Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 4-6

Si Cain at si Abel

Pagkatapos noon, sumiping si Adan sa asawa niyang si Eva at nagbuntis ito. Nang manganak si Eva, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, kaya Cain ang ipapangalan ko sa kanya.”[a] At muling nanganak si Eva ng lalaki at Abel ang ipinangalan sa kanya.

Nang lumaki na sila, si Abel ay naging pastol ng mga tupa at kambing, at si Cain naman ay naging magsasaka. Isang araw, naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya. Si Abel naman ay kumuha ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop, kinatay ito at inihandog sa Dios ang pinakamagandang bahagi. Natuwa ang Panginoon kay Abel at sa handog nito, pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito. At dahil dito, sumimangot si Cain at labis ang kanyang galit. Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? Kung mabuti lang ang ginawa mo, maligaya ka[b] sana. Pero mag-ingat ka! Dahil kung hindi mabuti ang ginagawa mo, ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nagbabantay sa iyo para tuklawin ka. Kaya kailangang talunin mo ito.”

Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, “Halika, pumunta tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel.

Pagkatapos, nagtanong ang Panginoon kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?” Sumagot si Cain, “Ewan ko, hindi ko alam kung nasaan siya. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?” 10 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Ano ang iyong ginawa? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. 11 Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na pinatay mo. 12 Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.”

13 Sinabi ni Cain sa Panginoon, “Napakabigat ng parusang ito para sa akin. 14 Itinataboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Wala na akong matitirhan, kaya kahit saan na lang ako pupunta. At kung may makakakita sa akin, tiyak na papatayin niya ako.”

15 Pero sinabi ng Panginoon kay Cain, “Hindi iyan mangyayari sa iyo! Sapagkat ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.”[c] Kaya nilagyan ng Panginoon ng palatandaan si Cain para hindi siya patayin ng kahit sinong makakakita sa kanya. 16 Pagkatapos, lumayo si Cain sa Panginoon at doon tumira sa lugar ng Nod,[d] sa bandang silangan ng Eden.

Ang mga Lahi ni Cain

17 Sumiping si Cain sa asawa niya. Nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan nila siyang Enoc. Nagpatayo si Cain ng isang lungsod at pinangalanan niya itong Enoc kagaya ng pangalan ng kanyang anak. 18 Si Enoc ay may anak ding lalaki na ang pangalan ay Irad. Si Irad ang ama ni Mehujael; si Mehujael ang ama ni Metusael; at si Metusael ang ama ni Lamec. 19 Si Lamec ay may dalawang asawa na sina Ada at Zila. 20 Ipinanganak ni Ada si Jabal na siyang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga tolda, na nag-aalaga ng mga hayop. 21 May kapatid si Jabal na lalaki na ang pangalan ay Jubal, na siyang pinagmulan ng lahat na tagatugtog ng alpa at plauta. 22 Si Zila ay nagkaanak din ng lalaki na ang pangalan ay Tubal Cain. Si Tubal Cain ay gumagawa ng lahat ng klase ng kagamitan mula sa bakal at tanso. May kapatid siyang babae na si Naama.

23 Isang araw, sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa,

    “Ada at Zila, mga asawa ko, pakinggan nʼyo ako. Pinatay ko ang isang binatilyo dahil sinaktan niya ako.
24 Kung pitong beses ang tindi ng ganti sa taong pumatay kay Cain,
    77 beses ang tindi ng ganti sa taong papatay sa akin.”

Ang mga Lahi ni Set

25 Sumiping muli si Adan kay Eva at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan niya itong Set.[e] Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Dios ng anak na lalaki bilang kapalit ni Abel na pinatay ni Cain.” 26 Nang bandang huli, si Set ay nagkaroon din ng anak na lalaki na pinangalanan niyang Enosh.

Nang panahong isinilang si Enosh, ang mga taoʼy nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.

Ang mga Lahi ni Adan(A)

Ito ang kasaysayan na isinulat tungkol sa pamilya ni Adan.

Nang likhain ng Dios ang tao, ginawa niya itong kawangis niya. Nilikha niya ang lalaki at babae, at binasbasan niya sila at tinawag na “tao.”

Nang 130 taong gulang na si Adan, isinilang ang kanyang anak na kawangis niya. Pinangalanan niya itong Set. Matapos isilang si Set, nabuhay pa si Adan ng 800 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Namatay siya sa edad na 930.

Nang 105 taong gulang na si Set, isinilang ang anak niyang lalaki na si Enosh. Matapos isilang si Enosh, nabuhay pa si Set ng 807 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Namatay siya sa edad na 912.

Nang 90 taong gulang na si Enosh, isinilang ang anak niyang lalaki na si Kenan. 10 Matapos isilang si Kenan, nabuhay pa si Enosh ng 815 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 11 Namatay siya sa edad na 905.

12 Nang 70 taong gulang na si Kenan, isinilang ang anak niyang lalaki na si Mahalalel. 13 Matapos isilang si Mahalalel, nabuhay pa si Kenan ng 840 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 14 Namatay siya sa edad na 910.

15 Nang 65 taong gulang na si Mahalalel, isinilang ang anak niyang lalaki na si Jared. 16 Matapos isilang si Jared, nabuhay pa si Mahalalel ng 830 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 17 Namatay siya sa edad na 895.

18 Nang 162 taong gulang na si Jared, isinilang ang anak niyang lalaki na si Enoc. 19 Matapos isilang si Enoc, nabuhay pa si Jared ng 800 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 20 Namatay siya sa edad na 962.

21 Nang 65 taong gulang na si Enoc, isinilang ang anak niyang lalaki na si Metusela. 22-24 Matapos isilang si Metusela, nabuhay pa si Enoc ng 300 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. Nang panahong iyon, malapit ang relasyon ni Enoc sa Dios. Nasa 365 taong gulang siya nang siyaʼy nawala, dahil kinuha siya ng Dios.[f]

25 Nang 187 taong gulang na si Metusela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Lamec. 26 Matapos isilang si Lamec, nabuhay pa si Metusela ng 782 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 27 Namatay siya sa edad na 969.

28 Nang 182 taong gulang na si Lamec, isinilang ang isa niyang anak na lalaki. 29 Sinabi niya, “Ang anak kong ito ay makakatulong sa mga kahirapan natin dahil sa pagsumpa ng Panginoon sa lupa, kaya papangalanan ko siyang Noe.”[g] 30 Matapos isilang si Noe, nabuhay pa si Lamec ng 595 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 31 Namatay siya sa edad na 777.

32 Nang 500 taong gulang na si Noe, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Shem, Ham, at Jafet.

Ang Kasamaan ng Tao

Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami ang kabataan nilang babae. Nakita ng mga anak ng Dios[h] na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila. Ngayon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon.”

Nang panahong iyon, at kahit nitong huli, may mga kilalang tao sa mundo na mula sa lahi ng mga anak ng Dios na nagsipag-asawa ng magagandang babae. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.

Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.

Si Noe

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.

Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10 May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.

11 Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12 Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13 Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14 Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.[i] 15 Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16 Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17 Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19 Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20 Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21 Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”

22 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.

Mateo 2

Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan

Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[a] galing sa silangan. Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:

‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
    hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
    dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
    na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[b]

Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Patungo sa Egipto

13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.

Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[c]

Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.

17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,

18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
    Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
    at ayaw niyang magpaaliw
    dahil patay na ang mga ito.”[d]

Ang Pagbabalik Mula sa Egipto

19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.

22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®