Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 3-4

Ang mga Levita

Ito ang tala tungkol sa mga angkan nina Aaron at Moises nang panahong nakipag-usap ang Panginoon kay Moises doon sa Bundok ng Sinai.

Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Si Nadab ang panganay. Pinili sila at inordinahan para sa paglilingkod bilang mga pari. Pero sina Nadab at Abihu ay namatay sa presensya ng Panginoon nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa paghahandog sa Panginoon doon sa disyerto ng Sinai. Namatay silang walang anak, kaya sina Eleazar at Itamar lang ang naglingkod bilang mga pari habang nabubuhay pa si Aaron.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag ang lahi ni Levi at dalhin sila sa paring si Aaron para tumulong sa kanya. Maglilingkod sila kay Aaron at sa mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawain sa Toldang Sambahan, na tinatawag din na Toldang Tipanan. Sila rin ang mangangalaga ng lahat ng kagamitan ng Toldang Tipanan, at maglilingkod sa Toldang iyon para sa mga Israelita. Itatalaga ang mga Levita para tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. 10 Si Aaron at ang mga anak niya ang piliin mo na maglilingkod bilang mga pari. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.”

11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Akin ang bawat Levita, 13 dahil akin ang bawat panganay. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel, tao man o hayop. Kaya akin sila. Ako ang Panginoon.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 15 “Bilangin mo ang mga lalaking Levita mula sa edad na isang buwan pataas, ayon sa kanilang pamilya.” 16 Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.

Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.

21 Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei. 22 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500. 23 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa likod ng Toldang Sambahan, sa bandang kanluran. 24 Ang kanilang pinuno ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga kagamitang ito sa Toldang Tipanan: Ang mga pantaklob, ang kurtina ng pintuan ng Tolda, 26 ang mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda at sa altar, pati ang kurtina ng pintuan ng bakuran, at ang mga tali. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.

27 Ang mga angkan ni Kohat ay ang mga pamilya na nanggaling kina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 28 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 8,600. Binigyan sila ng responsibilidad na asikasuhin ang Toldang Tipanan. 29 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa bandang timog ng Toldang Sambahan. 30 At ang pinuno nila ay si Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila ang responsable sa pag-aasikaso ng Kahon ng Kasunduan, ang mesa ang lalagyan ng ilaw, ang altar, ang mga kagamitang ginagamit ng mga pari sa kanilang paglilingkod at ang kurtina. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 32 Ang pinuno ng mga Levita ay si Eleazar na anak ng paring si Aaron. Siya ang pinili na mamahala sa mga binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng Tolda.

33 Ang mga angkan ni Merari ay ang mga pamilya na nanggaling kina Mahli at Mushi. 34 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 6,200. 35 Ang kanilang pinuno ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nasa bandang hilaga ng Toldang Sambahan ang lugar na kanilang pinagkakampuhan. 36 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga balangkas ng Tolda, ng mga biga nito, ng mga haligi at mga pundasyon. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 37 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali.

38 Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.

39 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.

40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”

42-43 Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.

44 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 45 “Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon. 46 At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila. 47 Ang ibabayad sa pagtubos sa bawat isa sa kanila ay limang pirasong pilak ayon sa timbang ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 48 Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang sobrang pera na itinubos sa mga panganay.”

49 Kaya kinolekta ni Moises ang pera na ipinangtubos sa mga panganay na anak ng mga Israelita na sobra sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kanyang nakolekta ay 1,365 pirasong pilak, ayon sa timbang ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 51 At ibinigay niya ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.

Ang mga Angkan ni Kohat

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Isensus ninyo ang mga angkan ni Kohat na sakop ng mga Levita, ayon sa kanilang pamilya. Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad na 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

“Ang mga gawain ng mga angkan ni Kohat sa Toldang Tipanan ay ang pag-aasikaso ng pinakabanal na mga bagay. Kung aalis na kayo sa inyong pinagkakampuhan, si Aaron at ang mga anak niya ay papasok sa Tolda at kukunin ang kurtina sa loob at itataklob ito sa Kahon ng Kasunduan. At tatakluban pa nila ito ng magandang klase ng balat[a] at ng telang asul, at pagkatapos ay isusuot nila sa mga argolya ang mga pambuhat nito.

“Sasapinan din nila ng asul na tela ang mesa na nilalagyan ng tinapay na iniaalay sa presensya ng Dios; at ilalagay nila sa mesa ang mga pinggan, mga tasa, mga mangkok, mga banga na lalagyan ng mga handog na inumin, at hindi aalisin ang mga tinapay na laging nasa mesa. Pagkatapos, tatakluban nila ito ng telang pula, at tatakluban pa ng magandang klase ng balat at pagkatapos ay isusuot ang mga pambuhat nito sa lalagyan.

“Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw. 10 Babalutin pa nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.

11 “Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito. 12 Ang mga natirang kagamitan ng Tolda na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.

13 “Kailangang alisin ang abo sa altar, at tatakluban ng telang kulay ube. 14 At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.

15 “Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Pero hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.

16 “Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ang responsable sa langis para sa mga ilaw, sa insenso, sa araw-araw na handog bilang pagpaparangal sa akin at sa langis na pamahid. Siya ang mamamahala sa buong Tolda at sa lahat ng kagamitan nito.”

17 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita. 19 Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lalapit sila sa pinakabanal na mga bagay: sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin. 20 Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok kahit sandali lang para tingnan ang banal na mga bagay, para hindi sila mamatay.”

Ang mga Angkan ni Gershon

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 22 “Isensus ang mga angkan ni Gershon ayon sa kanilang pamilya. 23 Isama sa sensus ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

24 “Ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon ay ang pagdadala ng mga sumusunod: 25 ang mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan, 26 ang mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 27 Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gershon tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin. 28 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang mga Angkan ni Merari

29 “Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya. 30 Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan. 31 Ito ang kanilang mga gawain sa Toldang Tipanan: sila ang magdadala ng mga balangkas ng Tolda, mga biga nito, mga haligi at ng mga pundasyon. 32 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali. At sila rin ang gagawa ng mga gawaing kaugnay sa mga kagamitang ito. Kayo ni Aaron ang magsasabi sa bawat isa sa kanila kung ano ang kanilang dadalhin. 33 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Merari sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang Pagbilang sa mga Levita

34-48 Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inilista nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ang mga angkan nina Kohat, Gershon at Merari ayon sa bawat pamilya nito. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan, at ito ang bilang nila:

Pamilya Bilang
Kohat2,750
Gershon2,630
Merari3,200

Ang kabuuang bilang nila ay 8,580. 49 Kaya ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, binilang ang bawat isa sa kanila at binigyan ng kanya-kanyang gawain at sinabihan kung ano ang kanilang dadalhin.

Marcos 3:20-35

Si Jesus at si Satanas(A)

20 Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21 Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.

22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas[a] na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24 Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25 Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.

27 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[b]

28 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30 Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(B)

31 Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®