi nila sa mga mamamayan ng Israel, “Napakabuti ng lupaing aming pinuntahan. Kung nalulugod ang Panginoon sa atin, gagabayan niya tayo papunta sa lupang iyon – ang maganda at masaganang lupain,[h] at ibibigay niya ito sa atin. Huwag lang kayong magrerebelde sa Panginoon. At huwag kayong matatakot sa mga tao roon dahil matatalo natin sila. Walang tutulong sa kanila, pero ang Panginoon ang tutulong sa atin. Kaya huwag kayong matakot sa kanila.”

10 Babatuhin sana sila ng buong kapulungan, pero biglang nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng Toldang Tipanan. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan pa ba ako itatakwil ng mga taong ito? Hanggang kailan pa ba sila hindi maniniwala sa akin sa kabila ng lahat ng mga himalang ginawa ko sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at papatayin ko sila, pero gagawin kitang isang bansa na mas makapangyarihan at matatag kaysa sa kanila.” 13 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio kung mababalitaan nila ito? Hindi baʼt nalalaman nila na kinuha ninyo ang mga Israelita sa kanila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan? 14 Kapag pinatay po ninyo ang inyong mamamayan, sasabihin nila ito sa mga naninirahan sa Canaan. Narinig ng mga Cananeo na kayo, Panginoon ay sumasama sa mga Israelita, at nagpapakita sa kanila sa pamamagitan ng ulap na gumagabay sa kanila. Pinangungunahan nʼyo sila kapag gabi sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, at kapag araw sa pamamagitan ng ulap na parang haligi rin. 15 Ngayon, kapag pinatay po ninyong lahat ang inyong mamamayan, sasabihin ng mga bansang nakarinig ng inyong katanyagan, 16 ‘Hindi kayang dalhin ng Panginoon ang mga Israelita sa lupaing ipinangako niya sa kanila, kaya pinatay na lang niya sila sa disyerto.’

17 “Kaya ngayon, O Panginoon, sana po ay ipakita ninyo ang inyong kapangyarihan ayon sa inyong sinabi na mapagmahal kayo 18 at hindi madaling magalit, at mapagpatawad sa mga kasalanan ng tao. Pero pinarurusahan po ninyo ang mga nagkakasala, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. 19 Ayon sa inyong dakilang pagmamahal, patawarin po ninyo ang mga kasalanan ng mga taong ito, gaya ng pagpapatawad ninyo sa kanila mula nang lumabas sila sa Egipto.”

20 Sumagot ang Panginoon, “Patatawarin ko sila ayon sa iyong hiniling. 21 Ngunit sumusumpa ako, ang Panginoong nabubuhay, habang ang buong mundo ay napupuno ng aking dakilang presensya, 22-23 walang sinuman sa kanila ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno. Dahil kahit nakita nila ang aking makapangyarihang presensya at ang mga himala na ginawa ko sa Egipto at sa disyerto, palagi pa rin nila akong sinusubok at hindi sila sumusunod sa akin. Kaya hindi makakapasok sa lupaing iyon ang mga nagtatakwil sa akin. 24 Ngunit papapasukin ko sa lupain na kanyang tiningnan si Caleb na aking lingkod, dahil iba ang kanyang pag-uugali sa iba at sumusunod siya sa akin nang buong puso niya. Maninirahan ang kanyang mga angkan sa lupaing iyon. 25 Huwag muna kayong dumiretso dahil may mga Cananeo at mga Amalekita na naninirahan sa mga lambak, kundi magbalik kayo bukas sa disyerto, sa daang papunta sa Dagat na Pula.” 26 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang kailan pa ba ang pagrereklamo sa akin ng masasamang mamamayang ito? Narinig ko ang mga reklamo ng mga Israelita. 28 Kaya sabihin mo ito sa kanila: Ako, ang Panginoon na buhay, ay sumusumpa na gagawin ko sa inyo ang inyong hinihiling. 29 Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil nagreklamo kayo sa akin, walang kahit isa sa inyo na may edad na 20 taong gulang pataas 30 ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun. 31 Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito. 32 Ngunit mamamatay kayo sa disyerto. 33 Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat. 34 Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng 40 araw, magdurusa rin kayo ng 40 taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin. 35 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”

36-37 Ang mga taong inutusan ni Moises para sa pag-espiya, na nagbalita ng masama tungkol sa lupain na siyang naging dahilan ng pagrereklamo ng mga Israelita ay namatay sa karamdaman sa presensya ng Panginoon. 38 Sa 12 espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.

Natalo ang mga Israelita sa Kanilang Pagsalakay sa Canaan(B)

39 Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila. 40 At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kami sa pagpunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon.”

41 Pero sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na magbalik kayo sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay! 42 Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon, at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway. 43 Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasama ang Panginoon dahil siyaʼy itinakwil ninyo.” 44 Pero naglakbay sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumama sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan. 45 Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.

Marcos 5:21-43

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)

21 Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22 Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24 Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[a] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”

35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42 Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43 Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®