Old/New Testament
Ibaʼt ibang Kautusan
19 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. 3 Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
4 Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
5 Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. 6 Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. 7 Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. 8 At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
9 Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.
12 Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13 Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.
14 Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.
15 Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.
16 Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.
17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.
18 Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.
19 Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.
20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,[a] dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22 Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.
23 Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24 Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.
Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.
27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.
29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.
30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.
31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.
33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.
Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.
Mga Parusa sa mga Kasalanan
20 Inutusan ng Panginoon si Moises, 2 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Ang sinuman sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa dios-diosang si Molec ay dapat batuhin ng taong bayan hanggang sa mamatay. 3-4 Kasusuklaman ko ang taong iyon at huwag na ninyong ituring na kababayan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang lugar na pinagsasambahan sa akin at nilapastangan niya ang aking pangalan. Kapag ang taong iyon ay hinahayaan ninyo sa kanyang ginagawang iyon, 5 ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.
6 Kasusuklaman ko ang mga sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.
7 Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 8 Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.
9 Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay kailangang patayin.
10 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.
11 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
12 Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
13 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
14 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.
15-16 Kung ang isang lalaki o babae ay sumiping sa hayop, dapat siyang patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.
17 Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.
18 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
19 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.
20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.
21 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.
22 Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan. 23 Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila. 24 At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana[b] sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.
25 Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko. 26 Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.
27 Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.
51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[a] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[b] at marami ang nakakita sa kanila.
54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 55 Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala,[c] si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.
Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan
62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®