Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 17-18

Ang mga Tuntunin Tungkol sa Tamang Lugar ng Paghahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa lahat ng mga taga-Israel:

Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng baka, tupa, o kambing sa ibang lugar 4-5 maliban sa Toldang Tipanan ay katulad ng taong nakapatay ng kapwa, kaya huwag ninyo siyang ituturing na kababayan ninyo. Ang tuntuning itoʼy ginawa para ang paghahandog ay gagawin ninyo malapit sa may pintuan ng Tolda at hindi sa ibang lugar. Ang inyong mga handog para sa mabuting relasyon ay ibibigay ninyo sa pari na siyang maghahandog nito sa Panginoon. Iwiwisik ng pari ang dugo ng handog na hayop sa altar na pinaghahandugan para sa Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, susunugin niya ang taba ng mga hayop. At ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. Kaya hindi na kayo dapat maghandog sa mga demonyo na mukhang kambing,[a] dahil ito ang maglalayo sa inyo sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon magpakailanman.

Kayong mga taga-Israel at ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, tandaan ninyo ito:

Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng anumang uri ng handog sa ibang lugar at hindi sa may pintuan ng Tolda ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

10 Ang sinuman sa inyo na kakain ng dugo ay magiging kalaban ng Panginoon at huwag na ninyong ituring na kababayan. 11 Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo at iniutos sa inyo ng Panginoon na ang dugo ay gamitin ninyo bilang pantubos sa inyong mga kasalanan, dahil ang dugo ang nagbibigay ng buhay, ang siyang pantubos ng tao sa kanyang mga kasalanan. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi ninyo dapat kainin ang dugo.

13 Ang sinuman sa inyong huhuli ng hayop o ibon na maaaring kainin, dapat niyang patuluin ang dugo at tabunan ng lupa, 14 dahil ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo. Kaya nga sinabi sa inyo ng Panginoon na huwag kayong kakain ng dugo ng anumang nilalang. Ang sinuman sa inyong kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

15 Ang sinuman sa inyo; katutubong Israelita man o dayuhang kumain ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop, kailangan niyang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 16 Kapag hindi niya nilabhan ang kanyang damit at hindi naligo, may pananagutan siya.

Ang mga Ipinagbabawal na Gawaing Mahahalay

18 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ako ang Panginoon na inyong Dios. Huwag nʼyong gawin ang mga ginagawa ng mga taga-Egipto, kung saan kayo tumira noon. Huwag din ninyong gayahin ang mga ginagawa ng mga taga-Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. 4-5 Dapat ninyong sundin ang aking mga utos at mga tuntunin dahil ang mga susunod dito ay mabubuhay. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sumiping sa malapit ninyong kamag-anak. Ako ang Panginoon.

7-8 Huwag mong ilagay sa kahihiyan ang iyong ama sa pamamagitan ng pagsiping sa iyong ina o sa iba pa niyang asawa.

Huwag kang sumiping sa iyong kapatid na babae, kahit na kapatid mo siya sa ama o sa ina, kahit na lumaki siya sa inyo o hindi.

10 Huwag kang sumiping sa iyong apong babae dahil magbibigay ito sa iyo ng kahihiyan.

11 Huwag kang sumiping sa anak na babae ng iyong ama sa iba niyang asawa, dahil kapatid mo rin siya.

12-13 Huwag kang sumiping sa iyong tiyahin na kapatid ng iyong ama o ina.

14 Huwag mong ilalagay sa kahihiyan ang iyong tiyuhin sa pamamagitan ng pagsiping sa kanyang asawa, dahil tiyahin mo rin siya.

15 Huwag kang sumiping sa iyong manugang na babae dahil asawa siya ng iyong anak.

16 Huwag kang sumiping sa iyong hipag na babae dahil itoʼy magbibigay ng kahihiyan sa iyong kapatid.

17 Huwag kang sumiping sa anak o apo ng babaeng sinipingan mo noon, dahil baka anak o apo mo iyon at itoʼy nakakahiya.

18 Huwag kang mag-asawa ng kapatid na babae ng iyong asawa habang buhay pa ang iyong asawa.

19 Huwag kang sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil itinuturing siyang marumi.

20 Huwag kang sumiping sa asawa ng iba dahil kapag ginawa mo ito, ituturing kang marumi.

21 Huwag mong ibibigay ang iyong anak para ihandog sa dios na si Molec, dahil iyan ay paglapastangan sa aking pangalan na iyong Dios. Ako ang Panginoon.

22 Huwag kang sumiping sa kapwa mo lalaki o kapwa mo babae dahil kasuklam-suklam ito.

23 Huwag kang sumiping sa hayop dahil ito ay napakasama at ikaw ay ituturing na marumi kapag ginawa mo iyon.

24 Huwag ninyong dumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng ganitong mga gawain dahil ito ang nagparumi sa mga taong pinaalis ko sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 25-28 At kahit ang lupain ay nadungisan dahil sa ginawa nilang iyon. Pinadalhan ko ng mga salot ang lupaing iyon para silaʼy magsialis doon. Pero kayong mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na gawaing iyon, kundi sundin ninyo ang mga tuntunin at mga kautusan ko. Sapagkat kung dudungisan din ninyo ang lupaing iyon, sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing iyon, paaalisin ko rin kayo sa lupaing iyon katulad ng mga taong unang tumira roon. 29 Ang sinumang gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawaing ito ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Kaya sundin ninyo ang iniuutos ko sa inyo at huwag ninyong susundin ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga taong nauna sa inyo, para hindi ninyo madungisan ang inyong sarili katulad nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Mateo 27:27-50

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(A)

27 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro[a] niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(B)

32 Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,” 34 pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.

35 Ipinako nila si Jesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. 36 Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Jesus. 37 Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila 40 at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bumaba ka sa krus!” 41 Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. 43 Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!” 44 Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(C)

45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[b] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®