Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 21-22

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[a] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[b] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[c]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[d] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:

Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.

24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.

Ang mga Handog sa Panginoon

22 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:

Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.

Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[e] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.

4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[f] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[g] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.

Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.

Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.

Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.

15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:

Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.

26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.

29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.

31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay.

Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” Kaya dali-dali silang umalis sa libingan. At kahit natatakot sila, masaya pa rin sila sa ibinalita sa kanila ng anghel. Patakbo nilang pinuntahan ang mga tagasunod ni Jesus upang ibalita ang pangyayari.

Pero maya-maya, sinalubong sila ni Jesus sa daan at binati. Lumapit sila kay Jesus, niyakap ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Puntahan ninyo ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila na pumunta sila sa Galilea. Doon nila ako makikita.”

Ang Ulat ng Mga Guwardya

11 Pagkaalis ng mga babae sa libingan, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga guwardya upang ibalita sa mga namamahalang pari ang nangyari. 12 Matapos makipagpulong ng mga namamahalang pari sa mga pinuno ng mga Judio, sinuhulan nila ng malaking halaga ang mga bantay. 13 Sinabi nila sa mga bantay, “Ipamalita ninyo na habang natutulog kayo kagabi, dumating ang mga tagasunod ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay. 14 Kapag narinig ito ng gobernador, kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, para hindi kayo mapahamak.” 15 Tinanggap ng mga guwardya ang pera at ginawa ang sinabi sa kanila. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kwentong ikinakalat ng mga Judio.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(B)

16 Pumunta ang 11 tagasunod ni Jesus sa Galilea, doon sa isang bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, sumamba sila sa kanya, kahit na ang ilan ay may pagdududa. 18 Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®